Quattro Club

Margaret (Chapter 2)

“Good morning, Ma’am Solomon!” magalang na bati sa kaniya ng matandang sikyo. Tuluy-tuloy lamang siya sa parking area. Iyung reserbado lamang para sa sasakyan niya. Umayuda ang konduktor na si Mang Boy. Sumenyas ito.

Hindi nilingon ni Margaret ang nakangiting sikyo. Pati si Mang Boy.

Halos tumulo ang pawis niya sa bawat pagkabig-bawi sa manibela ng inihihimpil na BMW. Nakahimpil pansamantala roon ang lahat ng unit ng kaniyang mga minibus. May nakatakdang general meeting ang buong staff at personnel ng Solomon Liner nang araw na iyon. Dito niya napiling mag-opisina ngayon. Sapagkat, bukod sa mas moderno ang mga estruktura, mas malapit pa sa bahay nila. Ang isang terminal ng Solomon Liner ay nasa Baclaran.

May tigwawalo na rin ang mga tumatakbong minibus niya sa mga linyang iyon. Subalit, may tina-target pa siya. Balak pa niyang magdagdag ng ilan pang mga unit. Nabanggit niya kamakailan sa asawa niya.

Pagpasok sa mahamig na gusali, malugod din siyang binati ni Liezl, ang maganda niyang sekretarya. “Good morning, ma’am.”

Nagtaka sa kaniya ang sekretarya. Hindi rin niya pinansin ang pagngiti nito sa kaniya. Dati-rati, bago magtuloy sa opisina, siya pa ang unang bumabati sa lahat ng mga empleyado niya. Ngayon, niha niho, wala siyang reaksiyon sa pagbibigay-galang ng mga ito. Taka ang lahat doon. Halatang problemado siya.

Hawak ang itim na cellphone at night clutch, walang lingon-likod na pumasok siya sa kaniyang pribadong opisina. Kasunod lamang niyon ang table ng sekretarya. Bumubulong siya habang nasa loob ng opisina.

Bakit, di niyo naman alam kung gaano kabigat ang dala kong problema, di ba? Isa pa, very unprofessional naman yata kung hanggang dito, dadalhin ko pa problema ko sa asawa ko. Kaysa magtatalak pa ako sa inyong lahat dito!

Sa loob ng opisina, ang una niyang ginawa ay tanggalin sa dingding ang isang nakakuwadrong tula ni Franz Lee. May pamagat na “Bakit Ako Pumipinta ng Tula?” Nakadispley sa may likod ng table niya. Iniregalo nito noong nakaraang bisperas ng Pasko. Bisperas din iyon ng kaarawan niya.

Subalit, bago niya ipinasyang ibasura ang hawak-hawak na kuwadro, matamang tinitigan muna niya ito. Binasa ulit itong mga nakatitik doon:

Ang tula, malalim na padama’t
Madamdaming naghahayag ng hindi
Mahugot na tinik mong winika.
Sa mala-hiningang guhit sa pisngi
Mong hindi mo madalumat
Itong pinsel ko’y ibababad   
Sa dahong tubo sa hamog ng ihawig.
Bayaang ipinta ko ang lakambini
Sa timyas ng wagas na hamak;
Ni pagas mong tinig aking
Patatahimikin upang maabot
Ang iniaalok ng marilag na loob
Nitong bulaklak sa dalisdis ng gulod.

May kumurot na pinung-pino sa dibdib niya. Pero, parang walang anoman na ibinalibag niya iyon sa walang lamang receptacle. Nasa likod iyon ng maliit na pinto. Kasunod niyon ay lumagapak ang night clutch niya sa ibabaw ng table. “Shit!” Sa poot, di niya maumpisahan nang maganda ang umaga.

Pagsalampak sa swivel chair, isang tao ang biglang sumilid sa isipan niya. Napabuntong-hininga siya. Di pa rin binibitawan ang cellphone na nasa isang kamay.

Ang gusto ko for him, mas may lupit. At hindi lang dramatiko, iyung isa na pagbubunyag na gagawin ko sa nangangaliwa kong asawa. Iyung walang-wala nang magiging kakayahan na makabalik pa mula sa lusak na pinagtatampisawan nito.

Matagal na niyang kakilala si Mr. Felix Daza, ang boss ni Franz Lee sa Advent Incorporated. Hindi niya kaibigan, pero, maaari siyang makadikit dito. Malaki ang maitutulong nito sa kaniya.

Si Mr. Daza ay kilalang palikero at mahilig sa ballroom dancing. Kamakailan, nagpatayo ito ng sariling dance academy. Karaniwan na sa boss ni Franz Lee ang makitang may kilik-kilik na mga dalaga. Matrona man o iyung mga may asawang nasa kalagitnaan ang edad. Basta’t maganda, may porma, kahit walang pera ang babae ay walang-awang pinapatos ng matandang playboy.

Naging instructor niya ito noong siya’y nag-aaral pang mag-ballroom dancing. Dito siya hihingi ng tulong sa problema niya kay Franz Lee. Kanina pa niya ito naiisip. Habang nasa bahay pa siya.

Mayamaya pa, nahagip ng mga mata niya ang nakakuwadrong dibuho ng isang magandang babaeng walang pangalan. Nakasabit ito sa dingding katapat ng table niya. Para siyang dinadapurak, ang dignidad niya, habang nakatitig sa nakangiting babae roon.

Tumayo siya, tinawag si Liezl. “Alisin mo iyon doon. Ipamigay kung ayaw mong iuwi sa inyo,” sabi niya rito.

Walang tanong-tanong, tumalima sa utos niya ang dalagang sekretarya. “Thank you, ma’am. Ako na lang ang mag-uuwi nito sa ‘min,” natutuwang sabi nito.

Araw ng Lunes iyon. Dapat sana’y may kani-kaniyang general meeting ang buong puwersa ng mga empleyado sa dalawa niyang terminal. Ngunit, siya na ang personal na kumontak sa cellphone sa supervisor. Para aniya, wala nang tanong-tanong pa ang mga tsuper at konduktor. Sa kung bakit na-postpone ang nakaiskedyul na GM. Nag-set ulit siya ng isang GM sa darating na Huwebes.

Makikipagkita siya sa isang malaking tao sa larangan ng advertisement. Ito ang ginawa niyang scapegoat. Pero ang totoo, kasama sa plano niya ang di maglihim sa personal appointment niya kay Mr. Daza. Lalo na sa mga tauhan. Upang pagdating sa puntong iyon na naninibugho na si Franz Lee, lalo pa itong magatungan ng mga maririnig sa mga empleyado. Kahit mahigit limampung taong gulang na si Mr. Daza.

Suwerte naman, nang tawagan niya sa cellphone si Mr. Daza, nasa kabilang linya ito. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik. Nagpasundo agad dito upang muling makahalubilo ang mga kakilalang social dancer na nasa alta sosyedad. Iyung mahihilig sa pagsayaw ng swing, fox trot, jive, samba, rumba, conga, chacha, at moderno. (Dito kumikita ng sideline si Mr. Daza bilang profeasional dance trainor sa mayayaman nitong mga kliyente.)

Sakay ng apple green na Porsche ni Mr. Daza na nakaputing amerkana, napapalingon ang mga personnel sa loob ng terminal ng Solomon Liner. Isa man sa kanila, walang nakakikilala sa matandang kasama ni Margaret. Na parang tatay na niya kung titingnan.

“Saan tayo pupunta?” tanong ni Mr. Daza habang papalabas sila sa terminal.

“I wanna dance,” walang ligoy na tugon ni Margaret. May katagalan na rin bago ang huling punta niya roon para makipagliwaliw.

Ang dance studio ni Mr. Daza ay nasa eight floor ng Bay Peak Hotel. Isang five-star hotel iyon sa Roxas Boulevard.

“You’ll surely like the new set-up of my studio, Margaret, once we got in there,” may panonorpresang sabi ni Mr. Daza habang nagmamaneho. “Nagtataka rin ako sa iyo kung bakit ngayon mo lang ulit naisipang dumapo roon. When in fact, you’ve been turning into a little giant lately. Masyado kang busy, ha.”

“May problema kasi,” matipid na sagot ni Margaret.

“Anong problema?”

“Before I answer that, Felix, how’s Franz Lee faring on his job? Doon sa agency?” Pinili niyang Felix ang itawag dito, sa halip na pormal.

Napatinghad ito sa kaniya. Nagtaka. “May nililigawan ba siyang kasamahan sa trabaho?”

Di agad nakabawi ng isasagot si Mr. Daza. Nagkonsentra pa ito sa matuling pagmamaneho.

Nahalata iyon ni Margaret. Akala siguro, nagpaparamdam siya kaninang tawagin niya ito ng Felix. Iyun pala, dahil lang sa galit niya sa asawa niya. Sa tono pa lang niya, halatadong may pinagseselosan siya.

“Allright, Felix,” ulit niya. “I know, pareho kayong lalaki. But what if I offer you something you won’t resist?”

May kumisap na ngiti sa nangungulubot na pisngi ni Mr. Daza. “I know what you’re talking about.”

“Then would you like to tell me who that girl is? At paano ko makikilala?”

Tumanggi ito. “Pwedeng doon na lang natin pag-usapan ‘yan? Sa studio ko? Madali lang ‘yang pinoproblema mo.”

Hindi na umimik pa si Margaret. Parang nakasilip na agad siya ng butas. At maaari niyang pasukin para mapatunayan ang pambababae ng asawa niya. Kilala niya ang karakas ni Mr. Daza. Sa isip-isip niya, ngayon pa lamang ay naglalaway na ito. Dahil nakatagpo ito ng kabagang nito nang walang kahirap-hirap.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: