Quattro Club

3% Philhealth Premium Hike, Boluntaryo Na Lamang at Hindi na Mandatory

Matatandaang kamakailan lamang ay inilabas ng Philhealth ang Circular 2020-0014 kung saan nakasaad na tataasan nito ang kontribusyon na kakaltasin sa sahod ng OFWs mula sa dating 2.75% noong 2019 sa 3% ngayong taon, 2020. Parte ito ng probisyon ng Universal Health Care Act na isinabatas noong Pebrero 2019 na kung tutuusin ay hindi lamang tumutukoy sa mga OFW.

Ang balitang ito ay umani ng batikos mula sa mga OFWs sa buong mundo, kasama na ng ilang labor groups tulad ng Kilusang Mayo Uno at Migrante International. Maging si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Senador Sonny Angara, Senador Bong Go at House Deputy Speaker Mujiv Hataman ng Basilan at Health Secretary Francisco Duque III ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon. Nagkaroon rin ng dalawang online petition ang mga OFWs para kontrahin ang Philhealth Circular 2020-0014.

Malaking panibagong dagok para sa mga OFWs at sa pamilya ng mga ito ang nilalaman ng bagong circular dahil bukod sa compounded na interest rate ay may penalty ring matatanggap ang mga hindi makapagbabayad ng takdang Philhealth contribution. Idagdag pa ritong may posibilidad na gawin itong requirement sa pagkuha ng OEC ng mga manggagawang nagbalik-bayan.

Dahil dito ay maraming mga OFWs ang nagpahayag ng kaniya-kaniyang hinaing sa social media. Kabi-kabila ang naging batikos bilang tugon sa circular na ito. Ayon sa kanila, bakit sila kailangang obligahin na magbayad ng Philhealth samantalang hindi naman nila iyon mapapakinabangan? Sa oras na sila ay magkasakit, sagot ng medical insurance mula sa kanilang pinapasukang kompanya o ng mismong bansang pinagtatrabahuhan ang lahat ng mga gastusin sa ospital at kadalasan ay kabilang pa ang gamot.

Ito ang hinaing ng karamihan sa mga OFWs. Hindi diumano makatarungan ang 3% premium buwan-buwan na tataas pa kada taon.

Ngunit ngayong araw lamang ay nagkaroon ng pahayag si Presidential Spokesperson Harry Roque tungkol sa issue. Sa kanyang virtual press briefing, binanggit niya na nag-issue ang Pangulong Duterte ng derektiba sa Philhealth para gawing boluntaryo na lamang at hindi na mandatory ang pagbabayad ng mga OFWs ng Philhealth premium contribution. Dagdag pa nito, ipinahayag na rin ni Health Secretary Duque na sinuspinde na ng kanyang departamento ang Section 10.2.c ng Implementing Rules and Regulations o IRR ng Universal Health Care na nagpapataw ng mas mataas na kontribusyon habang mayroon pang COVID-19.

Maging ang OWWA at POEA ay nag-anunsiyo na rin na hindi na nila oobligahin ang mga OFW na magbayad ng kanilang Philhealth premiums bago mabigyan ng OEC, o ang kinakailangang dokumento para makalabas ng bansa.

Magandang balita ito para sa ating mga kababayan ngunit ang tanong ngayon ng marami ay hanggang kailan ang magandang balitang ito? Bilang parte ito ng mandato ng Universal Health Care Law na aprubado at pirmado ng Pangulong Duterte noong nakaraang taon, inaasahan na magtataas talaga ang premium ng .5% bawat taon simula ngayong 2020 hanggang 2024. Batas na ito at inanunsiyo na ito ng Philhealth noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sa ngayon ay wala munang tiyak na magagawa kundi ang maghintay. Patuloy na umaasa ang lahat ng OFWs na maging permanente na ang voluntary contribution at hindi pansamantala lamang.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: