Quattro Club

Margaret (Chapter 3)

Pagsapit nila sa Bay Peak Hotel, gumamit sila ng elevator paakyat sa eight floor ng hotel.

Wala silang imikan ni Mr. Daza habang nasa loob ng elevator. Nalimutan na rin niyang sagutin ang patungkol sa unang itinatanong nito kanina: ‘yung isang dahilan kung ba’t sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon lang siya ulit naligaw doon. Kunsabagay, kailangan pa bang sabihin iyon? Very comfortable na kasi siya sa piling ni Franz Lee matapos silang magpakasal sa simbahan. Kaya ayaw niyang maglalalabas ng bahay noon. Wala naman siyang hilig magsugal sa mga casino.

Sa madaling sabi, nagkakaintindihan na sila nito.

Pagbungad nila sa unang pintuang nakabukas katabi ng elevator, eksaktong katatapos lamang mag-square dance ng higit-kulang sa may dalawampung magsingpares. Ang lahat na naroroon sa loob ng may kaluwangang studio ni Mr. Daza ay pawang mayayaman. Liban lamang sa ilang mga attorney na nakaistambay roon upang maghanapbuhay. Sila ang mga dance instructor doon.

Pawisan pa si Dr. De Rosa nang salubungin siya nitong humihingal. Isa itong neurologist sa isang malaking pampublikong ospital. At noo’y natsismis ding naging kalaguyo ni Mr. Daza. Ito rin ang unang nakilala niya roon nang magpaturo siya ng ballroom dancing sa matanda.

“Ola! Amiga! Naligaw ka yata? My, look at your dress! Isa kang Ginger Rogers of the nineteen thirties with Fred Astaire! Come on, pick up your partner and join us on the floor!” Nakaputing miniskirt ito, nakatago ang mapuputing binti sa ga-alulod na boots.

“No.” Nginitian lamang ito ni Margaret. “And no, we’re already a couple.”

Lalo siyang naginhawaan. Diyata’t, isa pang unsaintly figure ang sumalubong sa kaniya. Napansin niya ang old western motifs ng studio ni Mr. Daza. Napamangha siya kahit paano.

“Oh, the million peso baby!” palatak na bawi ng doktora. “You mean, k-kayo nang dalawa ngayon ni Felix?”

Si Mr. Daza ang sumagot sa tanong ng tila nasorpresang matrona. “No, she just wanna kickstart her Monday blues. That’s why she called me up early this morning.”

“Di ba, sa pagsasayaw naman natin mai-a-assert ang mga sarili natin? Kung gusto natin minsan ng kalayaan sa pagsikil ng lipunan nating ginagalawan? salo ni Margaret.

“Freedom from our husband’s innuendos? H-Here in a dance hall? Oh, c’mon!” sarkastiko si Dr. De Rosa.

Parang nairita si Margaret. Nakitiran sa kaharap. Biglang gumitaw sa isipan niya ang kalandian ng middle-aged na matrona. “You know, Berla, as you grow older, your sinister mind always doesn’t help. May you better undergo prophylaxis of your own loaf brain. Or else, I would advise you to keep your BS mouth shut! Felix, please,” lansi niya sa dalawa.

“Felix?” mapanlait ang ulit na iyon ng matrona sa pangalan ng matandang professional dancer. Tinaasan pa siya ng kilay!

“C’mon, Margaret, let’s humanize everyone’s presence here,” awat ni Mr. Daza sa dalawa na nauuwi na sa bangayan ang muling pagkikita. Binalingan nito si Dr. De Rosa. “A, Berla, I know you very much more than Margaret. So please, let’s just make this Monday morning fruitful to everyone of us here, okey? Wala nang throwback at batuhan ng konsensiya. Anyway, we’re here to identify with each other, di ba? So let’s rock and roll instead!”

May pagkamaginoo ang tinig ni Mr. Daza. Nagawa nitong busalan ang parang makinang bibig ng babaeng gustong bumawi kay Margaret.

Agad itong tumalikod. Hinarap ang naghihintay nitong ka-partner. Nakatayo sa di kalayuan sa kanilang tatlo. “Shall we dance, attorney?” Parang nang-iinggit pa ito kay Margaret nang pakendeng na lumapit sa matangkad at patpating ka-partner na nakaitim na amerkana. Sa gitna ng dance floor, nakipagsayaw itong lapat na lapat ang katawan sa lalaki. Sa saliw ng tugtuging jazz, mas nakahinga ito nang maluwag.

Bago sila naupo sa isang table sa sulok, kumaway-kaway si Mr. Daza. Naraanan nila’ng masasayang magsingpares sa mga table. Tila ginawa nang opisina ng mga iyon ang studio ni Mr. Daza.

“Hindi na ulit ako magpapaliguy-ligoy pa, Felix. sabi ni Margaret pagkaupong-pagkaupo nila. “Sanayin mo na rin na Felix ang itawag ko sa iyo.”

Tumikhim siya. “Now, tell me, sino ang babaeng nililigawan ni Franz Lee na office mate niya?”

“Si Mazo Del Mar,” deretsahang sabi ni Mr. Daza. “Bagong computer analyst sa agency ko. Maganda, mestiza, at bata pa.”

“Gaano ka kasigurado?”

Nakangisi ang matanda. “I know, lalaki rin ako.”

“Kursunada mo rin siguro?”

“Hmn, seksi kasi, e.”

“Gusto mong mapasaiyo ang Mazong iyon nang walang problema?” alok niya sa gurang na playboy.

Nanlaki ang mga mata nito sa sinabi niya. “Ha? Paano?”

Binulungan niya Ito. Pagkuwan, ito ang namamaang na nagtanong sa kaniya. “Paano kung pareho tayong sumabit d’yan sa iniisip mo?” Waring ibig umatras nito.

Isang makahulugang ngiti ang itinugon niya. Kabisado niya ang kahinaan nito. Hindi na kailangang pag-usapan ang salapi. Mas mayaman yata ito sa kaniya.

“Kunsabagay, sino ba ang luku-lukong tatanggi sa grasyang lumala pit?” buwelta nito.

Parang hinihiwa ang puso ni Margaret sa gagawing iyon. May nag-uunahan sa dibdib niya. Babae rin siya tulad ni Mazo. Baka iisa ang kahinaan nila pagdating sa bagay na iyon? Baka, iyon ang nasa isip ni Mr. Daza sakaling di sila magtagumpay sa iginuguhit niyang plano? Kaya napapayag niya agad ito?

Nababasa niya sa mukha ng matanda ang bahagyang takot. Ngunit, waring nalulugod din naman ito sa pakikipag-usap sa kaniya.

Natapos ang nakasalang na tugtog. Sinundan agad iyon ng isang tango. Niyakag na siyang sumayaw ni Mr. Daza.

“Shall we dance now?”

May ngiting nagpaunlak siya. Iyon kasi ang unang-una niyang naperpekto sa mga itinuro ni Mr. Daza. Pagkaraang yakagin siya rito minsan ng matandang asawa ng presidente ng minibus transport organization. Pati ang two-step na fox trot.

“Kailan mo gustong simulan ang D-Day?” Hindi pa man nag-iinit sa pagsasayaw, dama agad ni Margaret ang mainit na hininga nito. Magkalapit ang mga mukha nila habang sila’y umiindak.

“Tonight, de facto, Felix,” sagot niyang nakalapat ang katawan sa matanda.

“Maaasahan mo tulong ko, Margaret,” anas nito.

Natapos ang tugtugin. Naghiraman ng mga kapareha ang social dancers. Ngunit, hindi sina Margaret. Nanatili silang magkapareha ni Mr. Daza. Hanggang hingalin sila sa kasasayaw.

Bago mananghali, nilisan ni Margaret ang hotel. Bago umuwi, dumaan muna siya sa isang salon sa Makati Avenue. Dito niya napiling magpabago ng hair-do. Nagbabakasakali, maispatan ang asawa kasama ang pinagseselosang babae. Sa isa sa mga mamahaling restaurant malapit sa kinaroroonan ng Advent Incorparated. Ngunit, hindi niya natiyempuhan ang dalawa.

Naunang dumating si Margaret sa lobby ng Bay Peak Hotel. Mag-a-alas sais ng gabi. Sinadya niyang magpahuli sila ni Mr. Daza papasok sa Fraction Bar. Nagpahatid lamang siya kay Damian. At sinabi, ‘wag na siyang sunduin doon.

Halos lumuwa ang katamtamang dibdib niya sa suot na tight black silhouette. At high heels na gayon din ang kulay. Pinanindigan niya ang sinabi ni Dr. De Rosa na kahawig niya si Ginger Rogers. Kaya ipinakulot niya ang buhok sa bandang ibaba. Mula sa taynga, pababa hanggang batok.

Habang naghihintay sa tabi ng entrance, nabagot siya. Kahihintay sa pagsulpot ni Mr. Daza. Halos di niya matagalan ang sariling pinagtitinginan ng mga nagsisipasok. Lalo ang mga kalalakihan.

Sinangguni niya ang oras sa gold Rolex sa kaliwang bisig. Pasado alas sais na. Napapabuntong hininga siya. A, kahit siya pa ang operator ng Solomon Liner, kailangang sanayin din ang sariling maghintay. Mas mayaman si Mr. Felix Daza. That dirty, rotten, rich old man.

Saglit pa, dumating din ang hinihintay niya. Isang berdeng Porsche ang humimpil sa tapat ng hotel.

Pag-ibis nito, nangingimi siya. Naka-Panama hat, black trouser, at naka-pin ang isang pulang rosas sa kaliwang dibdib nito. Kahit maitim, may kiyas ang dating ng playboy na ito. Animo, dignitary mula sa isang bansa sa Africa. Sa kabila raw ng di mabilang nitong mga babaeng inanakan.

Pagtapak sa main lobby, siya pa unang bumati rito: “You look so pretty damn good looking, Felix! Shall we go upstairs?”

“Kanina ka pa? Rush-hour kasi, natrapik ako.” Pahangos nitong kinipit ang braso niya. Ito ang nasunod pagpanhik nila. Ginamit nila ang karpetadong stairway.

Pinid ang mga labing napangiti si Margaret. “This is the secret of my magic, exercise keeps my body firm,” pagyayabang nito.

Nakabibingi ang musika ng naka-set na banda nang pasukin nila ang Fraction Bar. Nasa ikaapat na palapag.

Agad may sumalubong na usherette. “Good evening, ma’am, sir, table for two?”

“Yeah!” Waring atat si Mr. Daza. Ito na ang sumagot habang niluluwagan ang itim nitong necktie.

“Would you like to have your table here, o upstairs?” magalang na alok ulit ng usherette na mukhang teen-ager pa. “We have a second floor for a nice couple like you!”

Hinayaan ni Margaret si Mr. Daza. Puro teen-agers pala ang customers.

“If you’re a hunter, from where is the best place to watch the hunted?” ganting-tanong nito sa nasorpresang usherette.

“From the top!” listong tugon ng usherette.

Napangiti rin si Margaret. Parang narinig na niya ang mga linyang iyon sa isang pelikulang isinulat ni Rudyard Kipling. Napanood niya noong minsang ipagsama siya sa isang mall ng tatay niya nung nagdadalaga na siya.

Kita ni Margaret, sa labis na tuwa sa batambatang usherette (di kaya sa ganda nito?), inabutan ito ng isang malutong na lilimandaaning piso. Nahawa siya sa ginawa nito. Humugot din ng gayong halaga mula sa kaniyang night clutch. Saka walang imik, inabutan ang tuwang-tuwang usherette. Bago, in-escort-an na sila nito sa itaas.

Halos maduling ang mga mata ni Margaret kaaaninag sa nagkakasiyahang mga tao.

“Maiispatan mo rin sila,” pakli ni Mr. Daza. “Don’t worry yet, mabuting maupo muna tayo’t kumuha ng maiinom!” alok nito.

“Would you like to sit down facing the stage?” anang usherette.

“Yeah!” sabi niyang di tumitingin dito.

Itinuon nito ang flashlight paturo sa table sa lodge. Sabik, dali-dali niyang kinaray sa braso si Mr. Daza. Naupo sila roon.

“Have a good time, ma’am, sir!”

Isang binatilyong waiter ang agad lumapit sa kanila.

“Scotch on the rock, double!” sabi ni Mr. Daza. “Ikaw, Margaret?”

“Tequila!”

Parang lasingan yata ang ipinunta nila rito. Hinagod siya ng tingin nito. Sa mga braso. Sa mga binti. Sa buong katawan niya.

“Bakit ganyan ka makatingin? Felix, parang may gusto ka agad mangyari, a! Hindi pa natin natatagpuan ang mga hinahanap natin dito, di ba?”

Pumaling ng tingin ang matanda. “I know! I know!” parang nahiya.

Dumating ang in-order na alak. Wala pa ring hinto kaiikot ang mata ni Margaret sa mga tao sa loob ng bar. Sa likuran. At sa mga nasa ibaba. Natutulig na ang taynga niya sa mabibilis pang lalong number ng banda sa stage. Paroo’t parito ang mga taong nasa ibaba, nakikita niya. Halos poonin ng isang maliit na audience ang may limang miyembro ng banda. Ang ilan, nakasampa ang mga braso sa harap ng stage. Yaong nasa likuran, di naman magkamayaw sa pagpadyakan, hiyawan sa tumutugtog nilang mga lider ng “kulto”. Dyampak ang bar.

Halatang nagkikimkim lamang siya ng galit sa asawa. Napansin iyon ni Mr. Daza. “Relax ka lang, Margaret!” untag nito. Habang panakaw na sumusulyap sa itaas ng dibdib niya. “Di mo pa ako kilalang lubusan. Matagal akong magpakilala.”

Mas nahiwagaan siya sa hibo ng ngisi nito kaysa sinabi nito. “Ano ibig mong sabihin?” Hinatak niyang paangat ang lumalaylay na aporo ng silhouette niya.

“Friend ko si Mr. Tsong, ang may-ari nito. May problema ka pa ba?” Pagkasabi niyon, tiyempong huminto ang napakaingay na tugtugin sa entablado.

Lumapit sa table nila ang isang matangkad, mestisuhing bigotilyong lalaki. Naka-polo shirt ng puti. Nakamaong. Napansin ni Margaret, kumikinang sa rami ang alahas sa katawan nito. Ito siguro ang sinasabi ni Mr. Daza na may-ari ng bar.

Agad ding lumayo sa table nila ang lalaki.

“Hindi ako nagmamadali, Felix. Baka ikaw ang nagmamadali,” segurista si Margaret. “Sa rami ng mga tao rito, madilim, iba-iba ang mga boses na naririnig mo. Di tayo dapat complacent sa kanilang dalawa.”

“Then, trust me, will you?”

“Paano?”

Itinaas nito ang hawak na baso. Nag-toss sila. Sabay sumimsim ng mga alak. Agad nitong pinahid ng puting panyolito ang mga labi nito. Bistadong di manginginom si Mr. Daza.

Hindi sa nakatutuwa, kundi, nainis pa nga siya sa pagkalukot ng pisngi nito. Di lang niya masabi, bagyo pala ito sa kayabangan. Double pa ang in-order.

“Tumingin ka sa table, malapit sa restrooms.” Sa tabi iyon ng cashier sa    ibaba. Biglang nagtiim ang bagang niya. Nakita ng dalawang mata niya si Franz Lee, nasa isang malaking table. Masayang kausap ang babaeng mahaba ang buhok. Kasama nito sina Homer at Calvin. Kitang-kita niya ang kasiyahan sa mukha ng asawa at ng babaeng kausap nito. Si Mazo! Lalo siyang nanaghili nang mapansing naka-office attire pa si Mazo.

“Kompleto na ebidensiya mo,” untag ni Mr. Daza. “Now, ako naman ang gagawa ng kasunod na hakbang.”

“Asahan mo ang ipinangako ko sa ‘yo,” nagngingitngit na sang-ayon niya rito. “Hmp! Mukhang fly-by-night naman ang porma!”

Ang plano nila, hiyain doon ang asawa. Doon niya ito ora mismo papipiliin. Siya o ang babaeng iyon? Sa gayon, masosolo na ni Mr. Daza ang babae.

Halos masaid ang laman ng baso sa muling pagsimsim niya. Gusto niyang manghiram ng konti pang lakas ng loob sa alak. Ngunit, kalalapag pa lang ng baso, bigla na siyang nakaramdam ng matinding pagkirot ng ulo. Parang umiikit ang kaniyang paningin. Taka siya. Sanay naman siyang umimom ng matatapang na alak. Pero, ba’t gano’n? Iba ang pakiramdam ngayon? Parang inantok siyang bigla. Gayung wala pang isang baso ang nako-consume niya.

Nang titigan niya si Mr. Daza, nasa harapan na niya  ang nakangising demonyong mukha nito. Pilitin man, di na siya makatayo sa kinauupuan. Wala na rin siyang ibang marinig kundi mga halakhakan. Sigawan sa loob ng bar. Tuluyan nang napapikit ang kaniyang mga mata.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: