Quattro Club

Melusina Series: Tesalonica (Ang Unang Sumpa) Panimula

SI LUNA ay isang diwatang nakatira sa pinakamalaki at pinakamatandang puno ng Alemanya na kung tawagin ay Melusina. Pero ayon sa matandang kuwento, si LUNA ay walang iba kundi ang puno mismo ng Melusina. Katunayan, ang kanyang pangalan ay doon diumano hinango. Pero bakit naging puno ang magandang diwata?

Noong mga panahong bata pa ang daigdig, may isang dilag na nagngangalang Melusina na nakatira sa lumang bayan ng Solen. Ang bayang ito ay pinamumunuan ng isang matapang at matuwid na hari na kung tukuyin ng lahat ay Zario—taguring ibinibigay sa sinumang magiging pinuno ng Solen.

Dahil nag-iisang anak ay mahal na mahal ng mag-asawang Zario at Minea si Melusina. Lahat ng kahilingan nito ay kanilang sinusunod subalit isang araw ay humiling ang dalaga na sadyang ikinalungkot ng mag-asawa. Mahirap para kay Zario ang pagbigyan ang anak pagkat ang kahilingan nito ay makipag-isang dibdib sa isang lalaking hindi kabilang sa kanilang nasasakupan. Ito ay walang iba kundi si Lucio, ang binatang matikas at makisig man ay hindi pa rin maikakailang isang Ampar, mga taong ang buhay ay nakatalagang maging alipin ng Solen.

Subalit mapilit ang dalaga. Hindi niya alintana kahit mangangahoy lamang ang mga magulang ni Lucio. Para sa kanya, ito ang lalaking nararapat niyang maka-isang dibdib. Malimit ay tinatakasan niya ang mga bantay na itinatalaga ni Zario para makipagtagpo nang lihim kay Lucio.

Lubhang nagalit ang hari. Hindi nito matanggap na magiging Ampar din ang nag-iisa nitong anak at pagdating ng panahon ay maaaring manilbihan sa bayan ng Solen kaya’t isinumpa nito ang dalaga. Sa gitna ng kabilugan ng buwan at pagtangis ng mga lobo ay ipinataw niya ang isang sumpang magkukulong sa kanyang anak sa iba’t-ibang nakatatakot na anyo. Sa tuwing lalapit si Lucio rito ay maglalaho ang angkin nitong ganda. Naroong magsa-ahas si Melusina, magkaroon ng pakpak o mag-anyong tila sa isang dragon. Subalit hindi nagawa ng haring mapagbago ang kaakit-akit na mga mata ni Melusina, kaya’t ano man ang anyo ng dilag, patuloy itong inibig ni Lucio.

Lalong nagalit si Zario at sa huli ay isinumpang magiging permanenteng puno si Melusina. Isang pagkapangit-pangit at matandang puno. Mula noon ay hindi na ito nakita pa ni Lucio pero hindi agad sumuko ang lalaki. Lumuhod ito sa harapan ni Minea at isinumpang hindi na gagambalain pa ang dilag, ibalik lamang ito sa Solen. Pinakiusapan ng reyna ang kabiyak nito pero hindi natinag ang desisyon ng hari.

Dahil sa habag ng butihing si Minea sa magkasintahan ay gumawa ito ng isang orasyon. Sa bisa ng pinaghalong katas ng ugat ng punong pinaniniwalaang pinananahanan ng mga diwata ng gubat at sarili nitong dugo, isinumpa ni Minea na makalipas ang isang daang taon ay muling magbabalik ang kanyang anak na si Melusina sa dati nitong anyo. Iyan ay matapos nitong makalag ang labindalawang bisa ng sumpang ipinataw ni Zario.

Hanggang sa mga panahong ito, pinaniniwalaang tumatangis pa rin tuwing umuulan si Melusina. Pero sa kabila niyon, umaasa pa rin siyang magkikita pa sila ng kanyang minamahal na si Lucio. At malapit na ang ika-sandaang taon ng kuwentong ito.

Subalit paanong makalalaya si Melusina sa labindalawang bisa ng sumpa ni Zario?

AKO si Melusina pero sa pagdaraan ng maraming taon, ang mga tao ay nasanay nang tawagin akong Luna. Ako nga, ang diwata ng pinakamatandang puno sa isang alamat na nagbuhat pa sa Alemanya. At dahil ako ay isinumpa ng aking amang si Zario, mananatili akong puno hangga’t hindi ko nakakalag ang labindalawang bisa ng sumpa ng aking ama.

At ngayong sumapit na ang ika-sandaang araw ng aking pagkakahimbing, muli akong magbabalik upang bigyan ng laya ang aking pag-ibig para kay Luciopag-ibig na kasama kong nakulong sa sumpa ng aking ama.

labindalawang sanga ng salinlahing kakatawan sa labindalawang bato sa paghahari ng Ore.

Labindalawang kuwentong kakatawan sa bawat isang bisa ng sumpa ni Zario. Dito, ako ay maaaring mag-iba ng anyo sa kahit paanong paraan na kailangan upang matupad ang nakatakda.

Naku, teka! Hayun na ang bulalakaw ng aking inang si Minea! Ang ibig sabihin ay malapit na ako sa una kong sumpa! Halikayo, samahan niyo ako sa pagtupad ng aking tadhana .

~Luna~

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: