Quattro Club

The Mouse and the Kitten 1 (Chapter 6)

NANG nagdaang gabi ay hindi umuwi ng bahay si Daniel. Alam ni Maxene dahil wala siyang alarm na narinig sa remote control niya kaya naman agad niyang tinawagan pagkagising si Trina. Dito niya nalaman na nakipagkita raw si Daniel kay Alaine. Sa simula ay nagtampo siya, nainis at naipangako sa sariling hindi babatiin ang lalaki pero sa huli ay siya rin ang hindi nakatagal. Saka ano ba naman ang karapatan niyang magtampo? Ni wala nga itong ideya na may pagtingin siya rito, kaya heto ngayon ang drama, maaga siyang lumipat sa bahay nito para lang makita ang lalaki. Inabutan naman niya ito, nakabihis na at tila may lakad. Nagtaka siya dahil kapag ganoong araw ng Martes ay ala-una pa dapat ang pasok nito.

“May lakad ka?”

Noon ito napatingin sa kanya pero saglit lang dahil muli itong yumuko para itali ang shoelace nito. “May usapan kami ni Alaine today.”

“May pasok ka ‘di ba?”

Nagkibit ito ng balikat.

“Saan naman kayo magkikita ni Alaine?”

“Sa mall.”

“Hindi mo siya susunduin sa kanila?”

Muli itong napatingin sa kanya, tila may kaunting pag-aalinlangan sa mga mata nito pero agad din iyong naglaho. “Hindi pa niya ako pinabibisita sa bahay nila. Mahigpit yata ang parents niya.”

“Ganoon ba? Mukha nga,” aniya nang maalala ang hitsura ng daddy nito. Mukha nga itong istrikto.

Nang balikan niya ng tingin si Daniel ay nakasandal na ito sa kinauupuang couch. Nakaunat ang kanang braso sa ibabaw niyon at patamad ang paraan ng pagkakaupo.

“May problema ba?” tanong niya.

Sa halip na sumagot ay sinenyasan siya nitong maupo sa pamamagitan ng pagtapik sa couch na kinauupuan nito. Agad naman siyang tumabi rito. Ang hindi niya ini-expect ay ang pag-akbay nito sa kanya.

“You know what, Be, sa tingin ko, ito na iyon e. Natatandaan mo ‘yung sinabi ko sa’yo dati na gusto ko nang magseryoso sa babae? Na gusto ko nang makakita ng babaeng mamahalin?”

“Oo natatandaan ko pero hindi ba mukhang nagmamadali ka naman? Paano mo natiyak na si Alaine na nga iyon?”

“Why not? She’s pretty—”

“Kapag tumanda na kayo, mawawala na rin ang ganda. Kumukupas kaya iyon, haven’t you heard?”

“Mabait siya.”

“Madaling magpakabait, FYI lang.”

“Maunawain, maalaga, malambing…”

“Natural kasi girlfriend pa lang. Ganoon talaga ang mga nobya, pero kapag asawa na, madalang ang consistent. Mukha pa namang mahilig gumala si Alaine saka hindi pa awat sa nightlife.”

“She’s sexy…”

“Magiging aparador din siya ‘pag nagkaanak na kayo. Ano’ng gagawin mo kapag nangyari iyon?”

“E ‘di iiwasan ko siya.”

“What?!”

“Iiwasan ko siya kapag nagkasalubong kami sa pinto kasi hindi kami kakasya, ‘di ba.”

“Puro ka naman biro e!” Hinampas niya ito sa hita.

“E puro ka naman kontra e! Don’t you think Alaine is not good enough for me?”
“Ewan, basta isa lang ang nakikita ko, BI siya as in bad influence. Imagine, may pasok ka sa eskuwela pero aabsent ka just to meet her? Kung matino siyang girlfriend, dapat ka niyang pagsabihan.”

Doon saglit na natahimik si Daniel.

“O hindi ka na nakaimik diyan. Tama ako, ‘di ba?”

“Nagtataka kasi ako kung bakit ayaw niya akong papuntahin sa kanila. Ikinakahiya kaya niya ‘ko?”

“Hello, ano ka ba! Ano naman ang nakakahiya sa’yo e ang guwapo-guwapo mo—”

“Wow, pakiulit nga!”

Sa halip na ulitin ay kinutusan niya ito nang mahina sa ulo. “Kidding aside ha, guwapo ka, Kuya. Galing ka sa matinong pamilya at higit sa lahat, may pangarap ka sa buhay.”

“Ano ulit iyon?”

“Yung may pangarap ka sa buhay?”

“Yung Kuya, naka-kuya ka na naman eh.”

Natawa siya. Para kasi itong batang nagta-tantrums. Napahugot siya ng malalim na paghinga at hindi naiwasan ang mapasandig sa braso ni Daniel.

“Alam mo, Daga este Dan…o hayan, Dan na ha.” Saglit siyang tumawa bago nagpatuloy. “Hindi ka kailangang magmadali sa paghahanap ng babaeng pakakasalan. Only fools rush in, hindi mo ba narinig sa kanta iyon?”

“Of course. Magtatapos pa naman ako sa pag-aaral at maghahanap ng matinong trabaho. Pero wala namang masama kung makilala ko nang maaga ang magiging inspirasyon ko sa buhay hindi ba?”

“Nandito na nga ‘di ba, ano pa ba’ng hinihintay mo?”

“Ha?”

“I mean, nakilala mo na nga si Alaine ‘di ba? Iyon na siguro ang hinihintay mo.”

Napailing ito. “Ewan ko ba. Para kasing…parang may kulang e.”

Sinupil ni Maxene ang isang ngiti. “What do you mean kulang?”

“May kulang basta. Hindi ko rin matukoy.”

“Ano ba kasi ang gusto mo sa isang babae? Malay mo, mabigyan ko ng tip ang GF mo.”

“I’m looking for someone who could take care of my needs.”

“Wait, wait, wait…looking for? So hindi pa ba si Alaine ang pinag-uusapan natin dito?”

Nagkibit ito ng balikat. Gusto na naman niyang ngumiti pero pinigilan niya ang sarili.

“Malambing siya pero para talagang kulang. I need someone na mag-aalaga sa akin, ipagluluto ako pag-uwi ko sa bahay…”

“So alam ko na kung ano ang kulang.”

“Ano?”

“Degree. Kailangang mag-aral ng Caregiving ang girlfriend mo.”

Hindi niya inaasahan na kikilitiin siya nito sa tagiliran kaya napatili siya. Hindi siya tinigilan ni Daniel hanggang halos malaglag na siya sa sahig sa katatawa. Nang sa wakas at bitiwan siya nito ay saka lang niya namalayang nakayakap na pala sa kanya ang lalaki habang ang mukha nito ay malapit na malapit na sa kanya. Noon unti-unting nabura ang ngiti niya sa mga labi.

It was like a dream came true. Siya habang nasa mga bisig ni Daniel at ito naman habang titig na titig sa kanya. Unti-unting bumababa ang mukha nito habang ang mga mata ay nakapako sa kanyang mga labi. God knows her heart was about to explode in a few seconds. She must do something pero magsasalita pa lang siya ay tila natauhan na si Daniel.

“Sorry…” anitong hindi makatingin sa kanya. Ilang saglit itong tila natigilan at pagkuwa’y inalalayan na siyang tumayo. Tila ito nauutal na hindi niya mawari. Parang bigla itong nailang sa presence niya. Bago pa siya makapagsalita ay nakapagpaalam na itong aalis. Wala siyang nagawa kundi ang sundan na lang ito ng tingin.

“SINABI niya iyon?” hindi makapaniwalang tanong ni Alaine nang araw na bumisita ito sa kanila. Nasa school pa si Daniel kaya sa bahay nila ito nagpunta.

“Oo. Sabi pa niya, gusto niya talaga sa babae iyong magandang-maganda. Saka sexy. Kahit daw maging mag-asawa na kayo, dapat daw ay hindi ka magbago sa pagiging maalaga sa figure mo.”

“Hindi ko alam na particular pala siya sa looks.”

“He is. Sabi ko nga, siyempre, lalaki na ang katawan ng babae oras na magkaasawa at magkaanak. Sabi ba naman, wala sa plano niya agad ang mag-anak. Siguro nga kasi, ayaw niyang masira agad ang beauty mo kaya ganoon. Hoy, ang sweet ha. She really loves you, my friend.”

Sa halip na mapangiti ay tila disappointment ang expression na nababanaag niya kay Alaine. Ngayon pa lang ay gusto na niyang magdiwang.

“What else did he tell you?”

Saglit siyang kunwa’y nag-isip at saka pumitik sa hangin. “He said he will take care of you when you get married. Ni hindi ka raw niya pahihipuin ng kubyertos sa kusina. Siguro ay may maid kayo to assist you with all your needs, of course.”

“Pero gusto kong maging fulltime housewife—”

“Gusto niyang mag-establish ka ng sarili mong career. O, apir!” Tuwang-tuwa siyang nakipag-high five dito.

“Bakit parang masaya ka?”

“Why wouldn’t I? My Kuya Daniel loves my friend a lot. Ni ayaw niyang masira ang beauty mo. Hindi ka niya pagagawain ng kahit ano sa bahay dahil gusto ka niyang maalagaan nang husto.”

“I’d like to do it for him. Aalagaan ko rin siya nang husto oras na magkatuluyan kami.”

“E ‘di mag-alagaan kayo…” bulong niya sa sarili.

“Huh?”

“I mean, ang sweet ninyo talaga. Imagine, pareho pala kayo ng gusto. Bagay na bagay kayo!” Palihim siyang umirap nang malingat ito.

“May sinabi pa ba siya?”

“Wala na akong maalala e. Siya nga pala, napunta na ba siya sa inyo?”

Tila umilap ang mga mata ni Alaine sa tanong niyang iyon. “Hindi pa e.”

“Bakit?”

“Gusto ko muna kasi sanang makatapos siya ng pag-aaral bago siya magpunta sa bahay. Strict ang parents ko, friend.”

Napatango siya. Sa bagay ay pabor iyon sa kanya. Hangga’t hindi pa nakikilala ni Daniel ang pamilya ni Alaine ay nangangahulugan iyon na hindi pa ganoon kalalim ang relasyon ng dalawa.

“Thanks nga pala sa mga tip mo ha. Don’t worry, hinding-hindi ko sasabihin kay Daniel ang mga nalaman ko.”

“Naku huwag talaga at lagot ako doon. Siyempre, sa akin siya nagsasabi ng sekreto.”

Hinawakan pa siya ni Alaine sa isang kamay at muling nagpasalamat. Sa ganoong tagpo sila nabungaran ng bagong dating na si Daniel. Lumapit ito kay Alaine at hinagkan ang dalaga sa pisngi habang kumaway naman sa kanya kasabay ng isang matipid na ngiti.

“Kanina ka pa?” tanong nito sa nobya.

“Yap pero ayos lang. Alam ko namang walang pasok ngayon si Max kaya dito na ako dumiresto. Hindi naman ako nainip.”

“Good. So, let’s go?”

“Ha? Saan?”

“Hindi ba ipinangako mo sa akin na ipapakilala mo ako ngayon sa parents mo?”

Nauna pa siyang masamid kaysa kay Alaine. Inihit siya ng ubo at maagap na kinuha ang juice na nasa isang tabi.

“Hindi puwede si Daddy ngayon. Out of town siya. Some other day na lang, okay.”

“Ganoon ba? Okay. So tara sa bahay?”

“Dito na lang kayo,” sabad niya. “May bago akong biling CDs diyan. Let’s call Yaya Metring for merienda.”

Anyong kokontra ang dalawa pero madali na niyang natawag ang nanny. Humingi siya ng isang pitsel na orange juice at kahit anong makakain dito. Madali rin niyang kinuha mula sa rack ang mga bagong VCDs na nabili niya at ibinigay iyon sa dalawa.

“Nakakahiya naman sa’yo, Max. Puwede naman kami sa bahay ni Dan.”

“I agree. Naabala pa tuloy pati si Yaya.”

“No, it’s okay. Wala rin naman akong gagawin kaya manood na lang tayo.”

Obvious ang pagpapalitan ng tingin ng dalawa. Tila nangingiti si Daniel habang hindi naman maitago ang disappointment ni Alaine. Lihim lang siyang napaismid sa reaction nito.

KINUHA ni Maxene mula sa bulsa ng slacks na suot ang kanyang cellphone at tiningnan ang message na naroon. Napangiti siya. It was Eric asking her about the concert. Awtomatiko siyang napangiti pagkaalala rito. He was charming and nice at plano niya talagang ipakilala ito kay Alaine.

“Ano ‘yan ha!”

Nabigla si Maxene nang sumulpot mula sa likuran niya si Daniel at inagaw ang kanyang cellphone. “Oy, akina ‘yan, ano ba!” Pilit niyang inabot ang cellphone mula rito pero matangkad ito kaya’t hindi niya iyon nagawang agawin.

“Teka, sino ‘to!” Itinaas pa nito ang cellphone na kahit lumundag siya ay hindi niya talaga maabot-abot, pagkatapos ay saka nito binasa ang message niya. “Concert? Magsama ka naman!”

“Bakit, mahilig ka bang manood ng mga ganyan?”

“E sino namang Eric ‘yan? ‘Yan ba ‘yung crush mo?”

“Secret.”

Nang sa wakas ay ibalik ni Daniel ang cellphone ay madali siyang nag-text dito. Hindi nagtagal ay tumawag ito.

Habang kausap Eric ay panay ang pangungulit ni Daniel. Natatawa lang siya rito sa pagtatangkang i-distract siya. Noon pumasok sa eksena si Alaine at tumabi sa lalaki. Agad na umabrisiyete rito ang dalaga.

“Sino ‘yon?” tanong ni Alaine nang ibaba niya ang cellphone.

“Friend ko iyon, nagyayayang manood ng concert. Game kayo?”

Nagkatinginan ang dalawa, halatang parehong gustong sumama.

“Naku teka, wala na yatang ticket but I will try to ask Eric, okay. Mukhang may lakad kayo?”

“Ewan ko dito kay Dan. Aalis ba tayo, Love?” baling nito sa katabi. Noon lang niya napansin na tila nakasimangot ang lalaki, mukhang nawala sa mood.

“Oy, sabi ko, aalis ba tayo?” ulit ni Alaine sabay tapik sa braso nito.

Tila wala ito sa sarili. Weird.

Marahan itong tumango. “Sama ka, Be?” baling nito sa kanya. Saglit siyang nabigla nang tawagin nito sa ganoong paraan. Max o Maxene kasi ang tawag nito sa kanya sa harap ng girlfriend nito.

Ang kanyang pagkagulat ay sinabayan pa ni Alaine. “Be?” tanong nito kay Daniel pero sa halip na magpaliwanag sa girlfriend ay siya ang hinarap ng lalaki.

“Sasama ka ba o hindi?”

Hindi agad siya nakakibo dahil hindi niya iyon inaasahan. Awtomatikong bumuka ang mga labi niya dahil sa pagtataka but Daniel considered her reaction as ‘no.’ Hinatak na nito si Alaine at walang paalam na tinungo ang pinto. Lalo nang lumalim ang gatla sa noo niya dahil sa inasal nito.

MATUTULOG na sana si Maxene nang mahagip ng tingin niya ang remote control sa tabi ng kanyang lampshade. Kinuha niya iyon at wala sa loob na inilagay sa dibdib. Kasabay niyon ay kusa siyang napasulyap sa labas ng bintana kung saan tanaw niya ang kuwarto ni Daniel. Tulad nang dati, wala pa ito. Walang ilaw ang kuwarto nito gayong alas-otso pa lamang ng gabi. Kung dati lang, nasa room na ito nang ganoong oras. Kung hindi gumigitara sa pasamano ng bintana ay naglalaro ito ng PSP o kaya ay nag-i-internet tulad niya.

Napabuntong-hininga siya. Marami na talagang nangyari buhat nang dumating si Alaine sa buhay nito. Hindi na niya ito nakakasabay sa umaga sa pagtakbo sa clubhouse at paligid ng subdivision. Nami-miss na rin niya ang panonood sa laro nito at ng kuya niya. Pareho na kasing busy ang mga ito. Ang kanyang Kuya Migz kay Cindy at si Daniel naman kay Alaine.

Bigla siyang inatake ng lungkot. Kung sana ay may kapatid siyang babae na mapagsasabihan ng lungkot niya sa mga ganitong pagkakataon. Naalala niya si Alaine pero hindi ito puwede. Paano niya sasabihin ditong ang mismong boyfriend nito ang problema niya?

Muli siyang napatingin sa nakapinid na bintana ni Daniel. Sana’y katulad na lang din siya ng bintanang iyon – bubukas at sasarado kung kinakailangan. Hindi maiinip sa paghihintay kay Daniel. Hindi masasaktan kapag may nakikitang Alaine sa buhay nito. Malungkot siyang nakatulog nang gabing iyon.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: