Quattro Club

Melusina Series: Tesalonica (Ang Unang Sumpa) Chapter 1

PAGKATAPOS ligpitin ang mga kandila at basong ginamit ay isinunod ni Tesalonica ang pagsasalansan ng mga panyolitong puti.

            “Bukas ay maaga tayo, Maricris. Naubos na ang milagrosa. Kailangang makapanguha ka habang sariwa pa ang hamog.”

            “Ate naman, si Jack naman ang utusan mo. Palagi na lang ako ang gumigising nang maaga eh,” nagmamaktol na sagot ng kanyang kapatid.

            “Eh kung kutusan kaya kita riyan? Nakita mo namang kahit paanong turo, hindi matutong mamitas ‘yang si Jack eh!”

            “Sabihin mo, tamad kasi, Ate!”

            “Iyon na nga. Gusto mo bang mawala ang bisa ng milagrosa dahil sa kanya? Oras na magtampo ang mga kaibigan ko, hindi na ako kahit kailan makapanggagamot. Gusto mo ba iyon? Hindi ka na rin makapag-aaral dahil mahihinto ang donasyon.”

            Sumimangot si Maricris pero hindi na kumibo. Yumuko ito upang linisin ang ilalim ng tatlong makikitid na katreng nakahanay sa kabuuan ng kanilang pagamutan.

            Siya si Tesalonica o Tessa sa mga malalapit niyang kaibigan at kamag-anak. Relihiyosa daw si Aling Carmen, ang kanyang ina kaya naman iyon ang pangalang ibinigay sa kanya – pangalang nagbuhat pa sa biblya. Tatlo silang anak nito; siya ang panganay, sumunod si Maricris at bunso naman si Jack.

Sa kasalukuyan ay nag-aaral ang kanyang mga kapatid. Nasa ikatlong taon sa High School si Maricris habang nasa ika-anim na baitang naman si Jack. Pinagtutulungan nilang mag-ina ang pagpapaaral sa dalawa. Bagaman High School lang din ang natapos niya ay biniyayaan naman siyang makapanggamot. Bukas sila sa pagtanggap ng mga donasyon dahil buong buhay naman niya halos ay inilaan na niya roon. Bukod doon, nagtayo pa sila ng isang maliit na pagamutan para paglagyan ng mga poon na pinaniniwalaan niyang kasama niya sa tuwing siya ay nanggagamot.

Katutuntong lang niya ng edad beinte nang nagsimula ang lahat. Kasalukuyan siyang namimitas ng dahon ng bayabas noon para langgasin ang sugat ni Jack sa tuhod nang may marinig siyang maliliit na tinig. Nang lingapin niya ang pinagmulan niyon ay laking gulat niya dahil maliliit na taong makukulay ang mga suot na damit ang kanyang nakita. Nagtatalunan ang mga ito at animo ay naglalaro. Noon niya napatunayan sa sariling may katotohanan pala ang mga ganoong nilalang. Dati kasi ay sa TV lang niya napapanood ang mga gayon.

Nakapagtatakang sa halip na matakot ay nagawa pa niyang lumapit sa mga nilalang na iyon. Sa madaling salita, naging kaibigan niya ang mga duwende. Kakatwa namang matapos ang encounter na iyon ay malimit na rin siyang makaranas nang kung anu-anong kababalaghan. Minsan ay may makikita siyang taong nakaputi, sa huli ay saka lang niya mapagtatantong espiritu lang pala ang kanyang nakikita.

Isang linggo pa lang ang nakalilipas buhat noon ay nahulog si Maricris sa baitang ng kanilang hagdan. Napilay ito at namaga nang husto ang balakang. Dahil walang pera ay hindi nagawa ni Aling Carmen na dalin ito sa doctor. Hindi niya maintindihan kung ano ang nagtulak sa kanya para lapitan si Maricris at hipuin ang bahaging napinsala rito. Nagulat siya sa reaksiyon ng sariling katawan nang mahipo ang kapatid. Pakiramdam niya ay papanawan siya ng ulirat nang tila may kung anong lakas na tumakas sa kanyang mga kamay. Kasunod niyon ay ang panlalaki ng mga mata ni Maricris. Nagawa nitong tumayo at nang suriin ng kanyang ina ay napatunayan nitong wala na ang pamamaga sa balakang ng kanyang kapatid.

Mula noon ay nagawa na niyang manggamot. Sa mga malalapit lang na kaibigan at kapitbahay noong una pero dahil maliit lang naman ang kanilang barrio, hindi nagtagal ay kumalat ang balita at nakarating sa mga karatig-bayan. Dinayo ng mga taong kung saan-saan pa nagmula ang kanilang lugar para lamang magpagamot sa kanya. Naging maingay ang kanyang pangalan hanggang napag-usapan na nilang mag-anak na tumigil na siya sa pamamasukan sa isang kantina sa bayan at ituon na lang ang oras sa panggagamot. Tumanggap na rin sila ng mga donasyon sa pagkakasundong hindi sila magbibigay ng katumbas na halaga ng kanyang panggagamot. Anuman ang dala ng pasyente, maliit man o malaki kung galing sa puso ay buong puso nilang tinatanggap.

“Ako na ang mamimitas, Tessa. Baka tapos nang tumilaok ang manok ay hindi pa nagigising ang matino mong kapatid.”

Napailing siya at natawa naman si Maricris sa sinabing iyon ni Aling Carmen. Nakasimangot naman si Jack na noon ay nakataas pa ang isang paa sa pagkakaupo habang pumapangos ng tubo.

“ANO po ang nararamdaman ninyo, Mrs. Capili?” tanong ni Tesalonica sa kanyang pasyenteng matanda. Galing pa raw ito ng Maynila at talagang sinadya silang hanapin upang magpagamot.

            “Masakit ang likod ko. Nadulas kasi ako sa banyo habang naliligo noong isang araw. Nilagnat ako at nadala sa doctor pero hindi naman naalis ang pananakit.”

            Napangiti muna si Tessa bago napaismid. “Ano naman po ang sinabi ng doctor? Paniguradong binigyan kayo ng kung anu-anong gamot.”

            Alanganing ngumiti ang matanda. “Oo nga eh pero hindi ko naman inubos dahil isang tablet pa lang ang  naiinom ko ay tila na ako nililindol. Side effect marahil.”

            Nagkibit siya ng mga balikat. “Bakit kayo bibigyan ng gamot gayong karaniwang pilay lang naman itong natamo ninyo? Dahil sa katandaan ay naglaman na ang pilay kaya sumasakit nang husto. Huwag kayong mag-alala, maaalis pa rin ‘yan.”

            Nagliwanag ang mukha ni Mrs. Capili. “Talaga, hija? Bueno, pakisimulan mo na nga at talagang nananakit na ang buo kong katawan.”

            Tumango siya at sinenyasan si Maricris na ihanda ang mga kakailanganin sa panggagamot. Saglit itong tumalikod at pagbalik ay may dala nang langis, plastic ng yelo at kandila. Naglagay siya ng kaunting langis sa mga palad at saka iyon marahang ipinahid sa mga braso ni Mrs. Capili. Impit ang naging pagdaing nito nang hagurin niya pataas at pababa ang kalamnan nito. Nang matapos hilutin ang mga braso ay pinatalikod niya ang matanda sa pagkakaupo at saka pinahiran ng langis. Inilapat niya sa likod nito ang plastic ng yelo na ginupit niya sa gitna. Kasunod niyon ay ang halinhinang pagsinok at pagdighay niya.

            “Ang dami ninyong lamig sa katawan, misis,” aniya sa pagitan ng pagsinok.

            “Ganoon ba, hija? Kaya ka ba sinisinok? Ang totoo ay sumasakit na nga ang katawan ko bago pa ako madulas eh. Kaya pala ay dahil sa lamig.”

            “Bawasan niyo po ang paliligo sa gabi.”

            “Naku, alam mo rin ang tungkol doon? Gabi nga ako kung maligo eh.”

            Napangiti siya. Matapos hilutin si Mrs. Capili ay agad na inayos sa harapan nito ang isang planggana ng tubig. Sinindihan niya ang isang kandilang pula at saka ipinatak iyon sa tubig.

            “Wala naman pong masamang elemento, misis. Natural na pilay lang talaga.”

            “Naku, salamat naman kung ganoon!”

            Yumuko siya upang kunin ang nabuong imahe sa ibabaw ng tubig. “Ilagay niyo pa rin po ito sa ilalim ng unan ninyo nang tatlong gabi.”

            Tuwang-tuwang nagpasalamat ang matanda. Hindi ito makapaniwalang ganoon kadaling mawawala ang sakit ng katawan nito.

            “Mahusay ka nga palang talaga, Tesalonica! Naku, maraming-maraming salamat!” Niyakap siya nito sa sobrang tuwa.

            “Tessa na lang po, misis,” nagagalak din niyang sabi. Napatitig siya sa matanda. Bakas sa anyo nito ang nag-uumapaw na kasiyahan sa dibdib.

            “Heto, tanggapin mo bilang pasasalamat ko sa nagawa mong ito para sa akin.” Inabot nito ang ilang lilibuhing papel pero magalang niya iyong tinanggihan.

            “Hindi po ako nagpapabayad sa mga nagagawa kong tulong, misis. Donasyon lang po ang kaya naming tanggapin,” aniya at sinenyasan sina Maricris at Jack na nasa isang tabi. Si Maricris ay nangingislap ang mga mata habang ang bunso naman niyang kapatid ay bahagya pang nakaawang ang mga labi. Lihim niya itong kinastigo gamit ang mga mata at disimuladong sinenyasan na itikom ang bibig. Mahinang tapik sa mga balikat ang ginawa ng kanyang ina sa dalawa.

            “Hindi mo alam kung anong klaseng tulong ang naibigay mo sa akin, hija. Ilang gabi na akong hindi makatulog dahil sa matinding sakit ng katawan samantalang ilang minuto mo lang akong hinilot ay tila bula nang nawala! Mahusay kang talaga!”

            “Hindi po ako ang nagpagaling sa inyo kundi ang mga kaibigan ko, misis. Kaya pasensiya na po kayo kung hindi ko talaga ‘yan matatanggap.” Muli niyang inilayo ang kamay nitong may hawak na pera.

            “Mga kaibigan? Sino?” nagtatakang tanong nito.

            Tumanaw siya sa labas ng bintana at sa saka itinuro ang kanyang halamanan. Sa gitna ng maberdeng hardin ay ang isang imahe ng birhen na nalilibutan ng mga estatwang duwende.

            “Ibig mong sabihin ay may mga kaibigan kang lamang-lupa?” gulat na bulalas nito.

            “Hindi sila tulad nang iniisip ninyo. Mababait po sila at katunayan ay kasama kong magdasal sa birhen sa tuwing nanggagamot ako.”

            “Mga duwendeng nagdarasal sa birhen? Hindi yata ako makapaniwala.” Nag-sign of the cross ito na tila biglang naeskandalo.

            “Mababait po sila, misis kaya iba sila sa mga karaniwang lamang-lupang kilala natin.” Muli siyang lumingon sa halamanan. “Naku, naririnig po nila ang mga sinasabi ninyo. Si Galay ay nakasimangot na. Mukhang wala raw po kayong tiwala sa kanila.”

            Nanlaki ang mga mata ni Mrs. Capili. “Naku, hindi! Hindi iyan totoo! Nagulat lamang ako pero…napakalaki ng panalig ko sa iyo at sa mga kaibigan mo!” Napangiwi ito. “Pakisabi kay Gamay—”

            “Galay, misis…”

            “Pakisabi kay Galay na pasensiya na siya. Ngayon lang kasi ako nakarinig nang ganoong pinagmumulan nang panggagamot. Marami kamong salamat sa kanila.”

            Sinunod niya ang sinabi nito at saka muling humarap sa ginang. “Ayos na po. Nakangiti na siya ulit. Hindi raw po siya galit. Sana po ay mag-iingat na kayo tuwing maliligo para hindi na po maulit ang aksidenteng nangyari.”

            Tumango ang matanda. “Tama ka. Siya nga pala, kung ang mga kaibigan mo ang nagpagaling sa akin, hindi naman siguro masamang magpasalamat sa kanila, hindi ba? Gusto ko silang ipagpatayo ng isang mas malaking landscaped garden.”

            Namilog ang mga mata niya sa tuwa. “Totoo po, misis? Naku, nakakahiya naman po sa inyo. Isa pa ay maayos naman sila sa tirahan nila ngayon.”

            “Hindi natin babaguhin ang puwesto dahil baka hindi nila iyon magustuhan. Gusto ko lamang lagyan ng mas magandang silong ang garden mo, hija. Kukulungin natin iyon gamit ang net at saka lalagyan ng mga paru-paro. What do you think?”

            Nangislap ang mga mata niya sa imaheng nabuo sa isip. Na-excite siya nang husto sa idea ni Mrs. Capili. “Hindi po ako ipokrita, misis. Napakalaking bagay po ng naisip ninyong iyon at nakikita ko naman na masaya si Galay at mga kasama niya.”

            Tuwang-tuwang naglahad ng mga ideya si Mrs. Capili. Ayon dito ay isa ang landscaping sa mga negosyong hawak nito kaya madali nitong magagawa ang mga plano. Nagkasundo silang babalik ito makalipas ang tatlong araw at sisimulan na ang landscape.

Hanggang sa makaalis ang matanda ay tuwang-tuwa pa rin siya. Hindi niya nagawang tanggapin ang alok nitong salapi pero ang inalok nitong biyaya ay hindi niya makakayang tanggihan lalo pa at para naman iyon sa kanyang mga ‘kaibigan.’ Napangiti siya habang nakatingin sa mga ito.

“MA, why don’t you just give it a chance? I don’t think you are that sick. Kung ayaw mo naman sa akin ay nariyan si Esme para suriin ka.”

            Napasimangot si Mrs. Villegas sa narinig. Umismid ito at saka tumayo mula sa kama. Lumapit ito sa tokador at saka pinagmasdan ang sarili sa harap ng salamin. “I don’t need a doctor. Wala akong sakit.”

            He groaned inwardly. His mother perhaps was the most hardheaded woman on the surface of the planet. Hindi nito gustong pinangungunahan sa mga desisyon nito lalo pa at iyon ay tungkol sa kalusugan nito. Kapag ipinilit niya, lilitaw lang siyang masama sa paningin nito at sa huli ay mauuwi lang iyon sa pag-iyak. Sa puntong iyon siya talong-talo, because he didn’t want to see his mother crying.

            “I may be sad…a loner…but definitely not sick, Aidan.” Nilinga siya nito at biglang tumalim ang mga mata. “Wait, what did you say? You just mentioned Esme? Your psychiatrist friend?”

            “Ma—”

            “Are you trying to insinuate that I’m already losing my sanity?” Tumaas ang tinig nito at umalis sa harap ng salamin. She approached him and stopped right in his front.

            “Hindi iyon ang ibig kong sabihin, Ma. I am just trying to help. Ayaw mong kumain. Ayaw mong lumabas. Ni ayaw mong tingnan ang iyong mga apo! Don’t dare tell me these are all because of Papa because I will never buy that!”

“Aidan!”

Marahan siyang umiling. “We both knew what was going on between you two, kahit noong nabubuhay pa siya! Now tell me, what is happening to you?!” Sinikap niyang kalmahin ang sarili at magpaliwanag nang maayos sa ina pero tulad nang dati, sarado ang isip nito.

Nagpalakad-lakad ito habang ang mga kamay ay hindi mapakali. Naroong ihilamos nito ang mga iyon sa mukha o naman kaya ay ilagay sa beywang nito habang patuloy sa pagpapabalik-balik. “Hindi ko rin alam kung ano ang nagyayari sa akin, anak. I just woke up one day na ganito na ako. I don’t wanna eat. I don’t wanna see anybody except you! I’m just wondering what on earth is my purpose of existence! My goodness, I wanna die!” Marahas itong naupo sa kama at itinakip sa mukha ang mga kamay.

Nakadama siya ng awa sa ina. Kung hindi niya ito kilala ay iisipin niyang nababaliw na nga ito. Ginagawa nito ngayon ang mga bagay na dati naman ay hindi niya nakikita rito. Dati ay masayahin ang ina, magiliw kahit kanino at puno ng buhay. Kahit nang mamatay ang papa niya isang taon pa lamang ang nakalilipas ay hindi niya ito nakitaan ng matinding kalungkutan. Magaan nitong tinanggap sa loob ang pagpanaw ng asawa. Noong una ay inisip niyang dahil iyon sa pagiging palikero ng papa niya, pero nang makausap niya ang ina ay proud pa ito nang sabihing tanggap nito ang lahat. That she had no bitterness in her heart concerning his father. Napatawad na raw nito ang namayapang asawa kaya wala siyang dapat intindihin.

Pero isang araw ay umuwi itong malungkot. Inakala niyang may problema lang ito sa negosyo pero nang kausapin niya ang ina ay sinabi naman nitong maayos ang lahat ng ari-ariang iniwan ng papa niya. Katunayan, kahit hindi na sila magtrabahong mag-ina ay mariwasa silang mabubuhay kahit sa loob pa ng sumunod na dalawampung taon.

Pero nanatiling malulungkutin ang mama niya. Minsan sa gitna ng gabi ay tinatawag siya ng kawaksing si Manang Chavez dahil nag-iiiyak ito. Kapag tinanong naman ay parati na lamang nitong sinasagot na maayos ang kalagayan nito. Nagsimula na siyang mag-alala. Nang dumating sa puntong ayaw na nitong lumabas ng silid ay hindi na siya mapakali. Dati ay ligaya na para rito ang madalaw ng mga apo sa nakatatanda niyang kapatid na si Oscar pero maging iyon ay kinalimutan na rin nito. Hindi man lamang nito nilalabas ang mga apo kahit ilang beses nang dumalaw ang mga ito.

He felt useless. Naturingan pa naman siyang doctor pero ni hindi niya mabasa ang sakit ng ina. Kung pisikal lang ang idadaing nito ay walang problema but since it was not, sa tingin niya ay hindi niya iyon magagawang gamutin.

“I was just thinking that you are suffering from severe depression, but the question is why. Ano’ng pwedeng maging dahilan para makaramdam ka ng ganoon?”

Nagkibit ng balikat ang ina. “Huwag mo na akong intindihin. I can take care of myself, Aidan. Bukas-makalawa ay maayos na ang lagay ko.”

 “Bukas-makalawa?” Napabuga siya ng hangin. “You’ve been acting so weird for almost a month now, ‘Ma. I don’t think that’s possible.”

“Okay, kung talagang mapilit ka ay magpapatingin na ako. But let me handle this on my own. Kaya kong humanap ng doctor na titingin para sa akin. Since this condition is not under your expertise, I will be the one to choose my doctor, Aidan. Hindi ko gusto ‘yang Esme na sinasabi mo at lalong hindi ko gusto ang family doctor natin.” She glared at him and sighed. “You’re right. Kailangan ko talagang magpatingin sa psychiatrist. Norma has a friend who can surely help me.”

“Si Tita Norma? Alam na ba niya ang tungkol dito?”

“But of course! Do you expect me to just keep it to myself? Hindi na ako mapagkatulog, anak. Hindi ko na rin magawa kahit ang kumain. What do you want me to do?”

“Well then, go! If you think Tita Norma can help you a lot better than me, then feel free to call her.”

Mrs. Villegas just rolled her eyes and took the phone beside her bed. Ilang sandali pa ay kausap na nito ang matalik na kaibigan.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: