Quattro Club

Margaret (Chapter 1)

Tanging himutok na lang ang panlaban ni Margaret sa hinihinala niyang pambababae ng asawang si Franz Lee. At ang pinakahuli sa lahat:

“Okey, saan tayo magkikita?” bahaw ang boses ni Franz Lee sa kabilang linya ng telepono.

“Saan mo ba gusto?” palasak na sabi ng babaeng kausap nito.

Lingid sa kaalaman ng dalawa ang ginagawa niyang pakikipag-partyline sa teleponong nasa loob ng master suit nilang mag-asawa.

“May gig kami mamaya ng tropa sa Drako’s Bar ng Bay Peak Hotel. Six o’ clock, okey?”

“Sure, why not? Mas oks nga ‘yun, so I can ginger up the party!”

“Ha, ha, ha! Pilya ka rin. O, sige, bye!”

Nang maibaba niya ang telepono, may namalisbis na dalawang luha sa pisngi niya. Ang mga luhang iyon ang naglabas ng nakatagong hinanakit sa asawa. Ngunit, kailangan niyang maging matatag sa nadiskubre niyang iyon.

Nagmamadali siyang lumabas sa master suit. Bumaba sa mataas at pakiwal na hagdan ng kanilang mansyon. Huminto siya malapit sa ibaba niyon.

“Saan ka pupunta?” tanong niya kay Franz Lee. Nakabihis ito’t nagsusulat na ng mahabang buhok sa harap ng malaking salamin na nasa maluwang na sala. Suot nito ang paboritong kupas na maong at puting polo.

“Papasok na,” anitong di tumitingin sa kaniya. “Male-late na ako, kaya doon na rin ako magbe-breakfast. Ibang klase kasi’ng pagkaistrikto ni Mr. Daza, parang high school teacher.”

Pagkuwan, dinukwang nito ang may aapating baytang. “Mwa!”

“Wala ka bang nalimutan?” tanong ulit niya pagkaraang halikan siya nang mariin sa mga labi ng nagmamadaling asawa.

“Wala na, honey, bye!” Nilundag nitong pababa ang hagdan. Bago humangos palabas ng malaking bahay.

Narinig na lang ni Margaret ang mabilis na pagharurot ng kotse nito.

Sa loob ng magarang mansyong iyon namumuhay nang marangya sina Margaret at Franz Lee. Namana ni Margaret ang mansyong iyon sa mga magulang na sina Mang Lemuel at Aling Mildred Solomon. Tumama sa isang super lotto draw ang dating street sweeper na ama ni Margaret noong ito’y nasa takip-silim na ng buhay. Nakatira lang sila noon sa maliit na bahay sa Cubao.

Dalawampu’t anim na taong gulang at nasa ikalawang taon noon si Margaret sa kursong Business Management sa Ateneo De Manila University. Si Andrew, ang kaisa-isa’t panganay na kapatid niya ay namatay noong ito ay walong taong gulang pa lamang dahil sa sakit sa baga. Kaya siya ang naiwang tagapagmana ng mansyon. At sa naiwang negosyo ng mga magulang niya. Nagpapatakbo siya ng isang kompanya ng puro air-conditioned na mga minibus na may biyaheng Malolos-Baclaran.

Maganda si Margaret. Morena at edukada. Kung kaya, lalong umangat ang Solomon Liner. Tatlumpong taong gulang nang makakompleto siya ng pag-aaral. Nakapagdagdag pa siya ng prangkisa sa kaniyang linya na may rotang EDSA-Monumento. Nito lamang nakalipas na taon. Hindi kakaunti ang pera niyang naimpok sa bangko. Marespeto sa mga tao, iyan ang nakatulong nang malaki.

At iyon ay noong bago nagkurus ang landas nila ni Franz Lee Hilarion. Na mas batang di hamak sa kaniya. Isa itong maralitang car painter.

Dalawampung taong gulang pa lamang si Franz Lee noon. Wala siyang ibang maisama sa mga empleyado niya sa Solomon Liner sa isang Christmas ballroom dancing. Kaya ito ang kinaray niya sa hotel na iyon noon. Noo’y kaarawan pa niya. Ang criteria ni Franz Lee: mahusay itong sumayaw. Mapaluma o uso. Kuwento sa kaniya, natuto ito sa entablado noong nasa kolehiyo pa ito.

At mula nang maisayaw siya nito nung gabing iyon, di na siya nakaalpas pa sa maninipis na mga kamay ng isang karaniwang pintor. Para siyang nakahawak noon sa makinis na talulot ng rosas. Palibhasa’y nasa kamay ang puhunan ng mister niyang Manila Boy.

Ngunit, paano niya sisimulan ang pagdahak sa makamandag na gayuma nito? Kung hindi niya maaaktuhan ang ginagawang pagtataksil nito? Nagsimula ang pagseselos niya nang lisanin nito ang dating trabaho.

Nang makabalik sa silid nilang mag-asawa, sinisi niya ang kaniyang sarili. Hindi pa kasi siya naglilihi, gayong noon pang Enero sila ikinasal. Buwan ng Setyembre ngayon. Dapat sana’y mayroon na silang isang anak. Nagpaeksemen na silang pareho sa isang doktor. Ngunit, wala umanong problema. Ni anomang dahilan upang di sila magkaroon ng mga supling, sabi ng doktor na iyon. Mula sa likod ng pintuan, inihakbang niya ang kaniyang mga paa.

Bukod doon, di niya masisi ang asawa. Dahil mapagkalatiwalaan din namang kumilos ito, kahit mahaba ang buhok tulad ng bokalista ng isang rock band. Matangkad, makinis ang maputing kutis. Higit doon, sa Makati ito nag-oopisina.

A, masasabing tagumpay nga siya sa pagnenegosyo. Pero, may kakulangan pa sa buhay niya bilang isang ginang ng tahanan. Kung bakit ba naman kasi pinayagan niyang mamasukan pa si Franz Lee sa advertising agency na iyon? Na pag-aari ni Mr. Daza. Higit isang buwan pa lamang, may problema na siya.

Humarap siya sa oval mirror. Matamang tinitigan ang sarili roon. Ang unat na itim na buhok na katamtaman ang haba. Mapungay na mga mata. Katamtamang tangos ng ilong. At makipot na mga labi. Pati ang kaniyang balingkinitang katawan, hinanapan ng maipipintas doon.

Even without my money, this glacile body can still catch a man’s heart, patalampak na usap niya sa sarili habang nakatindig sa harap ng salamim.

Habang nakuha ng damit sa closet, nakinita ni Margaret: walang mangyayaring maganda kung mananatili siya alinsunod sa pang-unawang ibinibigay niya sa mas batang asawa. Kailangan niyang kumilos, lumikha ng isang paraan. Upang masabing kaya niyang ipagtanggol ang sariling dignidad. Sa larangang tila kinababansutan niya.

And what a coincidence! She’s very familiar with that place.

Isinuot niya ang isang makintab na berdeng outfit. May mga lace iyon sa bandang tuhod na parang mga dayami. Tinernuhan niya iyon ng kakulay nitong stiletto. Saka inihanda ang sarili sa isang plano.

Sa ibaba, kanina pa nakahanda sa mahabang dining table ang paborito niyang breakfast na puto ube at soaps macao. Iniluto iyon kanina ni Nana Flora, ang pinakamatanda sa tatlo niyang maid.

Ang dalawa pang kasambahay na sina Lotta at Dina ay mga tagaprobinsiya rin. Pinakamatagal sa tatlo si Nana Flora. Kabaryo ito ng namatay na nanay niyang si Aling Mildred sa Magalang. Nagsilbi na ito sa kanila noong maipagawa na ng mga magulang niya ang mansyon.

Si Damian ang nag-iisa nilang tsuper. Kasing-edad at kababata niya ang binata na taga-Cubao lang. Siya naman ang kumuha rito noon para magtrabaho sa kaniya mula nang mamatay ang tatay at nanay niya dahil sa katandaan. Wala ito nang araw na iyon. Ilang araw na itong nasa lamay. Nakaburol ang isa nitong kapatid na namatay. Kaya may kung ilang araw na ring ipinagmamaneho niya ang sarili. Paroo’t parito sa Vista Valera.

Ang Vista Valera ay isang pangmayamang subdibisyon na nasa pusod ng Quezon City. May kinse minuto rin ang biyahe patungo sa opisina niya.

Habang kumakain, tinanong ni Margaret si Nana Flora. “Wala ba kayong napapansing sumusundo rito kay Franz Lee na mga bago niyang barkada?”

“Wala po, ma’am,” malumay na tugon ng matandang maid na nakatayo sa likuran niya. “Sina Sir Homer at Sir Calvin pa rin po ang malimit nakakasama ni sir hanggang pag-uwi niya.”

“Sana, Nana Flora, sa susunod na luto n’yo nitong sopas, damihan n’yo ginayat na habitsuwelas. Masarap pa rin ang luto n’yo, kaya lang, gusto kong magdagdag ng bitamina sa katawan,” palubag-loob niya rito. Pagkadinig niyon, lumapit din ang dalawang dalagitang kasambahay. Tumayo ang mga ito sa likuran ni Nana Flora.

“Di ko gustong ipagpalit ako ng asawa ko nang dahil sa mas magandang katawan ng ibang babae.”

Tila naunawaan ng matanda ang madalas niyang ipag-init ng ulo. “May iba na si sir, ma’am?” mahiya-hiyang tanong nito sa kaniya.

“Wala,” iwas niya. “O, kayo, Lotta, Dina?”

Napakamot sa mga ulo ang dalawang nakikinig. Pagkuwan, walang imik-imik na nagbalik ang mga ito sa kusina. Napangiti si Margaret.

Iniba niya ang pinag-uusapan nila ni Nana Flora. “Si Damian, kailan daw ang balik? Malapit lang ang sa kanila rito, di ho ba?”

“Bukas daw po, ma’am, tumawag s’ya kanina.”

“Alam n’yo naman, Nana Flora, ‘hirap ‘pag walang drayber ngayon. Lalo’t nauuso na naman holdapan at kidnapping sa mga kalsada. O, sige, ‘yun lang po,” lubay niya sa matandang mayordoma.

Tatlo ang mga sasakyan nila. Isang pulang BMW sportscar na personal na gamit niya araw-araw papasok sa opisina. Itim na pick-up at Volkswagen na siya namang ginagamit ni Franz Lee kung saan-saan.

Habang mabagal na nagmamaneho, di niya mapigilang gunitain ang mga ugali at karakter ni Franz Lee:

Kakatwa, pero, di siya niligawan nito sa pamamagitan ng mga magagandang idinidibuho nito. Kundi sa pamamagitan ng pagkatha ng mga tula. Makata at weird na artist si Franz Lee. Para sa kaniya, simbolo ang buhok nito, na parang mayamumgmong na punong nakaduklay. Kaya siguro kinapitan ng babaeng iyon. At kaya rin, marahil, ayaw nitong kagatin ang alok niya: ang managerial position na inilalaan niya sa lumalaki niyang kompanya. O dahil sabik na itong magkaanak? Kahit sa ibang babae?

Nitong nakalipas na mga araw nga ay naipapagpasumala na niya, buti pang naging writer na lang sana ito. Na sa loob lang ng bahay ang trabaho. Hindi naging isang pintor, na nakikita’t nakasasalamuha ng maraming tao. Lalo ang mga kababaihan.

Nang himukin ito nina Homer at Calvin na mag-apply bilang graphic artist sa Advent Incorporated, ay para raw sa personal advancement nito. Naipaliwanag sa kaniya nito noon. Freedom-seeker si Franz Lee, di niya maikakaila. Ngunit, kabisado niya ang sihay ng utak ng isang artist. Bakit? Wide-reader siya. Di ito kayang bidbirin ng anomang kadena upang gawin ang nasa isip nito. Batid niya iyon.

Bagaman, ni minsan, di niya ito pinaghinalaang mamuhayan ng masamang interes sa minana niyang kayamanan sa mga magulang niya. Na di pa naglalaon nang mangagsipanaw. At halos magkasunod lang na namayapa. Walong taon na ang nakararaan.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: