Quattro Club

The Mouse and the Kitten 1 (Chapter 5)

PAGLAPAT ng katawan niya sa kama ay itinaas niya ang mga kamay upang abutin si Daniel. Bahala na kung ano ang iisipin nito. She wanted him to stay.

“Okay ka lang ba?” tanong nitong hinawakan siya sa mga kamay. Nakatunghay ito sa mukha niya at hindi niya ito magawang tingnan.

“I’m not feeling okay. Huwag mo muna akong iwan…please, my Mouse…”

“Ang lambing mo talaga ‘pag may dinaramdam,” anitong napapailing.

Ilang saglit na katahimikan ang pumagitan sa kanila. She didn’t know what he had on mind. Mas mahalagang makasama niya ito at maiiwas kay Alaine.

“Do you want me to call Yaya Metring?”

“No!” nabigla niyang sabi. “Nandito ka naman…okay lang ako.”

“Are you sure?”

“Yes. Don’t leave me yet, K-Kuya…” Saglit niyang hinintay kung sisitahin siya nito sa pagtawag ng kuya rito pero tulad nang una’y bigo siya.

Nakasunod ang tingin niya rito nang tumayo ito at lumapit sa dresser niya. Mula roon ay may kinuha ito – ang liniment na ito rin mismo ang bumili noon nang malaman na occasional ay nagkaka-migraine siya.

“You need this. I’ll give you a massage so you could sleep.”

Hindi siya kumibo. Nahihiya siyang malaman nito ang totoong damdamin niya. She was just a kid sister to him samantalang higit sa pagtinging-kapatid ang turing niya rito.

Lumuhod ito sa semento sa gilid ng kama at saka dumukwang sa kanya.

“Ayos ka lang ba diyan, Kuya?”

“Yap. Kuya again?” He was half-smiling. Sumasal ang tibok ng puso niya. Sana’y i-pursue nito ang topic at nang malimutan kahit saglit ang presence ni Alaine.

“Bakit ba ayaw mo nang magpatawag ng kuya? Dati namang kuya na ang tawag ko sa’yo.”

Tumawa ito. Yumugyog ang balikat. “Hassle kasi.”

Again, there was the familiar nervousness in her stomach. “Bakit hassle?”

“Siyempre. Basta hassle. Huwag ka nang matanong. Come, lalagyan na kita nito.” Hinawakan nito ang sentido niya upang lagyan ng liniment. Pumikit naman siya para i-enjoy ang ‘moment’ na iyon.

“Hindi kaya naiinip na si Alaine?” pagkuwa’y tanong niya.

“Maybe, but she’ll understand. You need me here,” ani Daniel sa pagitan ng pagmamasahe sa sentido niya.

Tila may kung ano namang bumara sa lalamunan niya sa sinabi nito. Bigla ay na-imagine niya ang sariling nagde-demand ng oras mula rito. Iyon siguro ang palaging isasagot nito sa kanya kung makakatuluyan nito si Alaine. Her friend, unfortunately, was a real understanding person. If memory served her right, palagi ring ito ang umuunawa sa kanya noon sa mga tantrums niya. Alaine was understanding and generous while she was stubborn and immature. The deducted points from her would be added to Alaine. Napahugot siya ng malalim na paghinga.

“What was that for? Ganoon ba talaga kasakit, Be?”

It was like music to her ears. Sana’y palagi na lang ganoon ang tawag nito sa kanya.

“Gusto kong matulog pero hindi ko alam kung paano. Nahihilo pa ‘ko.”

Tumayo si Daniel at inihagis sa dresser ang liniment, pagkuwa’y muling naupo sa gilid ng kama niya. Umisod naman siya para ma-accommodate ito, giving him the impression that he could stay. Nang makaayos sa pagkakaupo ay sumandig siya sa braso nito.

“Bakit kaya ganoon si Kuya? Palagi na lang si Cindy ang nasa isip niya.”

“Ano ka ba. Intindihin mo na lang ang kuya mo. He has his own life just like you.”

“Ako? Wala naman akong lovelife tulad niya. Tulad mo.”

Pagak itong tumawa. “Bakit ako?”

“O ‘di ba, luma-lovelife ka na rin diyan? Kaya ka nga nandito eh.”

Naramdaman niyang niyuko siya nito pero hindi siya tuminag sa kanyang puwesto.

“I don’t know what you’re talking about.”

“Umamin ka na. Kilala kita. You like her, don’t you?”

“Si Alaine ba?”

“Sino pa? Alangan namang si Yaya?”

Pinisil ni Daniel ang pisngi niya. “Ang cute mo talagang magtampo. Kung hindi lang kita kilala, iisipin kong may gusto ka sa akin.” Tumawa ito nang malakas. Ngani-ngani na niyang sabihin ditong totoo ang sinabi nito pero pinagkapigil-pigil niya ang sarili.

“Hindi kayo bagay ni Alaine. She’s too good for you.” Lumabi siya.

“Do not pout in front of men, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo.” Hinaplos nito ang nanunulis niyang nguso.

“Kapag si Alaine ang nagpa-pout, like mo? Kapag ako, hindi puwede?”

“I’m just trying to protect you.”

“And what has that got to do with pouting?”

“Haven’t you heard that pouting is sexy? And that eighty percent of women pouting their lips were trying to seduce men?”

“I can’t believe we’re talking about seduction here. Ano naman ang malay ko doon!” Hinampas niya ito nang mahina sa braso.

“Kaya nga sinasabi ko sa’yo so you know. Huwag haharang-harang ‘yang nguso mo kapag may ibang lalaki sa paligid.”

“Hindi ka ibang lalaki para sa akin.”

“All right. Pero iyang sarili mo, ayus-ayusin mo na rin. Huwag kang haragan kung maupo at baka kung ano pa ang masilip sa’yo.”

Nag-init ang pisngi niya sa puntong iyon. Tama naman ito. She was careless in almost everything. Baka nga kaya nito nasabi iyon ay minsan na rin siya nitong nakitang nakaupo sa kung paanong paraan lang.

“Nasilipan mo na ba ‘ko, Kuya Dan?”

“I said stop calling me kuya—”

“Dan, fine!”

“Ano ulit iyon?”

“Nasilipan mo na ‘ko?”

“Ano ka ba? Hindi ko naman iyan titingnan kung sakali.”

‘Aray.’

“I mean, huwag mo na akong isali sa mga lalaking tinutukoy natin but of course, it would be great if you’ll mature a little more.”

“Okay. So nasilipan mo na nga ako?”

“Stop it!” Tila ito naman ang namula at ngayon ay mukhang hindi komportable sa topic nila. Tumawa siya.

“Kung makaasta ka naman, akala mo ka kung sinong santo. Tinatanong ka lang diyan.”

“Ang dami mong tanong. Basta mag-ingat ka sa sarili mo at hindi ka na bata. Mamaya ay mapahamak ka sa pagiging careless mo.”

“Opo.”

“Masakit pa ba?” tanong nito at muling dumukwang sa kanya sabay haplos sa kanyang sentido. Nalanghap niya ang male scent nito at hindi niya maipaliwanag ang damdamin niya sa mga sandaling iyon.

“Medyo pa.”

“Puwede na ba kitang iwan dito?”

Hindi niya naman napigilan ang mag-pout pero madaling idinampi ni Daniel ang hintuturo sa mga labi niya. Iiling-iling ito habang natatawa. Natawa na rin siya pero dahil nasa isip niya ang pagpapaalam nito, lumitaw na buntong-hininga ang tawa niya.

“Sige na nga. Umalis ka na.”

“Galit ka?”

“Bakit naman ako magagalit, hello!”

“Hindi mo gusto si Alaine for me?”

“So you really like her?”

“Is it that obvious?”

“Apparently, yes.”

“She’s pretty.”

“And?”

“I like to know more of her. Now, can you like her for me?”

Umiling siya. Tumawa si Daniel, pagkatapos ay dinampian siya ng halik sa ibabaw ng ulo at saka tumayo.

“Go to sleep now, Kitty.”

“Be good ha,” malungkot niyang sabi. Habol niya ng tanaw ang lalaki hanggang marating nito ang pinto. He winked before he finally stepped out of the room and closed the door.

SA MGA sumunod na araw ay naging kapansin-pansin ang pananamlay ni Maxene. Hindi na siya halos makakain at hindi na rin niya magawang matulog. All because of Daniel and her friend Alaine.

Si Daniel ay hindi nag-aksaya ng panahong ligawan si Alaine habang ang kaibigan naman niya ay hindi na rin nagpatumpik-tumpik pa. Naging madalas ang pagdalaw ng dalaga sa kanila na kung tutuusin naman ay hindi naman talaga siya ang dinadalaw. Pag-uwi galing ng school ay naroon na ito, kausap si Daniel. Sa gabi na ito uuwi at iyon ay kung hindi nito maiisipang magyayang lumabas na kalimitan ay inaabot ng hatinggabi. Alam niya dahil lagi siyang nagpupuyat para lang hintayin kung anong oras ito babalik.

Dahil doon ay naisipan niyang humingi ng tulong sa isang kakilala sa village na may kapatid na electrician. She was planning to install something in Daniel’s room. Sa ganoong paraan, malalaman niya kung anong oras darating sa hatinggabi ang lalaki. It took Eric, the electrician almost a month to do it. Marami rin daw kasi itong tanggap na trabaho pero kanina ay nakatanggap siya ng tawag mula dito na sa umagang iyon ay darating ito upang gawin ang ipinapaayos niya. Perfect timing dahil nasa school si Daniel at ang kuya niya habang siya naman ay sinadyang mag-absent. Nagdahilan na lang siya sa mga kasambahay na hindi maganda ang kanyang pakiramdam.

Pasado alas-diyes nang tawagin siya ni Yaya Metring at sabihing may taong naghahanap sa kanya. Dali-dali siyang bumaba pero nabigla siya nang makita ang lalaking naghihintay sa sa sala. Ang inaasahan niya ay isang marungis na electrician at mukhang matanda na. Iyon kasi ang sabi ni Myla, nasa late fourties na raw ito.

“Ikaw si Eric?” tanong niyang hindi makapaniwala.

“Yes and you are Max? Akala ko ay lalaki.”

“Huh? Boses-lalaki ba ako sa telepono?” Napaangat ang kilay niya.

“No-no! Hindi kasi ako ang kausap mo sa telepono, iyon ay si Kuya Eric. Katukayo ko na mas maedad sa akin, kasama ko sa trabaho.”

“Ah—okay. So siya ang kausap ko pero ikaw ang nandito? Alam mo ba ang gagawin? Nasabi—”

“Yap, in fact ay dala-dala ko na nga. Ii-install na lang. Saan ko ba ito ilalagay?”

“Eh teka, bakit hindi siya ang naparito? Na-explain ko na kasi sa kanya lahat ng gusto kong mangyari.”

“Don’t worry, sinabi naman niya sa akin. OJT lang ako sa shop niya pero alam ko naman ang gagawin.”

Napatango siya. Guwapo ang Eric na kaharap niya ngayon. Ano kaya kung ireto niya kay Alaine? Kung sa hitsura at pangangatawan, hindi ito pahuhuli kay Daniel. Napangiti siya sa isiping iyon. Noon niya napansing mataman rin palang nakatingin sa kanya ang kaharap. Nakangiti rin ito.

“Puwede na nating simulan.” aniya rito

Matapos magbilin kay Yaya Metring na gumawa ng merienda ay niyaya na niya si Eric sa katapat na bahay. Wala siyang magiging problema dahil kasabwat na rin niya si Trina. Natuwa pa nga ito nang aminin niya ang pagtingin sa amo nito. Kabilin-bilinan niya ritong huwag itong magkukuwento kahit kanino at nangako naman ito. She had no choice but to do that. Ito ang may hawak ng susi ng room ni Daniel, kailangan niyang maging totoo rito.

“AYOS na ba iyan?” tanong niya kay Eric nang makitang sinisipat na lang nito ang maliit na gadget na inilagay sa likod ng pinto ng kuwarto ni Daniel.

“Oo. If you want, puwede mo na itong i-test. Here’s the remote control.” Iniabot nito sa kanya ang isang maliit na tila remote control ng aircon.

Sinabi ni Eric sa kanya ang function ng tatlong button na naroon. Ang berde ay para i-ON ang gadget na nang pindutin niya ay nagpailaw nga sa isang maliit na button sa bandang ilalim ng naka-install na gadget. Berde rin iyon. Ang pula naman ay para i-deactivate ang function ng gadget. Mamamatay ang berdeng ilaw kung iyon ang pipindutin niya. Ang dilaw naman na nasa gitna ay iilaw sa tuwing bubukas o sasarado ang pinto kung saan nakakabit ang gadget. May kasamang alarm tone iyon na sa ngayon ay wala pa raw ibang option ng iba’t-ibang klaseng tunog.

Matapos siyang bigyan ng instruction ay lumabas si Eric at isinara ang pinto. Nang muling buksan iyon ay biglang nag-alarm ang remote control na hawak niya. Umilaw ang nasa pagitan ng pula at berdeng button. Kinuha ni Eric ang remote mula sa kanya at ini-adjust ang volume niyon sa gilid.

“Puwede mo itong hinaan para hindi mahalata ng mga kasambahay mo, enough for your own ears.”

Napatango siya. Hindi niya akalaing may ganoon pala talagang gadget. Aksidente lang na naikuwento sa kanya ni Myla ang tungkol sa negosyo ng kapatid nito at naging interesado siya. Nang tanungin niya ito kung kayang gumawa ng kapatid nito ng isang alarm gadget sa bahay ay natawa ito. Iyon pala mismo ang main services ng kompanyang hawak ng kapatid nito. Sa US pa umaangkat ng mga materyales ang kapatid nito sa paggawa ng mga surveillance camera at mga security gadget na mabenta raw sa mga negosyante at mayayaman ngayon. Noon lang din niya nalaman na maging ang mga CCTV sa private resort na pag-aari ng pamilya ni Daniel ay ang kuya rin nito ang nag-install. They were living in the same village pero malayo ito sa kanila. Ang shop naman ni Eric na kuya ni Myla ay sa Makati pa naroon.

“Trina, pakiayos mo na itong mga sabit ni Kuya Dan sa pinto. Make sure na hindi niya mahahalata na binuksan natin ang door frame para sa gadget na iyan ha.”

Tumalima naman ang napapangiting kasambahay. “Ma’am, ililipat ko ang sabitan ng belt ni Kuya para hindi niya makita ang radyo na ito. Kapag nagtanong siya, sasabihin ko na lang na nagkaoras ako kaya nagawa kong ayusin ang room niya. Iibahin ko rin nang bahagya ang ayos ng mga gamit para hindi halata.”

“Salamat,” aniyang napangiti nang pangalanan ng kasambahay ng ‘radyo’ ang gadget na nasa pinto. “Ano ang ilalagay mo diyan para hindi iyan mahalata?”

“Ako na po ang bahala, Ma’am. Malakas kayo sa akin eh.”

Natawa siya ulit. Sinubukan niyang abutan ng pera si Trina bilang pasasalamat dito pero tumanggi ang kasambahay. Sapat na raw na makatuluyan niya ang amo nito dahil boto raw ito sa kanya.

Matapos magpasalamat at mailigpit ang mga gamit ay bumalik na sila sa sariling bahay. Sinubukan nila sa mismong room niya kung gagana ang gadget. Nakadungaw naman sa bintana ng kuwarto ni Daniel si Trina, naghihintay ng senyas niya. Nang bigyan niya ito ng cue na buksan ang pinto ng kuwarto ay sumunod naman ito. Napatili siya sa tuwa nang mag-alarm ang remote control. Nang isara ni Trina ang pinto ay nag-alarm ulit iyon. Sinubukan niya nang paulit-ulit ang mga function gadgets at nang masigurong maayos ang mga iyon ay kumuha na siya ng pambayad kay Eric.

Twenty thousand pesos ang usapan nila ng Eric na nakausap niya sa telepono pero dinagdagan niya iyon ng dalawang five hundred peso bill. Binilang iyon ni Eric at iaabot na lang ang resibo sa kanya nang mapahinto ito. Muling ibinalik sa kanya ang ‘tip.’

“Meron na ko dito sa bayad mo kaya okay na ito.”

“Naku ayos lang iyon. Pinag-ipunan ko talaga ‘yan kaya wala namang kaso.”

Muli nitong tinanggihan ang pera at sinabing i-refer na lang daw sila sa mga kakilala nito bilang pasasalamat. Natuwa naman siya sa attitude nito. Kung laging ganoon ang mga tao sa Pilipinas, aba’y bakit hindi uunlad ang bansa? Naisip niya ulit si Alaine, bagay na bagay ito kay Eric.

“Kanina ko pa napapansin na napapangiti ka lagi. Anything you want to share?”

“Wala naman. Nai-impress lang ako sa ugali mo. Sana ay hindi ka magbago kahit maging big time ka na,” aniyang totoo na ang ngiti.

“Siyempre naman. Libre ka ba next week?”

“Libre?”

“Yayayain sana kitang lumabas kung free ka. May nagbigay sa akin ng dalawang ticket sa isang concert, wala naman akong makakasama kaya kung puwede ka sana…”

“Naku, hindi ako sure. Can you just leave me your number so I could text you?”

“Sure.” Naglabas ito ng calling card at saka iniabot sa kanya.

Makalipas pa ang ilang sandali ay nagpaalam na rin ito.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: