Subscribe
Margaret (Chapter Five) • Quattro Club Journals
Quattro Club Journals

Margaret (Chapter Five)

Upang maihanda ang sarili sa nagsapin-saping hamon, maghapong natulog si Margaret. Katabi sa higaan ang cellphone, hindi lumabas sa silid-mag-asawa.
Magtatakip-silim nang katukin siya ni Nana Flora. Nagpapanhik siya ng pagkain kina Lotta at Dina. Nang makakain, natulog ulit nang maaga.
Di na siya ginising ni Franz Lee nang dumating dakong alas diyes.
Nang sumunod na umaga, di ulit siya bumangon para pumasok sa kaniyang opisina. Nagtaka si Franz Lee. Ang sabi niya, tinatamad siyang pumasok sa buong sanlinggong iyon.
Habang nakahiga, tinawagan niya ang sekretarya. “May lakad ako, sabihin mo sa mga drayber at konduktor, postpone ang meeting,” pagsisinungaling niya.
Gayunman, nagagawa pa rin niyang patakbuhin ang kompanya sa pamamagitan ng cellphone.
“Bye, hon, mwa!’ mariin pa rin ang halik ni Franz Lee sa mga labi niya nang pumaalam itong papasok sa trabaho. “Pahinga ka lang para makabawi ka resistensiya. Alam ko, masyado kang naging busy ng mga nagdaang araw.”
Paglisan ni Franz Lee, muli niyang nilibang ang sarili sa pakikinig ng mga soft music sa computer.
Nagmuni-muni siya.
Puspos ng kaligayahan ang mga unang buwan ng pagsasama nila ni Franz Lee. Pagkaraang makasal sila sa simbahan. Mahilig noon si Franz Lee sa mga mababagal na awitin. Mapa-love song o ang rhythm and blues. Pero, nitong mga huling araw, nahihilig ito sa maiingay na musika. Panay rin ang pakikipagtagayan sa happy-go-lucky na mga kaibigan. Na di katulad nito, mga binata pa.
Gano’n ba mag-mature ang isang artist tulad ni Franz Lee? At pati ang pagsusulat, nililinyahan nito? Noong isang buwan, nagpadala pa nga raw ito ng mga kuwento sa isang woman’s magazine. Aywan niya, kung may kinabukasang naghihintay sa bagong larangang pinasok nito. Pero, mahal na mahal pa rin niya ito.
Kunsabagay, madalas nitong ibida na dapat singlalim ng tahimik na ilog ang pag-iisip ng isang artist. At saka, ito raw ang dapat niyang languyin upang matawid ang nasa kabilang pampang. Kung ano ang nasa kabilang pampang na iyon ay hindi niya alam. Negosyo lang ang pasyon niya.
Nakalma si Margaret sa halos dalawang araw na pamamahinga at pagdili-dili. Kompleto amenities sa loob ng master suit nila. May TV set, dvd component, computer table, kung saan namamahinga ang isang laptop. Bukod sa view-oriented windows. Na maaliwalas na natatanaw ang madamong fairway sa esklusibong subdibisyon.
Panay ang calisthenics niya. Sit-up and leg stretch, hop and balance, trunk twist, at place running. Upang manatili ang alaga niyang magaang na timbang. Saka upang makondisyon ang utak niya. At makabawas na rin ng tensiyong, paminsan-minsan, umaatake sa kaniya.
Maagang umuwi si Franz Lee. Di pa rin siya nagpahalata rito. Duda pa rin siya rito.
Biyernes ng umaga. Sa loob ng klinika ni Dr. Zapanta. Sa isang pribadong ospital sa Quezon City na pag-aari nitong nirekomenda ni Dr. Gamus.
“Until now, no single cause of cancer has been known. So, nasa iyo kung ano gusto mo maging uri ng paggagamot sa iyo. Sakaling mag-ugnay findings ko at nung kay Dr. Gamus sa ibang doktor,” nakapipitlag na pahayag ng doktor na isang radiologist.
“H-Ha?” Kumirot ang dibdib ni Margaret. Ang malabong findings ng pangalawang manggagamot na tumingin sa kaniya.
Muli na naman siyang nanghilakbot. Di agad makapagbigay ng reaksiyon.
Iyong ikatlong pagsusuri ng ikatlong doktor ang pumako sa isip niya.
Ngunit, nakahanda siya. Positibo man o negative maging resulta. Para saan ba pagpupunyagi niya sa hinahawakang negosyo? Dadalawa lang sila ni Franz Lee. Ni wala siya halos kakilalang mga kamag-anak sa probinsiya. Maliban sa nakababatang kapatid ng nanay niya na si Nana Ursula na isang matandang dalaga. At si Nana Flora na katiwala niya.
Pag-uwi sa bahay, di agad siya pumanhik sa itaas. May kung ilang oras muna siyang naglagi sa minibar. Nag-inom ng alak mag-isa.
Nang malasing, nilapitan siya ni Nana Flora. Umupo ito sa stool katabi niya. Nakalungayngay ang ulo niya na hawak pa ang baso.
“Ma’am, marami na po kayong nainom. Mabuti pa, kumain muna kayo. Nagluto ako ng paella at pochero. Makahigop tuloy kayo ng mainit na sabaw,” nakauunawang anito.
Noon lang siya nakitang umiiyak ng matanda. Mula pa nang sunduin ito ng nanay niya sa probinsiya para magtrabaho sa kanila.
“Siyanga po, ma’am, kanina pa kayo umiinom. Ni walang laman ang tiyan n’yo,” di mapigilang sabi nina Lotta at Dina.
Mula sa kusina, lumapit din si Damian. Inakbayan nito sina Lotta at Dina. “Ni hindi kayo nagmerienda kaninang magpunta at umalis tayo sa ospital. Ano po ba ang problema n’yo, ma’am? May sakit po ba kayo?”
Nag-angat ng ulo si Margaret. Isa-isa niyang tinapunan ng mahahayap na tingin ang mga kasambahay niya. “Bakit, may maitutulong ba kayong lahat sa akin? Sa problema ko, ha, ha?”
Isa-isang nagsihayo ang mga kasambahay. Maliban kay Damian. Nananatiling nakatayo sa tabi niya.
Mataman niyang tinitigan ang mukha ni Damian. Sumasasal sa isipan niya ang kahapon nila ng tsuper at alalay niya sa lahat ng mga lakad niya. “A, ikaw pa rin si Damian. ‘Pag alam mong nalulugi ako sa inyo sa pamamalimos sa kalsada, nagmamatang-kabayo ka na lang sa napapahintong mga sasakyan.” Ito lang sa tingin niya ang maayos kausap.
“Nagpapasalamat nga ako, ma’am, e. Kahit naging mayaman ka, kinuha mo pa rin ako bilang katiwala. Kung ibang mga bata iyon, ‘pag laki at mayroong yumaman, tiyak na nagkalimutan na sa mga nakaraan nila. Kung hindi kayo, baka pinagmamataasan pa ako,” ani Damian.
May inaantig ang damdamin ni Damian. “Alam mo ba problema ko, ha, Damian? Hinihinala ng mga doktor na may kanser ako sa utak,” aniya. Kasabay sa pagtusok ng hintuturo sa sentido.
“P-Po?”
Mula sa kusina, para ring tinamaan ng malakas na kidlat ang tatlong maid.
Si Nana Flora unang naglakas-loob lumapit sa kaniya. “Bakit di po muna kayo magbakasyon sa atin sa Magalang? Buhay pa si Nana Ursula. Maganda, sariwa hangin doon, lalo na sa paanan ng bundok Arayat. Ma’am, may tulong na malaki sa kalusugan n’yo.”
Napaisip si Margaret. Binitawan ang baso. Matagal na niyang gustong makita si Nana Ursula.
Kahit groge pa, agad siyang nagpanhik sa itaas. Inalalayan siya ng dalawang maid. Nag-impake siya ng mga babauning mga damit. Tinulungan siya nina Lotta at Dina.
Ilang minuto pa’y nakagayak na siyang bumaba sa hagdan. Buhat-buhat ang dalawang traveling bag ng mga alalay niya.
“Hindi n’yo na po ba ipaaalam kay sir?” tanong ni Nana Flora.
“Susunod iyon, ‘pag nalamang wala ako rito. Kayo na muna bahala rito sa bahay, Nana Flora, ha.”
“Kailan po ba ang balik n’yo? Para may masabi ako kay sir, at sa mga paghahanap sa inyo na mga taga-Solomon.”
“Aywan, di ko ho alam, bahala na,” sabi niya. “Basta, sabihin nyo, nagbabakasyon lang ako. Damian, ihanda mo na’ng pick-up. Bibiyahe tayo ngayon din.’
Sa sasakyan na siya nakakuha ng pahinga. Makalabas ng matrapik, masikip nang mga kalsada sa Maynila. Nakatulog agad siya.
Pinaghalong espiritu ng alak at bantad na isipan, sino ang di agad babagsak ang mga mata? Hindi naiisip ni Margaret, baka ang sobrang lalim ng pag-iisip. Bunga lamang ng pagod sa pagpapayaman ang nagdudulot ng sakit o karamdaman sa utak. Ganito rin marahil ang naiisip ni Damian habang binabagtas nila ang haba ng North Luzon Expressway.

Please feel free to comment

error: Content is protected

Thank you for opening your door to Quattro Club Journals!

There was an error while trying to send your request. Please try again.

Quattro Club Journals will use the information you provide on this form to be in touch with you and to provide updates and marketing.

If you want to receive more informative blog articles, product updates, and free vouchers, allow us to keep in touch with you.

%d bloggers like this: