Quattro Club

The Mouse and the Kitten 2 (Chapter 3)

“ANO ba kasi ang ginawa mong bata ka?” tanong ni Yaya Metring kay Daniel. “Aba’y darating na ang mga magulang ni Maxene, baka abutan ka dito.”

        “Hindi ako aalis, Yaya, hangga’t hindi kami nagkakausap kaya please lang, pakisabi kay Maxene na lumabas na dito.”

        “Aba’y ayaw nga niya e.”

        “Sige na po, i-try niyo ulit. Please, please, please, Yaya…”

        “Naku, ang mga batang ire! Ako pa ang bubuwisitin, eh!”

        Nginitian niya ito nang alanganin. Pumasok na ang matanda sa loob ng silid ni Maxene at siya naman ay naiwang naghihintay sa labas. Ilang sandali pa ay bumukas ang pinto ng kwarto. Nakangising mukha ni Yaya Metring ang bumungad doon. Agad siyang kinabahan pero nakahinga rin nang maluwag nang makitang kasunod nito si Maxene. Tahimik lang itong nakayuko habang papalapit sa kinatatayuan niya. Madali niya itong nilapitan.

BE!” ani Daniel paglapit kay Maxene. Agad siya nitong niyakap. Nakita niya ang maingat na pagbaba ng hagdan ni Yaya Metring. Iiling-iling pa ito.

        Marami pa sana siyang sasabihin pero lahat iyon ay nakulong na lang sa lalamunan niya nang masuyo siyang yakapin at hagkan ni Daniel. Napahugot siya ng malalim na paghinga. Paano ba niyang hindi mamahalin ang lalaking ito?

        “I’m sorry, Be. Huwag mo na ulit akong titiisin nang ganoon, okay.”

        “Wala naman akong ginagawa ah,” kagat-labi niyang sabi. Naramdaman na naman niya ang mabilis na pagdampi ng halik ni Daniel sa ibabaw ng kanyang ulo. Napakabanayad niyon, daig pa ang hangin.

        “Wala nga. Wala ka nga ring sagot sa mga text messages at tawag ko eh.” Panay ang hipo nito sa mukha niya. Hinaplos ang pisngi niya at saka ang leeg at buhok. Ibang pakiramdam ang dulot ng ginagawa nito sa kanya. Pakiwari niya ay siya na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa.     

        Akmang yayakapin siya ulit nito nang maisipan niya itong pigilan. “Be…”

        “Problem?”

        “Baka dumating sina…Mama…”

        Saglit itong natigilan at pagkuwa’y nakangiting nagsalita. “Gusto mo na ba silang sabihan?”

        Umiling siya. “Hindi iyon ang plano natin. Uunahin mo muna ang mga mama mo hindi ba?”

        Napaisip itong saglit. “Okay.”

        “Sige na, uwi ka na, Be.”

        “Teka naman, kalalabas mo lang eh.” Bumitiw ito sa kanya at tumalikod pero silid niya ang tinungo nito. Mabilis siyang sumunod sa lalaki at ibig niyang matawa nang makitang dumaib ito sa kanyang kama. Nakaunat ang mga braso nito na tila lumalangoy. Nang maabot nito ang Hello Kitty stuff toy niya ay nagmulat ito ng mga mata, tumihaya sa pagkakahiga at saka niyakap ang kanyang stuff toy.

        “Alam mo ba kung gaano ko kamahal ang amo mo, HK?” anito at saka niliitan ang boses na kunwari ay sumasagot dito ang kanyang stuff toy, pagkuwa’y ibinuka ang mga braso nang maluwang, “this much oh…”

        “Ganyan lang?” tudyo niya na ikinalingon nito. Bumangon ito at abot sa tainga ang ngiti.

        “Immeasurable, Kitty. Hindi ko lang kayang ipaliwanag sa’yo.” He smiled and took her hand. Pinaupo siya nito sa tabi nito at saka inakbayan habang sa isang kamay ay hawak pa rin ang kanyang HK.

        “Talaga? Promise?”

        He looked at her intently. Nakipaglaban naman siya ng titigan rito. Saglit na lumamlam ang mga mata nito. He seemed sad. Bahagya siyang nagtaka doon.

        “I don’t make promises, Be. Gagawin ko na lang, okay.”

        “Sabi mo noong isang araw, mahal mo na ‘ko noon pa. Bakit hindi ko iyon nararamdaman dati?”

        He shrugged. “Baka dahil hindi puwede kaya madali kong naitatago.”

        “Kailan ka pa in love sa akin, Babe?”

        Pinindot nito ang ilong niya at saka muling hinagkan ang ibabaw ng kanyang ulo. “It doesn’t matter when it started, okay. Ang mahalaga, mahal kita. Noong-noon pa pero hindi ko na kayang tukuyin kung kailan nagsimula. Basta mahal kita.”

        “How much?”

        “Ikaw, kaya mo bang sukatin ang damdamin mo sa akin?” balik-tanong nito na nagpatahimik sa kanya. “See that? You couldn’t answer—”

        “Kaya ko!” putol niya sa sinasabi nito. “I have loved you since I was a young girl, Be, at mamahalin kita sa bawat araw ng buhay ko.”

        “That’s so sweet but you still can not measure how much, right?”

        “—katumbas ng buhay ko! I mean, hindi ko kayang mabuhay nang wala ka. Kung mawawala ka lang din sa akin, mas gugustuhin ko pa siguro ang mamatay.”

        “Hey, don’t say that!”

        “No, you listen.” Hinaplos niya ang pisngi nito habang buong pagmamahal na nakatunghay sa mukha nito. “Ikaw lang ang lalaking mamahalin ko sa buong buhay ko, Babe. Wala nang iba. I’m looking forward to spending my whole life with you.”

        Ilang saglit siya nitong tinitigan at ewan kung bakit bahagya siyang kinabahan nang may masilip na lungkot sa mga mata nito.

        “Be…bakit—”

        “Thank you for loving me, Be…I love you too.” He hugged her so tight that she was not able to utter any word. Ibig man niyang magtanong ay hindi na niya nagawa. Pilit na lang niyang iwinaksi ang mga alalahanin sa isip.

“HI, Tita. Kumusta po ang resort?” tanong ni Maxene sa mommy ni Daniel na naghahalaman sa garden nito nang mga sandaling iyon.

        “Oh hi, Be,” tugon ng mama ni Daniel. “Papalapit na ang tag-ulan kaya medyo mahina na pero malakas naman ang pavillion at catering. Alam mo na, hindi naman natatapos ang mga okasyon.”

        “That’s good, Tita. Ahm…where’s Daniel pala?”

        “Aba’y wala rito e. Ang sabi kanina ay may lalakarin daw na mahalaga. Alam mo naman ang taong iyon, ayaw nang pinagtatatanong kaya hindi na ako masyadong nag-uusisa.”

        Saglit niyang binalikan sa isip kung may nabanggit si Daniel sa kanya na lakad nito. His Saturdays were supposed to be hers.

        “Naalala ko na. May tumawag nga pala kanina at pagkatapos niyon ay gumayak na siya. Baka may gig.”

        “Gig, Tita?”

        “O baka naman gimik, Max. Bakit, may kailangan ka ba sa kanya?”

        Muntik na siyang masamid sa tanong na iyon. Mabuti na lang at mabilis ang isip niyang makapagbigay ng alibi. “Nagpagawa kasi siya sa akin ng research. May problema daw yata ang laptop niya kaya ako na ang gumawa kaya lang may kailangan akong itanong sa kanya kaya lumipat na ‘ko.”

        “Sana ay nag-text ka muna,” anito habang inaalis ang mga tuyong dahon ng magaganda nitong ornamental plants.

        “I decided to come over na lang Tita; I thought he’s here. Anyway, okay lang po. Later na lang siguro.” Gusto sana niyang sabihin ditong ilang beses na siyang nag-text at walang sagot si Daniel pero masyado naman siyang obvious doon.

        “Okay, see you around, hija.”

        Tumalikod na siya pero hindi pa man nakalalabas ng bahay ay narinig na niya ang pagtawag ng mommy ni Daniel.

        “Siya nga pala, I heard last night that my son was talking to someone at may kutob akong babae iyon. Try to look after him, hija, and let me know kung sino ang current girlfriend niya, okay.”

        Kung sa ibang pagkakataon ay matatawa sana siya dahil siya ang current girlfriend na tinutukoy nito pero dahil sa unang sinabi ng matanda ay mabilis na dinaklot ng kaba ang kanyang dibdib. She had not talked to Daniel since Thursday morning. Kahit sa telepono. Nagtataka nga siya na sobrang busy nito at hindi man lang makuhang magpakita sa kanya. Hindi nito sinasagot kahit ang mga text at tawag niya. Nagsisimula na nga siyang kabahan at pilit lang niyang iwinawaksi iyon sa dibdib pero ang totoo ay takot na takot na siya.

        Sa lilipat na linggo ay apat na buwan na silang magnobyo ni Daniel at pinaplano na sana niya ang bibilhing regalo para dito. She wanted something special because Daniel was special to her. He was her everything and he deserved to have the best.

        “Can you do that for me, hija?” untag ni Tita Glenda sa kanya.

        “Tita, alam mo naman ang stand ng anak ninyo sa mga ganyan. Ayaw niya nang pinanghihimasukan; baka magalit iyon sa akin.”

        Napatangu – tango ang ginang. “Okay. I’ll check on him, myself. Thanks, anyway, hija,” nakangiti nitong sabi at saka ipinagpatuloy ang ginagawa. Nagpaalam na lang siya ulit dito bago tumalikod. However, her mind was occupied with doubts and worries. Kung hindi siya ang kausap sa telepono ni Daniel na tinutukoy ng mama nito, sino ang taong iyon? And his mom just told her it was a she.

“HELLO? Babe, hello!” Inilakas pa ni Maxene ang boses nang pakiwari niya ay bababaan siya ng telepono ni Daniel.

        Alas dos na ng madaling-araw nang marinig niya ang ugong ng kotse ng nobyo. Sadyang hinihintay niya ang pagdating nito. Sinilip niya ito mula sa bintana ng sariling silid at nakita niyang papasok na sa gate ang sasakyan nito. Hinintay muna niyang makababa ito ng sasakyan at nang makitang nagbuhay na ng ilaw sa silid nito ay agad niya itong tinawagan. Mabilis naman nitong sinagot ang cellphone pero laking gulat niya nang sa halip na sumilip sa bintana ay isinara pa nito ang kurtina niyon.

        “Babe, ano ba! Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag ko?” asik niya rito. Ilang nakaiinip na sandali pa ang lumipas bago ito sumagot.

        “Come on, I’m tired. Please…”

        Napamaang siya sa pagkabigla sa isinagot nito. “Kahapon pa kita hinihintay, ang mga paliwanag mo, ang dahilan mo kung bakit hindi ka nagpapakita sa akin! Tapos ay iyan lang ang isasagot mo? You’re tired?!”

        “Max…”

        “At Max na ngayon? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang problema? Ano ba’ng nangyayari sa’yo?”

        “Kadarating ko lang, okay. I need sleep. I need rest. Can you please let—”

        “Can you please let me know what’s happening here, Daniel?! Kailangan kong malaman! Karapatan kong malaman ang dahilan mo!”

        “I’ll talk to you tomorrow, okay.”

        “No! Mag-usap tayo ngayon din!”

        Isang mahabang buntong-hininga ang narinig niya buhat dito. He seemed so mad and disgusted pero bakit? Ano ang gumugulo dito?

        “I’ll be waiting for you, Daniel. Bababa ako at hihintayin kita sa garden ni Mama. Bumaba ka na ngayon.” Pigil na pigil niya ang sariling mapaiyak. Gayunman ay hindi pa rin niya napigil ang pag-alpas ng ilang butil ng luha sa kanyang mga pisngi. Nangangatal ang buo niyang katawan sa pinaghalong hinanakit at takot sa mga susunod na mangyayari.

Tutop ni Maxene ang bibig nang ibaba ang teleponong hawak. Agad siyang napahagulgol nang pigil. Hindi niya gustong magising ang mga kasama sa bahay at maging sanhi iyon ng problema nila ni Daniel.

Dali-dali niyang hinagilap ang slippers sa ilalim ng kama at halos tumakbo pababa. Tinungo niya ang swing sa garden ng kanyang ina kung saan sila madalas na mag-usap ng nobyo. Doon siya naghintay sa pagbaba ng binata pero ilang minuto na ang lumilipas ay wala pa rin kahit anino ni Daniel. Kanina pa patay ang ilaw ng silid nito kaya inakala niyang bababa na ito kanina pero hanggang ngayon ay wala pa ring palatandaang lalabas pa ito.

Muli niya itong tinawagan gamit ang cellphone niya. Nakailang ring din pero walang Daniel na sumagot sa kanya. Nagbilang pa siya at nagpalipas ng sampung minuto pero nang wala pa rin si Daniel ay minabuti niyang puntahan na ito.

Habang tumatawid ng kalsada ay papalakas nang papalakas ang kabog ng dibdib ni Maxene. Nang makatawid at marating ang gate na bakal ng malaking bahay ng mga Fulgencio ay agad siyang nag-door bell. Malakas ang loob niya dahil alam niyang wala naman doon ang mga magulang ni Daniel. Si Trina lang ang alam niyang naroon at si Aling Mely na nanay nito.

Mahigit limang minuto marahil ang lumipas bago nabuhay ang ilaw sa living room ng bahay. Tanaw niya iyon mula sa labas bagaman hindi niya maaninag mula sa siwang ng mga kurtina kung bulto ba ng babae o ng lalaki ang papalabas. Lalong kumabog ang dibdib niya sa labis na kaba.

Nang sa wakas ay bumukas ang pinto. Si Trina ang lumabas—hindi upang buksan ang gate kundi upang sabihin lang sa kanya ang mensahe ng amo nito.

“Trina, please…”

“Ma’am, sorry po,” naiiyak na sabi nito, “bukas na lang daw po kayo mag-usap sabi ni Sir—”

“Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko nakakausap si Daniel kaya please naman, sabihin mo sa kanyang labasin ako!”

“Mapapagalitan ako Ma’am, maawa naman kayo sa akin…”

“Trina, please…” Sa pagitan ng mga bakal ng gate ay inabot niya ang mga kamay ng kawaksi. “Buksan mo ang gate. Ako na ang bahala. Please…ikaw ang maawa sa akin dahil babae ka rin…” nagkakandaiyak niyang sabi. Umiiyak itong tumalima. Nayakap niya ang kawaksi nang tuluyang makapasok. At hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at mabilis na tinakbo ang hagdan ng bahay.

“TRINA!”

        Dinig ni Maxene ang malakas na sigaw ni Daniel mula sa silid nito. Mabilis niyang tinungo ang silid at pumasok roon. Nakita niyang natalikod ang lalaki  at nagpapalit ng damit kaya hindi nito napansin na siya ng pumasok.

        “Wala na ba siya? Ano’ng sabi niya?” tanong nito nang nakatalikod pa rin.

        Hindi napigilan ng dalaga ang mapahagulgol ng iyak. Narinig ni Daniel iyon kaya’t madali itong lumingon sa kanya.

        “Be!” bulalas nito, ilang saglit na natigilan habang nakatitig sa kanya ngunit pagkuwa’y tumigas ang anyo nito. Humakbang itong papalapit sa kanya. Tila bakal na kumapit sa braso niya ang isang kamay nito. “Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ba at sinabi ko sa’yong bukas na tayo mag-usap?” anitong lalong nagpasakit sa kalooban niya.

        “Bakit ba kasi?!” asik niya sabay pagpag ng kanyang braso. Hinarap niya ito habang ang mga luha ay patuloy sa pagbabagsakan sa mga pisngi niya. “Ano ba’ng nagawa ko sa’yo para ganituhin mo ‘ko?”

        “Please naman. Huwag mo akong kulitin ngayon. Grow up, okay. Hindi ka na batang mangungulit tulad noon kaya makinig ka sa akin.” Tinangka muli siya nitong hawakan pero inilayo niya ang sarili dito.

        “Hindi mo ako kailangangang bitbiting tulad ng isang pusa, Daniel! Ipaliwanag mo lang sa akin kung bakit. Girlfriend mo ako, hindi ba? Karapatan ko naman sigurong malaman kung bakit!”

        Ilang sandaling nakatitig lang ito sa kanya at walang masabi.

“Hindi mo na ba ‘ko mahal?”

Walang sagot mula dito pero ang pananahimik nitong iyon ay tila kompirmasyon na sa hinalang nasa isip niya.

Kapwa sila napatingin sa cellphone nito sa lamesita nang nag-ring iyon. Lumapit doon si Daniel at saka iyon pinindot. Umere sa katahimikan ng silid ang boses ng caller nito.

        “Daniel, are you home? Did you come home safe?”

        Daniel cleared his throat before he responded. “I’m fine…I’m fine, Celine.”

        Daig pa ni Maxene ang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig iyon. Tinutop niya ang bibig at tahimik na lumuha.

        “Thank God you’re home. Bukas, hindi na talaga kita papayagang umuwi nang ganyang oras. You sleep now, okay. Bye…” Nawala na ito pagkatapos niyon.

        “I’m sorry, Max…” anito habang nakayuko.

        Pinilit niyang i-compose ang sarili. It took her a few seconds before she was able to collect her senses and face Daniel.

        “Narito na pala siya ulit sa Pilipinas.” Halos bulong lang iyon. Hindi nga niya alam na narinig iyon ni Daniel kung hindi pa ito sumagot.

        “I was about to tell you pero hindi ako nagkaroon ng panahon.”

        Mapait siyang ngumiti. “Talaga? Nariyan ang cellphone…magkapit-bahay tayo. Walang paraang hindi ko malaman kung gugustuhin mo…”

        “Max…”

        “So kayo na ulit?”

        She was actually waiting for the confirmation pero kung titimbangin at pakakaisipin, lahat ng palatandaan ay naiparamdam na ni Daniel para sagutin ang tanong na iyon.

        “Ito ang dahilan kung bakit basta hindi ka na lang nagpakita sa akin? Dahil lang nariyan na ulit si Celine at nagbalik na siya sa buhay mo? And you didn’t even have the guts to tell me all these things…”

        “Pinlano ko. Gagawin ko sana – bukas pero naunahan mo ‘ko.”

        Kumawala ang galit niya at bigla niya na lang itong hinampas sa dibdib. “Ano’ng gusto mong gawin ko?! Magsaya habang naghihintay kung babalikan mo pa ako o hindi na? Matulog nang mahimbing gayong hindi ko alam kung bakit bigla na lang wala ka nang paramdam? Ganoon ba ang gusto mo?”

        “I’m sorry, Max…”

        “Ganoon na lang iyon? Sorry na lang ang kapalit ng lahat?”

        “Max…” Pilit siyang inaawat ni Daniel pero patuloy siya sa pagwawala.

“Sorry saan?” lumuluha niyang sabi. “Sumagot ka, Daniel! Sorry saan? Sa pang-iiwan mo? Sa panloloko mo? Sa panggagago mo?!” Paulit-ulit na pinaghahampas ang dibdib ni Daniel habang ang lalaki ay nakayuko lang. Ni hindi tinangkang pigilan siya. “How dare you, Daniel! Unfair ka! Unfair ka!”

        “Max…”

        Humagulgol siya ng iyak habang ang mga kamay ay walang patid sa pagpupunas ng kanyang luha. Akala niya ay yayakapin siya ni Daniel pero wala itong ginawa ano man. Nanatili itong nakatingin sa sahig at yukung-yuko.

        “Napaka-unfair mo…”

        “Marami ka pang makikita at mamahalin nang higit sa akin. You knew eversince how much I love Celine. Nang nagbalik siya ay naguluhan ako…dahil nariyan ka na. Everything has changed—”

        “Pero mas mahal mo siya kaysa sa akin kaya hindi iyon sapat, tama ba?” Napailing siya nang hindi ito sumagot. Tahimik na pinahid ang luha at saka muling sinalubong ang mga tingin ni Daniel. “Siya naman ang totoong mahal mo noon pa. Paningit lang ako; ano nga ba ang karapatan kong manumbat.”

        “Maxene…please, huwag mo naman akong pahirapan.”

        “Paano naman ako, Daniel? Paano ako mabubuhay kung hindi na kita makakasama?” parang bata niyang tanong. Hilam pa rin ang mga mata sa luha.

        “Ilang taon ka na ba? Ang bata mo pa para magsalita nang ganyan. Darating ang araw na makikilala mo rin ‘yung perfect guy na mamahalin mo nang totoo…at ‘yung magbabalik ng kapareho ding pagmamahal sa’yo.”

        Napailing siya nang marahas. “Hindi ko kailangan ng perfect guy! Hindi ko kailangan ng iba. Ikaw lang ang mahal ko, Daniel. Huwag mo naman akong saktan nang ganito!”

        “Pero si Celine…”

        “O, sige! Handa na akong tanggapin ang presensiya niya sa buhay mo. Kahit pangalawa, papayag ako huwag lang ganito, please…”

        “Max, this is crazy—”

        “I know, I know pero baliw na nga siguro ako dahil hindi ko kakayanin ang mabuhay nang wala ka!”

        “I’m sorry…” Inalis ni Daniel sa leeg nito ang mga kamay niya pero hindi ito tuluyang nagtagumpay. Yumakap siya nang buong higpit rito kasabay nang malakas na pag-iyak.

        “Sabi mo…sabi mo, hihintayin mo lang na masabi mo sa kanila ang lahat. Sinabi mong mahal mo ‘ko, Daniel, huwag mo naman ‘yang kalimutan, please…”

        Napapikit siya nang maramdaman ang pagtugon ng lalaki sa kanyang pagyakap. Mahigpit din siyang kinabig nito at saka hinagkan sa ibabaw ng ulo. Iniangat niya ang mukha at tumunghay kay Daniel. Namumungay ang mga mata nito habang tila malungkot na nakatitig sa kanya. Mahal siya ni Daniel at damang-dama niya iyon

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: