Quattro Club

Mahal kita, Ina

Siyam na buwang pagdadala sa sinapupunan,
Paglilihi, puyat, sakit ng balakang,
Mga unang sakripisyong sayo inilaan,
Pikit-matang tiniis ng INA mong mahal.

Sa bawat uha mo, sanggol, sa gitna ng gabi,
Katulong si Ama, si INA’y lagi sa tabi,
Nakamasid, nakabantay sa anak na giliw,
Sa mata’y mababasa, pag-ibig na walang maliw.

Sa paglipas ng mga araw, ang mahal na sanggol,
Lumaki at nagkaisip, natuto at dumunong,
Nangarap nang mataas, ang mundo ay
sinuong,
Sa naghihintay na INA, nalimot lumingon.

Anak, hawak mo man ang mundo sa kasalukuyan,
Tagumpay man ay nakalatag sa iyong harapan,
Sikaping ikaw ay huwag tuluyang malibang,
Alalahanin at kumustahin, si INA ay balikan.

Kaya ikaw dating sanggol, ano ba ang dapat?
Hindi ba’t alalahanin kung saan ka nagbuhat?
Mahalin, balikan ang dakila mong ugat,
Pagkat ‘di lahat ay INA, ngunit lahat ay anak.

Hindi ngayon lang sa araw na ito ang tamang pag-alala,
Ano mang araw at oras, naghihintay lang siya,
Huwag mong hintayin ang pagdating ng isang umaga
Na gustuhin mo mang mahalin, wala na pala si INA.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: