Quattro Club

The Mouse and the Kitten 1 (Chapter 7)

“TAMA na, sis! Aba’y lasing ka na!”

Umiling siya at itinaas pa ang maliit na baso ng alak. “Ano bang lasing? Isa pa lang ang tingin ko sa’yo kaya okay pa ako. Isa pa, sis!” Tinungga niya ang laman niyon at saka ibinaba sa harap na lamesita. “Tagay pa!” aniya kay Myla.

“Okay ka lang ba? Ano ba kasi ang problema mo? Iyon lang? Na wala nang time sa’yo ang mga kuya mo?”

“Hindi ganoon kadali iyon. Siyempre, nami-miss ko sila. Pakiramdam ko, balewala na ako sa kanila ngayon,” aniyang pautal-utal. Gusto na niyang maniwalang may tama na nga siya. Bahagya na rin kasi siyang nahihilo.

“E ‘di kausapin mo sila. Kung alam nila na ganyan ang nararamdaman mo, gagawa sila ng paraan. Alam ko namang love na love ka ng mga iyon lalo na ni Miguel.”

Gusto sana niyang ipaliwanag dito ang lahat pero sa kabila ng hilo at epekto ng alak sa kanyang utak ay hindi niya iyon magawa. May maliit na tinig na bumubulong pa rin sa isip niya na dapat niyang kontrolin ang sarili. Maging si Myla ay walang alam tungkol sa totoong feelings niya kay Daniel. Nang itanong nga nito kung bakit siya nagpa-install ng gadget sa room ng lalaki, sinabi lang niyang pinababantayan lang ng mommy ni Daniel ang anak. Dinagdagan pa niya iyon ng kuwento na gabi-gabi ay inire-report niya sa ina nito kung anong oras umuuwi ang binata. Mga bagay na wala namang katotohanan.

“May problema ba?”

Sabay silang napalingon ni Myla. Si Eric.

“Oy, hi! Kumusta?” bati niya rito. Nilagyan niya ng laman ang hawak na baso at saka iniabot rito na tinanggap naman ng lalaki.

“Ayos lang. Mukhang nagkakatuwaan kayo rito ah,” anitong bagaman nakangiti ay tila hindi iyon umabot sa mga mata. “Myla, mukhang naparami na ang inom ng kaibigan mo.”

Mahina niyang hinampas sa balikat ang lalaki. “Ano bang naparami? E ‘di sana ay hindi kita kilala. Si Eric ka, ‘di ba? ‘Yung nag-o-OJT sa kuya nitong si Myla?”

Tumango ito at muling tinanggap ang basong iniabot niya. Nilagyan niya ulit iyon ng laman para naman sa sarili pero pinigilan siya ni Eric nang anyong iinumin na niya iyon.

“Tama na, Max. Baka hindi ka na makauwi.”

“Malapit lang ang sa amin. Kayang-kaya kong umuwi, don’t worry.” Tumawa siya pagkasabi niyon pero hindi nagtagal ay unti-unting lumalabo ang paningin niya. Tila hinahatak siya ng kung ano sa dako pa roon. Hindi na niya namalayan nang makatulog siya at mapasandal sa mismong dibdib ni Eric.

MASAKIT ang ulo ni Maxene pagmulat ng mga mata kinabukasan. Itinaas niya ang mga kamay at nag-inat pero mabilis siyang napabalikwas ng bangon nang may tamaang kung ano ang isang kamay niya.

“Dan?!” bulalas niya nang makita ang lalaking tulog na tulog habang nakaupo at ang ulo ay nakasandal lang sa isang nakatayong unan sa headboard ng kanyang kama.

Napadilat ito at agad na nalukot ang mukha nang mapatingin sa kanya. Padarag itong tumayo at saka siya hinarap.

“Ikaw ngang babae ka, sa susunod ay huwag ka nang maglalasing ha!” mariin nitong sabi, tila pigil lang na sigawan siya.

“Ano ba’ng nangyari?” bulong niyang mas sa sarili patungkol ang tanong.

“Ano pa e ‘di naglasing ka nga! Gusto mo lang palang uminom, pinuntahan mo pa ang lokong iyon!”

Tumayo siya at saka lumapit dito, hindi alintana ang pagkirot ng kanyang sentido.

“Si Eric ba? Hindi ko siya niyayang uminom! Dumating lang siya doon but I swear, kami lang ni Myla ang—”

“Whatever! Para kang babaeng walang pinag-aralan! Tingnan mo ang sarili mo, doon ka pa humilata sa harap ng lalaking iyon kagabi! Paano kung pinagsamantalahan ka ng siraulong iyon!”

Napakunot ang noo niya. Bakit iyon alam ni Daniel? Inihatid ba siya ni Eric sa bahay nang hindi kasama si Myla? Pinabayaan ba siya ng kaibigan? Bakit ganoon na lang ang galit ni nito sa kanya?

“Hindi masamang tao si Eric…”

“—kaya ipinapain mo ang sarili mo sa kanya! Have you no decency, Maxene? Have you no shame?!”

Bigla na lang siyang napabulalas ng iyak sa puntong iyon.

“Shit!” sigaw ni Daniel at pagkatapos niyon ay mabilis na itong lumabas ng silid. Kasunod niyon ang malakas na pagbalabag ng pinto.

“NARIYAN ba si Migz, Yaya?”

Napalingon si Maxene nang marinig ang pamilyar na boses ni Daniel. Awtomatiko siyang napalapit dito.

Nang dumako ang tingin nito sa kanya ay napatda siya. Mabilis na bumaba ang tingin nito sa kanyang kabuuan at saka muling tumingin sa kanya.

“Nasa clubhouse nga pala si Kuya at saka—”

“Pakisabi na lang kay Miguel, Yaya, na sa susunod na linggo na lang kami maglaro. Wala ako sa mood kaya hindi ako nakasunod. Pasensiya na.” Iyon lang at mabilis na itong tumalikod. Ni hindi na nagawang sumagot ni Yaya Metring sa habilin nito. Siya naman ay daig pa ang namatanda sa inasal nito sa harap niya. Obviously, he was still upset. Mukhang inis na inis rin ito sa presence niya. Ganoon ba kalaki ang galit nito sa kanya dahil sa ginawa niyang paglalasing nang nagdaang gabi?

Nang tinawagan niya si Eric ay nalaman niya buhat dito na dumating pala si Daniel sa bahay ni Myla at inabutan nitong nakahiga siya sa sofa. Nasa kusina raw si Myla noon para kumuha ng tubig na ipampupunas sa kanya kaya ito lang ang inabutan ni Daniel. Agad daw na nagalit ang lalaki at hindi na hinayaang magpaliwanag si Eric. Nang tinangka nitong lumapit ay binantaan daw itong sasaktan ni Daniel kaya pinabayaan na lang ito ng lalaki hanggang maiuwi siya. Humingi na lang siya ng dispensa kay Eric dahil sa nangyari. Nang tanungin kung tuloy ang lakad nila, mabilis niya itong sinagot ng oo.

“Magkaaway ba kayo ng Kuya Daniel mo?”

Napatingin siya sa nalilitong anyo ni Yaya Metring. “May hindi lang po pagkakaintindihan, Yaya.”

“Aba’y mag-usap kayo at ngayon ko lang nakitang tinoyo nang ganyan ang batang iyan. Kahit ang basketball, hinding-hindi niyan ipagpapalit.”

“Ibang usapan na po siguro kung si Alaine ang ipapalit sa basketball niya.”

“Aba’y kahit nga si Alaine ay hindi niya binaba kahapon. Nakita ko sa labasan ang pobre at simangot na simangot. Nang tanungin ko, natutulog daw si Daniel at ayaw magpaistorbo sabi raw ni Trina.”

Nagtaka siya sa sinabi ng matanda. Alam niyang may ganoong ugali si Daniel pero wala siyang ideya na pati si Alaine ay idadamay nito sa galit sa kanya. Ganoon ba katindi ang ginawa niya para maapektuhan ito nang ganoon?

Bigla siyang napaisip. Naalala niyang nang huli niyang makitang nagkakaganoon si Daniel ay nang binastos ng isang lalaki sa disco pub ang kapatid nitong nurse. Galit na galit din noon ang lalaki at maging ang kapatid ay inaway nito. Na kung hindi raw ito lumabas at nag-disco ay hindi ito mababastos.

Hindi niya maiwasan ang mapahugot ng malalim na paghinga. Talagang kapatid lang ang turing sa kanya ni Daniel. Wala na siyang ibang maisip na dahilan para umakto ito nang ganoon.

“HI, Alaine!” bati ni Maxene sa kaibigan nang pagbuksan ito ng pinto. Isang matabang na pagbati ang itinugon nito sa kanya. Humakbang ito papasok at inakala niyang uupo ito sa couch pero tinawid nito ang kahabaan ng sala patungo sa gazebo. Huminto ito sa mismong harap ng gazebo pero hindi naman pumasok roon.

“Friend, wala ka bang napapansin sa kaibigan mo?”

“Napapansing ano?” tanong niya rito. Ilang araw na silang hindi nagkakausap ni Daniel. Mahirap man para sa kanya ay tinitikis niya ang sarili. Gusto niyang bigyan ng panahon ang lalaki bago kausapin. Lalapit pa lang kasi siya ay nakatalikod na ito. Malimit rin itong umaalis ng bahay at kung umuwi ay gabi na. Halos umaga na kung marinig niya ang alarm ng remote niya.

“These past few days, matabang siya sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat ng gusto niya. Sabi mo, magpaganda ako, ginagawa ko iyon…as in everyday.”

Tinitigan niya si Alaine at lihim siyang sumang-ayon sa sinabi nito. Lalo ngang tumingkad ang aura nito kompara nang una niya itong nakita.

“Noong isang araw, nagtanong siya kung anong putahe ang paborito kong iluto pero sa halip na sabihin ko ang totoo, sinabi kong wala akong alam sa kusina. Naisip ko kasi na mas ma-a-appreciate niya kung malalaman niyang hindi siya mahihirapang kumbinsihin akong ituloy ang career ko kahit mag-asawa na kami.”

Sinupil niya ang mapangiwi bilang reaksiyon sa sinabi ni Alaine. Na-i-imagine na niya kung paanong naasar si Daniel sa mga naging sagot nito. Naisip niya tuloy, baka iyon ang dahilan kung bakit tinabangan ang lalaki rito.

“Tinanong niya kung ano ang plano ko sa buhay at sinabi kong gusto kong ituloy ang trabaho ko kahit makasal kami. Sabi niya, kaya naman niyang i-provide ang needs ko kung sakali pero naisip kong baka sinusubukan lang niya ako kaya nag-stick ako sa mga tips mo. Pero bakit parang na-disappoint siya sa akin? Tell me, friend, may mali ba sa mga sinabi ko?”

‘Ay wala! Perfect lahat nang sinabi mo!’ “May toyo lang iyang si Kuya Dan kaya gumaganyan ‘yan but believe me, he loves you.”

“Are you sure?”

Hindi man bukal sa loob ay tumango siya. “Just give him some space, okay. Alam mo na, ang mga lalaki ay pabago-bago rin naman ng isip kung minsan. Ayaw rin nila ‘yung lagi tayong nakabuntot, alam mo iyon?”

“Kung…kung dadalin ko kaya siya sa amin…kung makikilala niya kaya ang parents ko, babalik kaya ‘yung dating Daniel sa tingin mo, Max?”

Napakibit siya ng balikat. “Malay natin. Puwede mong subukan if you want.”

Muling napabuntong-hininga si Alaine. Sinikap niyang patayin ang guilt na unti-unting umaahon sa kalooban niya. Ngayon pa ba na malapit na ang concert na hinihintay-hintay niya saka pa siya magbabago ng isip?

ALAS-SIYETE sa labas ng Araneta Coliseum. Maagang dumating si Maxene para i-meet si Alaine. Kinse minutos ang nakalipas ay dumating naman ito.

“Sure ka bang darating si Dan, Max? I-text ko muna kaya siya.”

“Naku, hindi na,” pigil ni Maxene kay Alaine nang akmang kukunin nito ang cellphone sa bag. “Nag-text na siya kanina at sinabing papunta na nga dito. Let’s just wait for him.”

Ang totoo, alas-otso ang sinabi niya kay Trina na sabihin sa amo nito. Tamang-tamang nasa loob na ang dalawa saka ito darating. Bibigyan niya ito ng ticket na siya ang bumili at saka naman sila hahanap ng puwesto ni Dan. Natural ay hindi iyon alam ni Alaine pero hindi na iyon maiisip ng dalaga oras na makausap nito si Eric. Tiyak na magiging abala na ito sa pakikipagkuwentuhan sa lalaki.

“Narito na pala si Eric. Hi, Eric!” nakangiti niyang sabi sa papalapit na lalaki.

“Ikaw?” tila takang-takang tanong ni Alaine rito. Napasimangot naman si Eric nang makita ang dalaga.

“Magkakilala kayo?”

Kapwa hindi sumagot ang dalawa kaya nahulaan niyang hindi ordinaryo ang pagiging ‘magkakilala’ ng mga ito. Kung tama ang kutob niya, mukhang dating may relasyon ang dalawa.

“Nagsisimula na ang concert. Let’s go,” yaya ni Eric sa kanya.

“Wait, pupunta lang ako ng comfort room. Ganito na lang. Mauna na kayong pumasok para makakuha kayo ng puwesto then, reserve the seats na lang for me and Daniel.”

“Are you sure? Baka hindi tayo magkita-kita?”

“We can text each other, don’t worry,” sagot niya gayong ang totoo, ibinilin niya kay Trina na itago ang cellphone ni Daniel para hindi ito ma-contact ni Alaine. Mahigpit na lang niyang sinabi rito kung saan sila magkikita ng lalaki.

“Puwede kitang samahan sa CR, Max.”

“No need, I can manage. Mas importanteng makapila na kayo. Susunod ako agad, okay.”

Tila may pag-aalinlangan sa mga mata ni Alaine pero hindi na ito kumontra. Ilang sandali pa ay nawala na ang mga ito sa paningin niya. Noon niya pinuntahan ang ‘meeting place’ nila ni Daniel.

LIMANG minuto bago ang alas-otso nang dumating si Daniel sa lugar na sinabi niya. Mailap ang mga mata nito at agad na hinanap si Alaine. Nasaktan siya sa kalamigan nito pero binalewala niya iyon.

“Nasa loob na sila pero sinabi ko naman na i-reserve tayo ng seats.”

“Sila?” kunot ang noong tanong nito. Bigla siyang kinabahan at naalala ang huling engkuwentro nito kay Eric.

“Kasama niya si Eric. Dan, please don’t make it hard for me and Eric. He’s a good friend. Matinong tao siya at—”

“I don’t give a damn. Halika na sa loob at baka hinihintay na nila tayo.” Humakbang na ito nang hindi man lang siya nililingon. Again, she was hurt but she just ignored it.

“Can we talk for a while?” tanong niya rito sabay hawak sa braso nito. Nilingon nito ang brasong kinakapitan niya kaya awtomatiko niyang naalis ang kamay roon. “Huwag ka namang ganyan, please…”

“Tara na sa loob.” Lumakad na ito ulit pero pagdating sa entrance ay napalingon ito sa kanya.

“Heto ang ticket,” aniya sabay abot ng ticket dito.

“Thanks. I’ll just pay the tickets later.”

“No worries. Isa pa—”

“Let’s get inside,” pambabara na naman nito.

Unti-unti nang nabubuwag ang lakas ng loob na itinanim niya sa sarili sa mga nakalipas na araw. Ang kapirasong alaala ng mga pinagsamahan nila ni Daniel ang pinanghahawakan niya kaya’t kahit paano ay umaasa siyang magkakaayos sila ng lalaki pero sa tingin niya ay talagang mahihirapan siyang kausapin ito ngayon.

“Doon na lang tayo,” aniya sabay turo kay Daniel ng mga bakanteng seats sa hindi kalayuan sa kinatatayuan nila.

“Where are they? Don’t tell me hindi tayo magkakasama?”

“Why don’t you text Alaine? Lobat ako kanina pa e.”

Napailing ito sa sinabi niya. “I’ve no cellphone with me. Hindi ko alam kung saan ko naibaba kanina.”

Muntik na siyang mapangiti sa naging tugon nito. “I don’t think we could see them. Ang daming tao dito.” Inilibot niya ang tingin sa paligid ng colisuem para bigyan ng emphasis ang sinabi. Hindi siya nakahuma nang pagbalik ng tingin niya kay Daniel ay makitang nakangiti ito. Daig pa niya ang tinambol sa dibdib nang masilayan ang ngiti nito. How she truly missed this guy! Pero agad ding naglaho ang ngiting iyon nang mapunang nakatingin siya. Gayunman ay hinawakan siya nito sa braso at saka iginiya.

“Sige, doon na lang tayo. Let’s just explain them what happened later.”

Tila musika sa pandinig niya ang sinabi ni Daniel. Pakiramdam niya ay nawala mula sa kinalalagyan ang puso niya at nagsayaw sa kanyang harapan.

‘I really love you, Daniel Fulgencio. I really do.’

PAGKAGISING ni Maxene ay si Daniel agad ang laman ng isip niya kaya’t naisipan niyang dumaan sa bahay nito bago pumasok. Inabutan niya si Trina sa labas ng bahay at ang sabi nito’y nasa kusina ang lalaki. And she was right, Daniel was there cooking at the kitchen. He was naked from waist up pero inabutan niya ito sa aktong nagkakabit ng apron. Napansin niyang bagong paligo ito at bahagya pang basa ang buhok na maikli ang tabas.

“Hi! Tanghali na ah, hindi ka pa ba papasok?”

Marahas itong napalingon sanhi upang siya’y matigilan. Despite his fresh looks in the morning, Daniel’s eyes seemed fiery and looked dangerous.

“H-hello! Ano pala’ng niluluto mo?” tanong niya sabay lapit dito pero hindi pa rin kumibo ang lalaki. Nagtataka man ay hindi siya natinag. “Huhulaan kong may topak ka ngayong umaga at dahil diyan ay kare-kare ang niluluto mo.” Napansin niya kasing iilan lang naman ang putaheng hilig nitong lutuin at natatandaan din niyang nagluluto lang ito sa tuwing depressed o upset ito. Biro pa nga niya rito noon na sana ay palagi itong maiinis dahil pabor iyon sa kanya. Paborito niya kasi ang kare-kare.

Tumabi siya rito at sinilip ang laman ng kaharap nitong kawali. Tama ang kanyang hinala. Napangiti siya. “Uy, ano ba? Woke up at the wrong side of bed, big boy?” pilya niyang sabi sabay kurot sa braso ni Daniel. Noon ito bumaling sa kanya. Kusa siyang napaatras nang humakbang ito palapit.

“Why do you seem to know everything about me, Maxene?”

“Huh?”

“Alam mo ang schedule ng klase ko, alam mo kung kailan ang basketball game namin ng kuya mo…pati oras ng biking at jogging ko, memoryado mo…”

“Teka, ano ba ‘to?” Patuloy siyang napaatras habang si Daniel naman ay patuloy rin sa paglapit.

“Alam mo lahat e. Pati tantrums ko at pagluluto sa tuwing upset ako, alam mo rin…what else don’t you know?”

“Teka, galit ka ba?”

“Kabisado mo halos ang lahat sa buhay ko. Bakit, Max? What have I done to have been rewarded such a huge favor?”

“Hindi kita maintindihan…” Lumapat na sa malamig na pader ang kanyang likod. Wala na siyang pupuntahan.

“Anong oras mo ako pinapunta sa concert kagabi?” malamig ang boses nitong tanong.

Biglang siyang naestatwa sa kinatatayuan. “May…may pasok pa pala ‘ko…” aniya at akma nang tatalikod kung hindi lang nahagip ni Daniel ang braso niya.

“Wala akong natatandaang kahit isang pagkakataon na tinalikuran mo ako habang nag-uusap tayo. Are you trying to hide something?”

Mabilis ang naging pag-iling niya.

“Bakit mo sinadyang ibahin ang oras na dapat ay naroon ako sa concert kagabi? Seven ang call time mo kay Alaine, hindi ba? Why the hell you told Trina it was eight o’clock?!”

Halos ay mapapikit si Maxene sa takot sa galit na nakarehistro sa anyo ni Daniel. Pakiwari niya’y madudurog ang mga ngipin nito sa emosyong nararamdaman.

“Sinadya mong hindi kami magkasama kagabi. Pinlano mong i-setup ang girlfriend ko sa ibang lalaki! Why the hell did you do that, Maxene! Bakit?!”

“Wala akong alam sa mga sinasabi mo—”

“Wala? Sigurado ka ba? Kung ganoon pala, ano ang ginagawa ng sensor gadget sa kuwarto ko?”

Doon siya tuluyang natameme. Hindi niya inaasahang itatanong iyon ni Daniel dahil wala naman kahit anong pahiwatig si Trina na alam na nito ang tungkol doon. Malamang ay sinadya iyon ng lalaki para hindi na siya makapagkaila pa.

“You’ve been watching over me all these time?”

“Ginawa ko lang naman iyon dahil…dahil gusto kong ma-realize mong hindi kayo bagay ni Alaine! You’ll meet someone better than her, for sure.”

“But she’s your friend, for Pete’s sake!”

“I can explain—”

“There’s no way you could, Maxene! Sinira mo na’ng lahat!” Napailing itong muli. Maraming beses hanggang sa napayuko na lang siya at pinangiliran ng luha. “I know you’re up for something but I won’t let you ruin my life, Maxene. Hindi ikaw o kahit ang mommy ko pa ang sisira ng lahat ng mga plano ko sa buhay.” Huminga ito nang marahas at ang dibdib nito’y taas-baba sanhi ng matinding emosyon. Maya-maya, sa mababang tinig ay nagsalita ito. “You’ll do me a huge favor if you would stop seeing my mother, Max. And please…just please…stay away from me, too.” Pagkasabi niyon ay hinubad nito ang suot na apron at malalaki ang hakbang na lumabas ng kusina.

Naiwang tigagal si Maxene. Makalipas ang ilang sandali ay kusang nangilid ang mga luha niya. Umahon iyon sa kanyang mga mata at bumalong sa kanyang mga pisngi. That was her first heartache that she knew she would never ever forget.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: