Quattro Club

Aking Laura

Masaya akong pinagmamasdan ang pagwagayway ng kaniyang mahabang buhok kasabay ng pag-ihip ng hangin. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang tamis ng iyong ngiti Laura. Mga ngiting mas sumigla pa sa paglipas ng panahon.

“Humarap ka sa dagat at ipakita mo ang masayang pakiramdam habang tinitingnan ang paglubog ng araw,” sabi ng isang photographer.

Kasabay ng pag-click ng camera ay ang pagbaling ng tingin mo sa akin.

“Isang shot na lang, Laura.” Muli ay humarap siya sa dagat habang ako naman ay pinagmamasdan ang paghampas ng tubig-alat sa kaniyang mga paa.

Ibinaling ko ang aking tingin sa kaniya matapos ang muling pagtunog ng camera.

“O pack-up na tayo.” Narinig ko pa ang sinabing iyon ng photographer bago ibinaling ang tingin sa babaeng ngayon ay papalapit na sa akin.

“Lucas, long time no see. Kailan ka pa nakabalik?” masiglang tanong niya.

“Kahapon lang. Kamusta ka na?” Napahawak pa ako sa aking batok dahil sa hiya.

“Ayos naman. Ang laki na ng ipinagbago mo ha?” Tumawa naman siya. Marahil ay naalala niya ang dati kong itsura bago ako umalis ng bansa upang makipagsapalaran. “Mas bagay sa’yo ang pormahan mo ngayon, mas gumwapo ka.”

Pakiramdam ko ay namula ang aking mga pisngi sa tinuran niyang iyon. Limang taon na rin akong umaaasang sana isang araw ay magawa ko ring sabihin sa kaniya ang aking pag-ibig at mukhang eto na nga ang tamang araw na iyon.

“Salamat. Oo nga pala para sa’yo,” at saka ko naman inabot sa kaniya ang bouquet ng pink roses na dala ko.

“Wow, salamat dito,” at ngumiti naman siya bilang pagtugon.

Nagulat na lang ako nang biglang may lumapit sa kaniyang isang batang babae kasunod ang isang lalakeng mas matangkad pa kaysa sa akin.

“Mommy, tara na po,” sabi ng bata habang hinihila ang kamay ni Laura.

“Okay baby,” tugon niya rito bago ako binalingang muli “Pasensya ka na Lucas hindi na kita maipapakilala sa mag-ama ko. Nagyayaya na kasi ang baby ko. Sa susunod na lang siguro.”

“Ah sige. Ingat.” Iyon na lang ang tangi kong nasambit bago pinanood ang paghakbang ng kaniyang landas palayo sa akin.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: