Quattro Club

Senador Villar: “Nagsu-suweldo sila” Kaya Hindi na Kailangan ng Middle Class ang Cash Assistance

Ayon kay Senador Cynthia Villar, hindi na dapat makatanggap ng cash assistance mula sa gobyerno ang mga nasa middle class dahil patuloy naman raw ang suweldo ng mga ito kahit pa ngayong may quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic crisis.

Kinuwestion ng senador ang basehan ng 18-million target beneficiaries para sa emergency subsidy program ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. Sa ilalim ng nasabing batas, makakatanggap ang P5,000 – P8,000 cash assistance sa loob ng dalawang buwan ang targeted beneficiaries ngunit depende ito sa regional minimum wage rates.

“Hindi ko ma-accept ‘yong figure na ‘yon kasi masyadong mataas. Kasi nade-deprive ‘yung mahihirap, at binibigyan pati ‘yong middle class. Kasi kami, libu-libo ang empleyado namin kahit hindi sila napasok, sinuswelduhan namin. Eh bakit sila pa ang bibigyang ng SAP? Eh may suweldo sila, mapalad sila may sweldo sila,” dagdag pa ni Villar.

Ayon sa Pangulong Rodrigo Duterte, may kabuuang 16.9 milyong pamilya ang nakatanggap na ng P96 bilyon mula sa unang tranche ng cash aid.

Binanggit pa ni Villar mula sa isang pag-aaral, bumaba na raw ang bilang ng mahihirap sa bansa nitong mga nakaraang taon at 59% na lamang ng pamilyang Pilipino ang masasabing mahihirap. Ngunit pinabulaanan ito ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua dahil ang pag-aaral na nabanggit ni Senador Villar ay mula pa noong 2015.

Sabi ni Chua, sa 22 milyong pamilya, nasa 15 milyon ang kabilang  sa low-income o nagtatrabaho sa informal sector ngunit kailangan nilang magsagawa ng projection mula 2015 hanggang 2020 dahil na rin sa paglobo ng populasyon. Ngayong 2020, sa 24 milyong pamilya, nasa 18 milyon na ang kabilang sa low-income o nasa informal sector at no work no pay.

Ayon sa pag-aaral noong 2018 ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 40% ng kabuuang populasyon ng bansa ay nabibilang sa middle-income class.

Noong Abril, nakiusap si Cavite Governor Jonvic Remulla kay Presidente Rodrigo Duterte na isama ang mga middle-class families sa kanyang nasasakupan na mabigyan rin ng cash aid program. Inaprubahan ito ng Pangulo ngunit sinabing hindi sapat ang pondo ng gobyerno para sa nasabing suhestiyon. Gayunpaman, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang P51-bilyon wage subsidy program bilang cash aid sa middle class na nagtatrabaho sa 1.6 milyong maliliit na negosyo sa bansa.

UPDATE:

Humingi ng paumanhin si Senador Villar tungkol sa kanyang nasabi tungkol sa pagbibigay ng cash aid sa middle class. Ayon sa senador, maaring may mga katanungan raw siyang nabitiwan na tila nakasakit sa middle income sectors ngunit hindi raw ito ang kanyang intensiyon kaya lubos siyang nagpapaumanhin sa mga tao’ng nasaktan sa kanyang pahayag.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: