Quattro Club

Mga Paraan Upang Labanan ang Depresyon

Kung maibabalik lang ang mga araw, siguro ay sasang-ayon ka na sana ay 2019 pa rin at pagkatapos ng huling araw ng taong ito, sana ay 2021 na. Ito ay dahil napakaraming masasakit at hindi malilimutang pangyayari ang hatid ng 2020: ilan na rito ang pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas noong ika-12 ng Enero; sinundan ito ng pagkasawi ni Kobe Bryant at ng anak nitong si Gianna Maria-Onore Bryant noong ika-26 sa kapareho ring buwan, sa isang malagim na aksidente (helicopter crash) sa California, US. Marami ring mga naging aksidenteng panghimpapawid na nangyari sa Pilipinas man o sa ibang bansa at ang pinakamalaking pangyayaring pandaigdigan ay ito ngang nakamamatay na virus na kung tawagin ay Coronavirus o Covid-19.

Dahil dito, maraming bansa ang nagsagawa ng community quarantine o kaya ay lockdown upang mapabagal ang pagkalat ng naturang virus. Napasara ang mga establisimyento at nanatili ang mga mamamayan sa kani-kanilang tahanan.

Ngunit ano nga ba ang epekto ng pandemyang ito sa mental na kalusugan ng isang tao? Gaano ito katotoo at dapat ba itong bigyan ng pansin?

Kung ikaw ay may social media account at madalas mo itong gamitin, siguro ay updated ka rin sa mga pangyayaring nagaganap sa iba’t-ibang panig ng mundo. Hindi lang iilan, marami tayong nakikitang balita tungkol sa mga taong nagawang patayin ang kanilang mga anak at asawa at pagkatapos ay kinitil ang sarili nilang buhay. May mga napabalita ring OFW na nagpatiwakal dahil sa hirap na dinanas na kung uugatin ay dahil pa rin sa COVID-19.

Kung ganoon, nangangahulugan ito na hindi biro ang epekto ng pandemya sa mental na kalusugan ng mga mamamayan. Narito ang ilan sa maraming salik o sanhi kung bakit nagkakaroon ng matinding kalungkutan ang isang tao:

  • kawalan ng trabaho
  • pagkalayo sa mga mahal sa buhay
  • limitasyon sa kalayaang makalabas at magawa ang dating normal na routine
  • pagkalugi ng negosyo
  • pagkakasakit
  • pagkasawi ng mahal sa buhay

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga salik na maaaring maging dahilan ng matinding takot o pag-aalala na kalaunan ay nauuwi sa depresyon.

Ang depresyon ay tumutukoy sa isang karaniwan ngunit seryosong kondisyong mental na nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam at posibleng makaapekto sa ating pag-iisip at pagkilos.

Narito naman ang ilan sa mga palatandaan ng depresyon, depende sa antas ng mental na kondisyon ng isang tao:

  • hindi mapagkatulog sa gabi
  • matindi at hindi maipaliwanag na lungkot
  • kawalan ng gana sa pagkain
  • kawalan ng sigla
  • kawalan ng interes sa mga gawaing dati namang kinawiwilihang gawin
  • pakiramdam na walang silbi sa ibang tao
  • matinding takot
  • matinding pagkabog ng dibdib na naipagkakamaling sakit
  • kawalan ng focus sa ginagawa
  • kapuna-punang pagbagal ng pagkilos at pananalita

Tinatawag na karaniwan ang kondisyong ito dahil kahit sinong tao ay maaari nitong dapuan. Gayonpaman ayon sa mga eksperto, may ilang paraan para maagapan ang depresyon:

  1. Magsagawa ng mga gawaing kapaki-pakinabang kung saan magiging aktibo at abala ang iyon isip.
  2. Iwasan ang malulungkot na awitin at panoorin sa TV. Makatutulong ang panonood ng programang positibo ang tema at pakikinig sa mga masisiglang tugtugin.
  3. Makipag-usap sa mga taong masisigla at may positibo ring pananaw sa buhay.
  4. Iwasang makipagtalo sa panahong ito.
  5. I-divert ang isip sa mga positibong plano para sa hinaharap. Halimbawa ay ang pagkakaroon ng masayang pagtitipon pagkatapos ng pandemya.

Kung isa sa mga kaanak ay dumaranas ng depresyon, maaaring isagawa ang mga sumusunod upang makatulong sa kanila:

  1. Ugaliing iparamdam ang kanilang kahalagahan.
  2. Maging positibo lagi at masayahin sa kanilang harapan.
  3. Iwasan ang malulungkot na usapin.
  4. Iparinig sa kanila ang mga planong kasama sila sa hinaharap tulad ng pagtitipon, pamamasyal atbp.
  5. Yakagin sila sa mga gawaing maaaring bumago sa kanilang mental na kondisyon tulad ng pagluluto, pagbi-bake o paggawa ng mga collectible items.
  6. Ikonsidera ang pagpapakonsulta sa isang espesyalista kung kinakailangan.

Marami pang mga suhestiyon na maaaring gawin upang maagapan ang paglala ng depresyon ng isang tao. Gayonpaman, hindi ito isang daang porsyentong gumagarantiya sa kanilang paggaling, bagkus ay makatutulong lamang upang hindi lumala ang kanilang kondisyon. Ang pagpapakonsulta sa espesyalista ang pinakamabisang paraan pa rin, lalo na at kung bukas naman sa usaping ito ang pasyente.

Ikaw, may maibabahagi ka bang payo sa mga taong dumaranas ng kondisyong tulad nito?

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: