Quattro Club

Margaret (Chapter 6)

Patakip-silim nang sapitin nila ang Magalang. Pinabalik din niya agad si Damian sa Maynila. Binilinang tatawag na lamang dito kung nais na niyang magpasundo. Napabalita sa buong baryo ang pagdating niya.
Kinabukasan, tumawag si Franz Lee. Hindi niya ito tinugon. “Bakit di mo sinabing magbabakasyon ka? Okey, hintayin mo ‘ko riyan. Tamang-tama, bini-break-in ni Homer ‘yung nabili n’yang bagong van,” sabi nito.
Libang na libang si Margaret sa pagkain ng matatamis na bunga ng mataas na puno ng kamatsile. Pakiramdam niya, walang higit pa sa katiwasayang nadarama ng katawan at diwa niya. Kahit pa nga iisang araw pa lamang ang inilalagi sa lugar na inusbungan niya. Mababait kasi ang mga taumbaryo.
Sagana sa mga prutas ang mga punongkahoy na nangatayo sa ligid ng maliit na kubo ni Nana Ursula. May bignay, kaymito, mansanitas, at iba-ibang klase ng mangga. Nasabik si Margaret sa pagkain ng mga iyon. Kanina, agahan niya sinangag na puno ng bawang. At saka binurong taba ng alimango.
Kailan ba siya huling nakaulam ng mga iyon, nakakamay? Noon pa yatang grade one siya. Bago nilisan ng pamilya nila ang dating kubo nila. Kinatitirikan ngayon ng matandang puno ng kamatsileng sinasandalan niya. Habang tinatanaw ang malunti at hugis-apang bundok na nakatanghod sa harap niya.
Magiliw pa ring mag-istima si Nana Ursula. Naaalala niya, ang matanda agad ang unang binalatuhan ng nanay niya noon. Nang lumuwas ito sa Maynila, at tumangging tumira sa kanila. Matapos mabalitaan sa mga kabaryo nila na tumama sa lotto magulang niya.
Nang makatanaw ng isang pamilya ng tagak na masiglang nanginginain ng mga insekto sa likod ng nakasugang mga hayop, may nagunita siya. Mahilig kumain ang mga tagak ng mga suso at maliliit na palaka sa may sapa na malapit sa kinaroroonan niya.
Tumayo siya. Pinagpag ng isang kamay ang alikabok sa likod ng maikling shorts niya. Hinubad ang sneakers, saka muling ipinatong sa ulo ang kaniyang visor.
Dinako niya ang sapa. Mula sa kusina ng kubo, namataan siya ni Nana Ursula na tumungo roon. Sinundan siya nito roon.
“Nana Ursula, may nangunguha pa ba rito ng mga suso?” tanong niya sa matanda habang nakalugami sa napakalinaw na tubig.
“Marami pa. Iyung mga nagtetreyning na mga pulis d’yan sa kampo. Ba’t di ka manguha? Malinis pa naman ang sapang iyan. Maigata ko tuloy. Wala ka ba balak magpatayo ng bahay-kinta n’yo ni Franz Lee rito, Margaret?” tanong ni Nana Ursula.
Natigil sa pangangalap ng mga aning suso si Margaret. Bakit nga ba ang hinde? Very conducive pa ang place sa bagong kinahihiligan niya.
“E, marami pa kasi akong inaasikaso. Pero, ‘wag ho kayong mag-alala, darating din ho araw na ‘yun.”
Inosente ang matanda sa ipinagseselos niya sa asawa niya. Di niya ito ipinagtatapat.
Nasa gayong tagpo sila nang biglang humimpil sa tabing-kalsada isang nangingintab na van. Kulay-rosas ang sasakyan.
“O, narito na yata’ng asawa mo,” anang matanda.
Taka si Margaret. Katatawag lamang ni Franz Lee. Naririto agad, kasama mga barkada?
Ngunit, labis niyang ikinapatda nang makitang umibis si Mr. Daza. Naka-tennis shorts, gomang sapatos ang demonyo!
“May dumapo yatang uwak,” nasambit niya kay Nana Ursula.
“Aba, di ko kilala ‘yan, a.” sambitla ni Nana Ursula. “Iyan ba’ng doktor mo?”
Natawa si Margaret. “Si Mr. Felix Daza, Nana Ursula. Isang kaibigan.”
“Gayon ba? O, sige, maiwan ko muna kayo’t nakulo na siguro sinaing ko.”
Halos gabi-gabi kung manalangin siya, pero, anong oras ng himala ba ito? Nauna pa itong matandang ito kaysa kay Franz Lee sa pagtungo rito?
“Good morning, Margaret!” bati agad nito.
May tinik man sa nararamdaman, pinakiharapan pa rin niya. “Bakit, ano ba pakay mo’t sinundan mo ‘ko hanggang dito? Paano mo nalamang andito ako?” Initsa niya ang mga huling suso sa ibabaw ng sapa.
“Si Franz Lee nagsabi sa ‘kin. Nagpaalam kasi siya kahapon, pupunta raw siya rito. Kaya inunahan ko na siya. Nagtanung-tanong lang ako sa mga tagarito. Nakalimutan mo na ba pinag-usapan natin?” Mahibo ang ngisi nito.
“Tungkol saan?” maang niya.
“Di na ako magliligoy pa. Di ba, ayaw na sa iyo ni Franz Lee?
“So what?”
“Di ko rin kursunada si Mazo. You see, Margaret, we could build an empire kung magkatuwang tayo.”
Hmp! Ismid niya rito. Ang kapal naman ng mukha nito! Alam ba nito problema ko?
“Di kapalaluan ang alok ko. Let’s just be practical. Wala naman siguro masama, kung, mapaibig ako sa ‘yo. Handa akong hiwalayan ang asawa ko. Mahalin mo lang ako. Lahat ng gusto mo, gagawin, ibibigay ko. Kahit ang langit at lupa. Buwan at -“
Biglang tumalikod si Margaret. Pshe! Kulang na lang maglaway ka pa riyan! Hindi niya pinahalata pagkabuwisit niya. Weird. Tinig iyon ng manggagatong sa apoy ng hidwa niya sa asawa.
Matawa-tawa siya sa iniluluhog ng matandang kilatis ng sosyedad ang bagsik sa mga babae. At handa pa raw iwanan si Donya Leona Carandang-Daza, ang pinagmulan ng kayamanan nito. Teka nga.
“Wala ka pa ring pagpipigil, Mr. Daza. Nag-usap na kami ng asawa ko tungkol kay Mazo.’ Hindi sa pesimistiko, ngunit, gusto niyang makagawa ng mabuti. Lalo kung di nagsisinungaling ang asawa niya.
“Mar-“
“Anyway, andito ka na rin lang, quit na ako sa agenda natin. Kung magiging mapilit ka, tatawag ako ng barangay. Inginuso niya ang training school na di kalayuan sa kubo ni Nana Ursula.
“K-Kalimutan ang lahat ng napag-usapan natin?
Nababadya ni Margaret, puwedeng gumamit ng blackmail ito. Nabahala siya.
“Just all that? Matapos mo ‘ko lapitan, hingan ng tulong?”
“But I didn’t cry like a young lady,” pagmamatigas niya.
Nagngalit ang mga ngipin ni Mr. Daza. Nagmalumanay sa pananalita. “Pa’no si Franz Lee? Si Mazo?”
“Dalaga si Mazo, wala kang sabit. Si Franz Lee, sa ‘kin pa rin umuuwi. Tungkol sa business, wala tayong dapat pag-usapan. Magkaiba tayo ng linya. I guess, wala na ‘kong dapat sabihin pa, Mr. Daza.”
Yuko ang ulong lumisan ito. Lulugu-lugo. Hindi na ito nagpaalam. Nalimutan na yata’ng pagiging maginoo ang isa sa puhunan nito sa pag-akit sa mga babae.
Itinuloy ni Margaret ang naudlot na pangangalap ng mga suso. Ngunit, parang nakikita pa rin niya sa malinaw na tubig ang mukha ni Mr. Daza. Nakangisi. Isa kayang pagbabadya?
Humarurot ang sasakyan nito. Napahalakhak siya. “Ha, ha, ha, ha! Ako pa nakursunadahan nung kuneho!”
Patakbong bumalik si Nana Ursula sa may sapa. “Tunay ba narinig ko?” Kanina pa pala ito nakatanghod sa pagitan ng mga kawayang dingding sa kusina ng kubo.
“Di totoong kaibigan si Mr. Daza,” pagtatapat niya. “Nakilala ko lang dahil kailangan kong makisabay sa uri ng estadong ginagalawan ko.”
“Naku, iha, mag-iingat ka sa mga taong gano’n. Para palang si Eddie Garcia sa pelikula ‘yon.”
“Ha, ha, ha, ha! Ba’t naman nasama si Manoy? ‘Wag kayong mag-alala, Nana Ursula, ‘pag nakapagpagamot na ako, una akong magpapatayo ng isa pang bahay rito. Hayun po, sa damuhan, andami ko nahuling mga suso, tingnan n’yo, o . Ginutom tuloy ako. Luto na po ba’ng sinaing?”
“Pwede nang kumain.” Inaya na siya nito.
Umahon na siya sa sapa. Isa-isang pinulot sa lupa ang mga buhay na suso. Ginawa niyang sisidlan ang manipis na puting sando na inililis. Saka kinawit ng dalawang daliri nakalapag na sneakers niya.
Napapailing sa tuwa ang kasunod niyang matanda. Naglakad din ito nang mabilis. Pagtitinda ng mga prutas sa palengke ang ikinabubuhay nito. Kitang-kita sa malakas pang katawan nito.
Parang walang kaproblema-problema, maraming nakain si Margaret. Samahan ba naman niya ang ginataang suso ng berdeng-berde, maanghang na burong mustasa.
Pagkakain, naligo siya sa poso-artisano sa labas ng kubo. Nagpatuyo lang ng buhok, at nag-siesta sa duyang nakasabit sa ilalim ng dalawang puno ng mangga.
Kinabukasan, maagang dumating si Franz Lee. Kasama sina Homer at Calvin. Lulan ng bagumbagong van ni Homer. Nakuha lang daw ng hulugan, sang-ayon sa kaibigan nito.
Sa gitna ng ma-fog na bukirin, nag-usap ang mag-asawa. Gumala naman ang dalawang binata. May nadaanan silang resort doon na may swimming pool.
“Napakaganda ng lugar na ito,” sabi ni Franz Lee.
Nakasandal sila sa malapad na puno ng kamatsile. Nasa balikat niya ang isang kamay nito.
“Balak ko, magpatayo rito ng bahay-bakasyunan ‘pag gumaling ako,” hayag ni Margaret sa kauna-unahang pagkakataon.
“Ha?” Ikinagulat iyon ni Franz Lee. Agad ibinaba ang kamay sa balikat niya. “May sakit ka?”
“Maaaring may tumor daw ako sa utak. Hinala ng dalawang doktor,” kaswal niyang sabi.
‘Kanser?” Napatindig si Franz Lee. “A-Anong stage na raw?” kambal na tanong nitong kinakabahan.
“Hindi ko alam. Need pa ng isang opinyon from a third doctor. Kaya, pinasunod kita rito, para sabihin sa ‘yo.”
Tumikhim si Franz Lee. “Hindi pa pala confirmed may sakit ka.”
Naupo ulit itong katabi niya. Di na umimik. Pareho silang napaisip. Ang mga huni ng mga ibon sa puno lamang ang maririnig. Ang mga talahib na isinasayaw ng hangin sa gawing likuran nila. Si Franz Lee, humugot ng nakatiklop na pahina ng bond paper mula bulsa ng puting polo nito.
“Para sa iyo,” sabi nito nang iabot sa kaniya ang papel. “Ginawa ko ‘yan kagabi.”
“Ano ito?’ Binuklat niya, binasa pagkakitang may nakasulat:
Bukas May Umaga Pa
Hindi nauupos ang sinag ng araw,
Hindi tayo mauubusan ng tanglaw.
Lumilikas lang
Upang gisingin ang napagal,
Sa pag-ibig, muling magpasimula.
Kung ibinigay mong lahat,
Tila may kulang pa,
Hindi naglalaho ang liwanag,
Lumipat lang
Sa nahimbing sa kalungkutan.
Hindi dapat lumimot, di sana lumisan.
Pakatandaang sa kaniya yumayabong,
Pinatatamis ang bunga’t
Sumasabik ang lupa sa bagong punla.
Hindi nauubos ang bagong umaga,
Bawat bukas, pasimula
Isang hamon at pag-asa.
Kahit paano, naibsan ang bigat na nasa utak niya.
“Gusto mo pa ng isa?”
Bahagya siyang nagtungo ng ulo. “Sige, pero, mamaya ko na sasabihin ang isa ko pang kasalanan sa ‘yo.” Tiniklop niyang pagkaliit ang kapirasong papel. Isinilid niya sa bulsa ng shorts. “Para sorpresa.”
Ipinagputing-taynga lamang iyon ni Franz Lee. Naglabas ulit ito ng papel, scratch paper at bolpen. “Pumikit ka muna,” anito.
Pumikit siya. Pagmulat niya, isa pa ulit na tula:
Imbitasyon
Pangakong lunti ang tumana
Sa ibayong sakit at dalita-
Ginto hinuhukay na uhay sa palay
Sinlaya natin masidhing araw,
Walang hirap, ni kakamtin;
May kislap ulan sa dahon,
Daloy di mapatid;
Kung umihip ang bagyo, mulang langit,
Walang hinayang sa pigtal na hatid,
Kahimanawari, pinapalis abo sa ulap.
Masdan, bogambilya sa daan,
Pumipinta ng ngiti sa iyong mga labi,
Kumpas ng Dakilang Kamay,
Nag-aanyaya mapulot sa lupa.
“‘Kakatuwa,” sabi niya. Gusto niyang humagikgik. Ibinulsa rin niya ang kapirasong papel. “Salamat dito.”
“Walang hanggan ‘yang pagmamahal ko sa ‘yo, Margaret.” Parang nagsisimula ulit manuyo si Franz Lee.
“Ganyan ka ba kahanda, sakaling mawala ako?”
“Hanggang kabilang buhay.” Pagkasabi niyon, buong-suyo itong humalik sa pisngi niya.
“Ano nga pala’ng sasabihin mo?”
“May kasalanan ako sa ‘yo. Itinapon ko ‘yung unang tula na iniregalo mo sa ‘kin nung Pasko. Di mo alam kasi, nagseselos ako kay Mazo.” Nakatungo ang ulong paumanhin niya rito.
Napapangiting hinapit siya ng isang kamay ni Franz Lee. Saka ikinulong sa mga bisig nito. “Wala ‘yun, natural lang ang ginawa mo. Kaysa magparamdam ka. Baka nauwi lang sa major depression. Mas mahirap gamutin ‘yun. Ang utak ng tao, di tulad ng pigurin. Na kapag nabasag, mapagdidikit pa uli.”
Mangha pa rin siya sa lalim ng asawa. Kahit sampung taon ang tanda niya rito. Wala siyang maiimik. Unti-unting naliliwanagan siya.
“Siyanga pala, hon, may sorpresa ‘ko sa ‘yo.”
“Ano ‘yun, hon?” Lalong naggiginhawa si Margaret sa sinabi ni Franz Lee.
“Teka saglit, kukunin ko lang.” Tumayo ito. Patakbong pumasok sa kubo. Pagbalik, bitbit nito isang babasahin. Isang bagong magazine.
Parang alam na niya ito. “Nalathala kuwento mo?”
“Yeah. Tungkol sa never-ending love story.” Iniabot nito ang babasahin. Maikling kuwento lang ‘yan.”
Ipinatong niya sa ibabaw ng mga hita at nagbasa. Naupo ulit si Franz Lee katabi niya.
Bumalisbis ang dalawang luha sa pisngi niya. Nakaka-relate siya sa nasa kuwento.
Simple lang ang plot ng impressionist na kuwento. Cancer patient ang anak-mayamang dalaga. Hanggang sa huling araw ng buhay, di nito ipinagtapat sa nobyong anak-mahirap. Walang naging hadlang sa pag-iibigan, ngunit, sa dakong huli, nag-suicide ang nobyo.
“O, tahan na, honey. Nagkataon lang ‘yan,” alo ni Franz Lee habang pinapalis ng kamay ang dalawang luha na bumaba sa pisngi niya.
Napangiti siya. “Hindi ‘yon. Paano kung gawin mo rin ang ginawa nung lalaki sa istorya?”
Natawa si Franz Lee. “Di mo palad ang mamatay, honey. Wala kang sakit, believe me.”
Nakahinga siya nang maluwag. Dahil ipinagkikibit-balikat lang din nito pagseselos niya. Ngunit, di pa sapat iyon. May isa pa siyang dapat na ipagtapat sa asawa.
Magtatanghalian nakauwi ang dalawang kaibigan ni Franz Lee.
“P’re, oks pala rito,” ani Homer pag-ibis sa sasakyang puting-puti. “Kilalang-kilala pala rito si Margaret.”
“Oo nga, ang gaganda pa ng mga babaeng nayon!” susog ni Calvin.
Natawa sa mga ito si Franz Lee. “Sa Maynila di kayo makapag-asawa, dito pa?”
Ginawa ni Nana Ursula ang mga pinamiling hito, bulig, at karag sa palengke. Gamit ang palakol, si Franz Lee nagsibak ng mga talaksan para sa iihawing mga isda.
Unang inadobo ni Nana Ursula ang malalaking palakang-bukid. Tumulong dito si Margaret, naghiwa bawang at sibuyas. Natakam ang dalawang binata, habang iniluluto iyon ng matanda. First time daw ang mga itong kakain ng palakang-bukid.
Pagkatapos mananghalian, tumagay ang mga magkakaibigan. Pumuwesto sa ilalim ng isa pang puno ng mangga. Pinulutan ng mga ito yaong mga natirang inihaw at adobong karag.
Si Margaret nama’y nahiga sa papag, katabi ng maaliwalas na durungawan ng kubo. Para mag-siesta. Nag-abot siya ng pamalengke kay Nana Ursula. Sa labas, naririnig niya malalakas na kuwentuhan ng magkakaibigan.
“Napakapihikan n’yo sa babae!”
“Ninanamnam ko lang pagkabinata ko!”
“Ako, nag-iipon pa!”
“Ha, ha, ha, ha!”

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: