Quattro Club

Margaret (Chapter 4)

Kinabukasan, nagulat siya nang magising na nasa loob na siya ng master suit nila ni Franz Lee. Wala na rin ito sa tabi niya. Nakapasok na sa opisina.
Pupungas-pungas ang mga matang kinapa niya ang maliit na orasan sa ibabaw ng night table. Mag-a-alas onse na.
Napaigtad siya. Pagtayo niya at pagharap sa kuwadradong salamin sa tokador, nakitang iyon pa rin ang suot niya.
Nagtaka siya. Paano siya nakauwi? Sino naghatid sa kaniya? At kung inakala man ni Franz Lee na lasing lang siyang umuwi kagabi, bakit parang walang kapaki-pakialam ito? Ni hindi siya ginising, kahit kaninang bago ito umalis? Biruin mong di man lang ito nag-usisa kung ano ang ginawa niya maghapon kahapon? Sino kasama niya? Saan siya nanggaling?
Nang maalala niya ang nakasama kagabi, bigla siyang sinalakay ng matinding takot. Baka may kung anong ginawa sa kaniya si Mr. Daza? Di kaya-
Napasalampak siya sa kama, mahikbi-hikbi. Hayok sa mga babae ang matandang iyon! Ngunit, paano niya mapatutunayan kung may ginawa ngang kahayupan ang animal na iyon?
Daig niya ang natalo nang milyon-milyon sa casino nang umagang iyon. Hindi pa man, heto’t burog na siya agad sa inimbento niyang plano. Upang mapatino ang bata niyang asawa. At ‘pag nalaman pa nito iyon, tiyak na di rin siya patatawarin nito.
Sa dakong huli, mas nanaig ang matinding galit niya sa asawa. A, puro mapagsamantala talaga kayong mga lalaki! sabi niyang nandidiri wari sa sarili. Tumindig siya. Siniyasat kung may gurlis sa balat niya.
Kahit medyo groge pa, pahangos niyang hinubad ang suot na silhouette. Nagbalabal ng mahabang roba. Saka tinungo ang shower room na kasunod ng master suit.
Nagtagal siya sa paglunoy sa mabulang spa. Nilinis nang maige katawan na posibleng nakontamina ni Mr. Daza.
Nang makagayak ng office attire, in-off niya ang aircon. Bumaba para mag-almusal. Di siya nakapag-dinner kagabi. Kumakalam sikmura niya.
Tinanong niya si Nana Flora. “Nakita n’yo ba, Nana Flora, kung sinong naghatid sa ‘kin kagabi? At kung anong oras ako iniuwi?
“Si Mr. Daza po, ma’am,” waring nag-iingat sa pagsagot ang matanda na nakatayo sa tabi ng breakfast nook. “Pero ako po ang nagdala senyo sa itaas. Kasi, tulog na kayo kagabi. Mga alas siyete po ‘yun, ma’am. Nagpatulong lang ako kina Lotta at Dina sa pagpanhik sa kuwarto n’yo ni sir,” paliwanag nito.
Napawi ang labis niyang pag-aalala. Mag-a-alas sais y medya sila pumasok sa Fraction Bar. Kaya, imposibleng ginawan siya ng sexual advantage.
Pero, ipinagtataka niya, paano’t bakit siya nakaramdam ng biglang pananakit ng ulo? Pagkahilo, pagdaka’y biglang nakatulog?
Hindi niya tinapos ang agahan. Magpapatingin siya sa doktor. Baka nagkakasakit na siya sa sobrang kaiisip? O sa polutadong hanging nalalanghap sa daan?
“E, ma’am, baka may pupuntahan kayo, naririto na po si Damian,” untag ni Nana Flora pagtayo niya.
“Sige, sabihing ihanda na ang kotse. Pag-uwi ni Franz Lee, sabihing nasa opisina ako, doon manananghalian.”
Ngunit, di pa siya nakalalabas ng bahay, naulinigan niyang humimpil ang kotse ni Franz Lee sa labas ng bahay.
“O, saan ka pupunta, honey?” salubong nito sa kaniya paglabas ng pintuan. “Pasado alas onse na, papasok ka pa ba niyan?”
“Ako ang manager at operator ng Solomon Liner. Papasok ako kahit anong oras ko gusto,” maanghang niyang tugon. “Ikaw, ba’t maaga kang umuwi? May nalimutan ka ba? Nagmamadali siya sa pupuntahan.
Nang maramdamang di siya papipigil, ginagap ni Franz Lee ang mga palad niyang kumakatal. “Hinintay lang kitang magising, honey. Sinabi kasi sa akin nina Homer at Calvin na andu’n ka rin daw sa Fraction Bar kagabi. Kasama mo raw si boss. Is that true, honey?”
“Hmp!” Irap niya sa tila pag-iimbestiga nito. Agad niyang binawi ang mga kamay niya sa mga palad nito.
Parang naging maganit na ang mga iyon. Di katulad ng dating mala-talulot ng rosas kung damhin niya.
“Why? May problema ba, honey?”
Tinitigan lang niya sa mata ang asawa. Aba’y ang loko, ako pa inuurirat? Siya na nga itong may kinahuhumalingang ibang babae.
“I should have asked you that query,” bulalas niya. “Pero, pwede ba, mamaya na tayo mag-uusap? Tutal, andito ka na rin lang. Magpapa-check-up lang ako kay Dr. Gamus.”
Sumakay na sa naghihintay na kotse si Margaret. Naiwang nagtataka si Franz Lee, kakamot-kamot ng ulo.
Habang ipinagmamaneho, naiinis siya. Ang nasa hagap, ang asawa pa rin. Kahit naunsiyami ang estratehiya niyang pagpapahiya rito sa mismong harapan ni Mazo.
Aba, di yata ako magsu-suicide nang dahil lang sa isang lalaki!
Dahil sa bigat ng trapik, mag-a-alas dose na ng tanghali nang sapitin nila ang isang malaking mall sa parteng iyon ng Makati. Doon nagkiklinika isang espesyalista sa mga migraine na kakila niya. Si Dr. Grazia Gamus. Nasa second floor iyon, kahelera ng RTW stalls.
Sa loob ng klinika, labis niyang ikinabigla ang hatol nito:
“Hindi simpleng migraine ang sakit mo. Perhaps, isang malignant brain tumor. Kailangan kang sumailalim sa pinakamasusing eksamen,” ang kinakabahang pasubali ni Dr. Gamus.
Parang pinagsukluban ng langit at lupa si Margaret sa narinig. Paano niya haharapin ang sunud-sunod na itong dagok sa buhay niya? Di niya napigilang maluha. Baka nagkakamali si Dr. Gamus?
Pinayuhan siya nitong kumuha ng second opinion mulang ibang doktor.
Parang nakakadena ang mga paa ni Margaret nang lumabas sa klinika. Tinawagan niya sa cellphone ang naghihintay na tsuper. Sinabing mamaya na siya bababa. Mag-iikot muna siya sa loob ng mall.
Ngunit ang totoo, ganito siya noong dalaga pa siya. Mapaglibang sa pagwi-window-shopping. Siguro, therapy niya. Nasa ikalawang taon siya sa kolehiyo nang unang malasap ang kaginhawaan sa buhay. Nang bilhin, isang araw, ni Mang Lemuel ang mapalad na kombinasyon ng anim na numerong iyon. Na may jackpot na higit labinlimang milyong piso.
Gayunman, di siya takot mamatay. Nasanay na siya noon. Sa buhay na wala.
Nang mapagod sa ginagawang pag-iikot-ikot sa mall, nakaramdam din siya ng pagkagutom. Pumasok siya sa isang native restaurant. Doon, kumain ng plain rice, kamaron, at pusit inihaw.
Mag-a-alas dos ng hapon nang maisipan niyang lumabas ng mall. Hindi na siya papasok sa araw na iyon. Nagpahatid na lamang kay Damian pauwi sa Vista Valera.
Naratnan niyang nakaupo sa stool ng mini bar si Franz Lee. May kausap sa telephone.
Pagkakita sa kaniya, agad nagbaba ng telepono. “O, hon, andito ka na pala.”
Aywan niya, ngunit, muli siyang nakadama ng paninibugho. Ang talipandas! Ayaw magtugot sa kalalandi sa asawa ko! Nagtiim ang bagang niya sa pagkakatayo sa labas ng nakaawang na pinto.
Nakapagpigil pa siya. Patay-maling pumanhik sa silid nilang mag-asawa. Nais niyang ipahinga muna ang utak.
Isinara ni Nana Flora ang pinto.
“Hon, kumain ka na ba?” ani Franz Lee na nakasunod sa kaniya. “Pag-alis mo kanina, namili ako sa wet market ng mga sugpo at malalaking pusit. Di ba, ‘yun ang paborito mong tanghalian?”
Malakas makiramdam si Franz Lee. Waring alam na alam nito. May problema siya kung ganitong tuluy-tuloy lang siya sa pagpanhik sa itaas. Kung noon, bago nasok sa silid, sinusuri muna ang buong kabahayan, ipapahid ang isang daliri sa mga muwebles hanggang kasuluk-sulukan ng sala. Gano’n kametikuloso. Taka si Franz Lee.
Napahinto siya sa kalagitnaan ng hagdan. “Kumain akong mag-isa.”
“Puwede ba tayong mag-usap?” Susunod-sunod ito hanggang sa itaas.
“Tungkol kagabi?” patay-maling tanong niya. “Masama bang magliwaliw akong di ka kapiling?” Ayaw niyang pahalata. Hanggang makapasok siya sa silid.
“Hindi mo sinabi, ako na lang sana niyakag mong lumabas,” anito. Pwede ko naman ikansel lahat ng lakad naming magbabarkada just to be with you. Di mo masyado kilala si boss. I-I mean-“
Sa loob ng master suit, padabog siyang naupo sa gilid ng kama. “What for? E, mas importante pa mga kaibigan mong binata kaysa sa ‘kin. Dahil ba sa di kita mabigyan ng anak?” Binabato niya ito ng konsensiya.
Hindi ito natinag. Tinabihan siya nito. Pagkuwa’y sinimulan siyang halik-halikan sa pisngi niya. Sa leeg, paakyat sa mga labi. “Alam ko, malaon na rin kitang di malambing. Nagtatampo ka,” anas nito.
Niyakap siya nito. Hanggang parang kambal na mga katawang nagpagulung-gulong sila. Kailan ba huling nagdikit ang mga katawan nila? Ilang pitik ng segundo lang, nalimutan niya ang ga-mundong problema.
“Hon, ba’t maaga kang umuwi? S-Sino ‘yung kausap mo kanina sa phone?” ani Margaret na nakahilata.
“A, si Mazo. Bagong computer analyst.” Nakayakap si Franz Lee sa mahabang unang nakapagitan sa kanila. “Malimit humingi ng tulong sa ‘kin.”
Nag-umpisa nang mag-imbestiga si Margaret. “Nililigawan siya ng boss n’yo?
“Bakit alam mo? Oo nga pala, magkasama nga pala kayo kagabi. Nabanggit n’ya sa ‘yo iyon?”
Maingat na bumangon si Margaret. Naupo sa kama. “Parang di ko kilala matandang ‘yun. Ikaw kasi, ayaw mong mag-resign na lang sa trabaho mo. Nakita mo, napapaloob ka tuloy sa gulong di naman ikaw ang nakapaloob.”
Walang kaalam-alam si Franz Lee sa nasa isip niya. “Naaawa kasi ako kay Mazo. Mahirap ang pamilya. Nakatira sa lugar ng mga iskuwater sa Tondo. Pito ang mga kapatid na maliliit pa’t walang mga ama. Kaya ayaw pang magpaligaw maski kanino sa opisina. Wala raw magpapaaral sa mga kapatid niya.”
Waring nadadala si Margaret sa ipinagtapat ng asawa. Prompt. “Para ka rin palang Kapanalig. Pari. Baka gawin mo pang bahay-ampunan ‘tong bahay natin ‘pag wala na ako.” Parang ibig maunawaan ang rason nito.
Iba nasa isip ni Franz Lee. “Nabanggit mo’ng tungkol sa hospisyo, bakit di tayo mag-ampon?”
Napatda si Margaret. May ipinapanukala asawa niya. Gusto ulit magpanting ng taynga niya. Sumusuko ba ito sa kakayahan niya bilang Eba?
Napansin nitong bigla siyang pinagpawisan. “Hon, may sakit ka ba? Parang giniginaw ka.” Ginagap nito ang nanlalamig niyang mga kamay.
Iniling niya ang ulo. “W-Wala, w-wala, Franz. G-Galing na ‘ko kay Dr. Gamus. Nailipat ko lang kasi’ng aircon sa high. I-Isa pa, hang-over lang ‘to,” mariin niyang tanggi. At iwas. Hindi siya pakakahon sa nag-uusisang asawa.
Hindi na ito lumawig pa. Tikom-bibig agad ito. Nagsabi itong sasaglit kina Homer. Sa makalabas lang ng guardhouse ng Vista Valera.
Pag-alis nito, nahiga ulit siya. Nag-isip ng isang paraan para maiiwas ang sarili sa bigat ng problemang napasukan niya. Ganito yata ang magmahal. Nagiging mapagpatawad.
Pero, ang hinayag ng doktor?
Sino kina Franz Lee o Nana Flora unang pagtatapatan niya? Ano kaya kung tawagan niya si Mr. Daza? Sabihin, quit na siya sa plano. Tiyak din namang di tatantanan nito ang babaeng iyon. Ngunit, paano na siya? Nasa ruweda siya na may dalawang leon. Ito ngayon ang problema niyang malaki. Sa Biyernes, nakatakda ang pangalawang check-up sa kaniya.
Kinabukasan, tinawagan niya sa telepono ang doktor na iminungkahi ni Dr. Gamus.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: