Quattro Club

Italya – Mga OFWs, Nagtipon-tipon Kontra Universal Health Care Law

Kamakailan lang ay nagpakita ng pagkakaisa ang mga manggagawang Pilipino sa Italya sa kauna-unahang pagkakataon sa pangunguna ng OFW Watch Italy upang ipabatid sa gobyerno ng Pilipinas ang kanilang matinding pagtutol laban sa implementasyon ng UHCL o Universal Health Care Law.

Nagpunta sa bawat bahay ang mga lider sa isla ng Sicily na may dalang mga plakard para magpakita ng pagsuporta sa adhikain ng mga samahan na tutulan ang nasabing batas. Samantala, nagkaroon ng mga talumpati at mga kilos protesta ang humigit kumulang 200 organisasyon mula sa 27 probinsiya sa buong Italya. Kasabay nito ay nakiisa rin ang mga nasa kanilang tahanan sa pamamagitan ng pagpapaskil ng plakard, video o pagpo-post ng pahayag sa kanilang mga social media account.

Layon nitong ipakita ang matinding pagtutol laban sa sapilitang pagpapataw ng karagdagang porsyento sa PhilHealth premium, gayundin ang sapilitang pagpapasapi sa mga OFWs, alinsunod sa depinisyon ng ‘direct contributor’ na nakasaad sa Circular 2020-0014.

Ayon sa nagkakaisang tinig ng mga OFWs, hindi sapat ang pagsususpinde lamang ng mandatory PhilHealth premium hike. Sa halip na suspension, dapat ay tuluyang alisin at ipawalang-bisa ang nasabing circular, na lubhang hindi makatarungan para sa mga manggagawang Pilipino sa iba’t-ibang bansa.

Nanawagan ang lahat na sana’y pakinggan ng Presidente ang hiling ng mga migrante tungkol sa pag-aamyenda ng UHC. Pabigat, diumano, ang  3% na premium contribution at mandatory membership sa mga Pilipinong manggagawa abroad lalo pa at ilang taon na ring hindi tumataas ang sahod sa Italya. Idagdag pa rito ang COVID-19 na sanhi ng pagdami ng bilang ng mga Pilipino na nawawalan ng trabaho at ang patuloy na pagsikad ng presyo ng mga bilihin.

Bagaman nagpahayag ang Pangulo sa pamamagitan ng Tagapagsalitang si Ginoong Roque noong Mayo ng suspensyon sa pagpapatupad ng naturang circular, naghihintay pa rin, magpahanggang ngayon, ang mga OFWs sa ipinangakong opisyal na direktiba mula sa palasyo.

Nanindigan ang iba’t-ibang samahan ng mga manggagawa sa Italya na hindi sila titigil sa pagpoprotesta hangga’t hindi binabago ng gobyerno ang paraan ng pagpapatupad ng naturang batas. Ang kanilang laban ay hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para sa lahat ng mga migranteng Pilipino sa iba’t-ibang panig ng mundo. Hiling nila ay magkaisa ang lahat para matutulan ang bagong patakaran ng PhilHealth na magpapahirap lamang sa kanilang mga pamilya.

Kung babalikan, maraming Pilipino ang natuwa nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang UHCL sapagkat nakasaad dito ang pantay na benepisyong pangkalusugan sa lahat ng mamamayan ng bansa, ngunit nang mga panahong iyon ay kulang ang impormasyon sa publiko hinggil dito. Hindi naging malinaw na ang pondo palang itutustos sa batas na ito ay kakatasin sa mga manggagawa. Sa mga nasa Pilipinas, magkahati ang employer at employee sa pagbuo ng buwanang kontribusyon ngunit ang mga manggagawang nasa labas ng bansa ay maoobligang magbayad ng 100% ng halagang nakasaad sa nilagdaang batas.

Dahil diyan ay lumikha ng mga negatibong reaksyon ang usaping ito. Narito ang ilan sa mga tanong ng mga OFW na hindi lamang isinalita kundi ipinaskil pa sa kani-kanilang social media account:

“Paano kaming mga dual citizen na malaking bahagi ng buhay ay ipinimamalagi namin sa labas ng bansa? Mapapakinabangan ba namin ‘yan?”

ayon kay Mary Anne ng Bulacan, Bulacan (OFW mula sa Middle East)

“Okay sa akin ang batas na ‘yan pero hanapan ng pondo, hndi kaming mga OFW ang gagawing gatasan.”

ayon kay Tony Boy ng Batangas City (OFW mula sa Korea)

“Wala naman kaming kamag-anak na malapit sa Pilipinas. Lahat kami, abroad na. Sino ang makikinabang ng contribution namin sa Philhealth?”

ayon kay Luis Cabrera ng Laguna (OFW mula sa Japan)

“Gawin na lang sanang voluntary. Tutal, hindi naman sila kumuha ng representative mula sa OFW sector nang inaaral ang batas na ‘yan kaya huwag naman sanang sapilitan. Amyendahan ang batas at huwag gawing obligatoryo ang premium contribution. Magsagawa ang Philhealth ng iba’t-ibang klase ng membership na akma sa bawat (willing) contributor nito.”

ayon kay Aileen Bacuyag ng Bulacan (OWF mula sa Italya)

Ilan lamang ang mga ito sa matatapang na pahayag ng mga OFW na tutol sa nasabing implementasyon ng batas.

Umabot na rin sa mahigit limampung libo ang bilang ng mga pumirma sa ginawang online survey ng OFW Watch Italy, na patuloy pa ring sinasagutan ng mga OFWs sa kasalukuyan hanggang sa mapakinggan ng kinauukulan ang kanilang hiling na ibasura ang UHCL at ang karagdagang 3% premium contribution kada buwan.

PANAWAGAN: Para sa mga OFW na sapilitang pagbabayarin ng naturang contribution kapalit ng OEC sa mga darating na araw, hinihiling po namin ang inyong pakikipag-ugnayan sa aming tanggapan. Kinakailangang marinig ng gobyerno ang ating hinaing. Babantayan po natin ang ating isinusulong na karapatan. 

Quattro Club

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: