Quattro Club

Haring Taga: Isang Balik-Tanaw

Narinig mo na ba ang larong haring taga? Siguro mas magkakaintindihan tayo kung salitang moro-moro o agawang base ang sasabihin ko at kung batang 90′ s ka, alam na.

Kung init ng panahon ngayon ang pag-uusapan, mahirap na o madalang nang makakita ng mga batang naglalaro sa labas ng bahay. At sa mga bagong kagamitan gaya ng mga gadget, mahirap nang bakbakin o awatin ang mga bata sa kanilang pagkatutok sa mga cellphone, tablet at computer. Nagiging problema din ito ng mga magulang para utusan o kausapin man lang ang kanilang mga anak.

Subalit maaari nating subukang nakawin ang pagkakataon, at samantalahin ang bawat oras na maging libre nating makausap sila. Ating ikwento ang ating makulay na kahapon. Ang mga larong minsan ay naging bahagi ng ating pagkabata. Mga larong nagturo kung papaano mag-isip, maging matalino at tumanggap ng pagkatalo. Magbunyi sa pagkapanalo at makipagkasundo sa mga kalarong nakaaway din dahil sa isang laro.

Isa na rito ang tanyag na haring taga o moro-moro. May tumatawag din dito ng agawang base depende sa henerasyon o probinsyang kinalakhan. Ang larong ito ay nilalaro ng dalawang magkalabang grupo. Mula tatlo hanggang limang miyembro ang kasali sa bawat grupo. Magtatalaga o mamimili sila ng base o bahay na ipagtatanggol nila mula sa katunggali.

Magpapadala ang alin man sa dalawang koponan ng miyembro na tinatawag na “palaot” na maghahamon na habulin siya. Dapat ay mahawakan siya saan mang parte ng katawan at masabihan ng “taya.” Sa ganitong paraan ang miyembro na matataya ay magiging bihag. Ang bihag pagkatapos ay dadalhin sa base ng nakabihag sa kanya. Ipoposisyon siya at ang iba pang bihag na nakatuntong sa base na magkakahawak-kamay sa anyong nakadipa para mas malaki ang pagkakataong ma-“kuha” sila. Kuha naman ang tawag at siya ring binibigkas para masagip ang kamiyembro na nabihag ng kalaban. Dapat na mahawakan ng kakampi ang kamay ng pinakauna sa pila ng mga nabihag.

Sa makatuwid, ubusan ng miyembro ang laro at ang mga matatalo ay karaniwang pinasusuot sa mga nanalo bilang parusa.

Ito’y laro na kung sino ang mabilis, mapamaraan at magaling umilag o umiwas ang siyang nagwawagi.

Masarap alalahanin ang mga nakaraan at tulad ko, kapag ikinukwento ko sa mga anak ko, ay nagiging interesado silang malaro at maranasan din ang saya na naranasan namin noon. Maiiiwas na natin sila pansamantala sa mga radyasyon ng makabagong teknolohiya, mas magiging malusog pa ang kanilang pag-iisip at pisikal na katawan. Idagdag pang isang paraan din ito para magkaroon ng magandang bonding ang pamilya.

Tunay na masarap alalahanin na minsan ay naging bahagi ng buhay natin ang Haring Taga. Ang paglingon sa mga alaala ng lumipas tulad nito ay makakatulong sa atin kung paano tanggapin ang kasalukuyan at harapin nang may saya ang bawat bukas.

One thought on “Haring Taga: Isang Balik-Tanaw

  1. Wow kumpletona hanggang sa mga apo ay dapat ikwento at palaganapin ang “kapupulutang aral”
    na laring ito

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: