Subscribe
Margaret (Chapter 7) • Quattro Club Journals
Quattro Club Journals

Margaret (Chapter 7)

Magtatakip-silim nang muling magkasarilinan ang mag-asawa sa loob ng kubo. Nasa kusina si Nana Ursula. Nagpapausok na ng mga gatong sa isasaing na kanin. Sina Homer at Calvin, mahimbing na mahimbing ang mga ito. Nagtig-isang duyan na isinabit sa mga puno. Ang dalawa ang tumumba sa baon nilang alak, habang ginagawan ni Franz Lee ng tula ang puno ng dapdap sa tabing-daan.
“Ano ba problema kay Mr. Daza?” tanong ni Franz Lee sa pagitan ng paghigop sa tasa ng mainit na kape. “Parang may ikinatatakot ka?”
“Plinano ko kasing pagselosin ka sa tulong ni Mr. Daza. At si Mazo, magiging premyo n’ya. Naipangako kong tutulungan ko siya, kung aagawin niya sa ‘yo si Mazo. S-Sorry, ha.” Sa wakas, nailabas ni Margaret ang pinakatatagong lihim sa asawa. Nakahingi na siya ng tawad.
Ikinagitla ni Franz Lee ang ipinagtapat niya. Pati ang ginawang pagsunod doon ng boss niya. “Bakit ngayon mo lang sinabi?” anitong nababahala.”Kaya ba, melancholic ka?”
Napatungo si Margaret. Taimtim na nakinig sa asawa.
“Wala akong tiwala sa boss ko na ‘yun. Masama kung makatingin lagi kay Mazo. Delikado si Mazo sa kaniya. Anniversary bukas ng agency ni boss, may ballroom party raw kami sa office,” sabi nitong halata ang pag-aalala sa mukha.
“‘Wag naman sana mangyari ang iniisip nating iyon kay Mazo. Kundi, ako ang sisisihin ng lahat,” ani Margaret. “N-Nagawa ko lang iyon, dahil, d-dahil, mahal na mahal kita.”
Niyakap siya nito nang mahigpit. “No, honey. Kaya natin ‘to. First, seek another opinion from a more competent doctor. Baka mali lang sina Dr. Gamus. Si Dr. David sa Makati, kilala iyon.”
Tumayo agad si Franz Lee. Lumabas sa kubo. Ginising ang dalawang tulog na kaibigan sa ilalim ng puno.
Higit namang naliwanagan si Margaret. Kaya pala labis niyang ipinagtataka ang di na pagpunta-punta ng asawa niya sa dance studio ni Mr. Daza. Dati, napakahilig nito sa ballroom dancing. Dahilan pa nga kaya sila nagkakilala. Wala rin pala itong tiwala kay Mr. Daza.
Nagpaalam bigla si Franz Lee sa kaniya. Bibiyahe kaagad pa-Maynila. Hindi niya pinigilan ito.
“Mag-iingat ka,” paalala niya. Kasabay niyon, naglaho lahat ng mga pagdududa niya sa asawa. Pumanaw pati lahat ng galit niya rito, lalo na kay Mazo.
Sa pag-iisip, ninais na niyang magpa-check-up sa isang mas magaling na doktor. Tinawagan niya si Damian. Nagpapasundo. Para sa lakad niya bago sumikat ang araw.
Walang magawa pagpigil ni Nana Ursula. Nais pa nitong makasama siya kahit mga ilang araw pa.
Hindi pa yumayakap ang liwanag kinaumagahan, naroroon na si Damian. Maluha-luha ang matanda nang lisanin nila ni Damian ang kubo nito. Sa daan na tumulo ang luha niya.
Vista Valera. Nagtaka si Margaret dahil hindi pa rin nakauuwi si Franz Lee. Salat din sa impormasyon ang mga kasama sa bahay, kung saan naroroon ang asawa niya.Tinawagan niya sa cellphone. Ngunit, walang signal. Text message. Wala ring reply. Gano’n din sa mga kaibigan nito.
Kinakabahan, pati sarili, inaakusahan. Dalawang araw na. Paano kung may masamang nangyari? Nung gabing bumiyahe ang mga ito. Pabiling-biling siya sa higaan. Mag-uumaga na bago siya nakatulog.
Pagbangon niya, hindi siya bumaba ng kama. Naupo siyang magkasalikop ang mga paa. Nag-meditate siya. Mga dalawampung minuto. Natutuhan niya ang pag-release ng anxiety sa mga libro. Pagkatapos, nakadama siya ng gaang ng pag-iisip.
Binuksan niya ang closet. Kumuha ng maisusuot. Nag-shower. Nagbihis. Bago bumaba para mag-almusal.
Sa mahabang dining table, tinanggihan niya ang nakahatag doong pagkain. Binuksan niya ang ref. Naglabas ng mansanas, kahel, at saging. Bago naupo sa dining table, nagpagawa siya ng kalamansi juice. Ito ang kaniyang inalmusal.
Bago lumabas ng bahay, binilinan niya si Nana Flora. “‘Pag dumating si Franz Lee, sabihin n’yo pong nasa ospital ako sa Makati.”
Magtatanong pa sana ang matanda.
“Alam na n’ya ‘yun. Tara na, Damian.” Kanina pa itong nakatayo sa labas ng pinto.
Kung minsan, ang labis na pag-iisip, nagdudulot din ng masamang resulta.
Pag-uwi sa bahay, tuwang-tuwang ibinalita ni Margaret sa tatlong kasambahay ang negatibong resulta ng check-up. Wala siyang kanser, o tumor sa utak! Lumabas sa kompyuterisadong CAT scanning ni Dr. Adam David.
Tinawagan niya si Dr. Gamus. Abot-abot ang “sorry” ng kaibigan niyang doktora. Ngunit, di mahalaga iyon. Ang importante, wala siyang kanser. Katulad ng naunang doktor, gayon din nagpaabot ng katakut-takot na paumanhin si Dr. Zapanta.
Bilang paumanhin naman sa tatlong kasambahay, isa-isa niyang niyakap ang mga ito.
Baon ang panibagong lakas at sigla, binati niyang isa-isa ang nagbibigay-galang na mga empleyado. Hindi lingid sa kaalaman niya na parang bolang apoy na kumalat ang balitang may kanser siya.
“Hello, Liezl!”
“Good morning, ma’am!”
“Pakitawagan mo nga ang dalawang supervisor. After lunch ang GM natin.”
Tanghalian, kasabay niyang kumain ang sekretarya.
Alas dos, natuloy rin ang GM.
Kinagabihan, itinuloy niya ang pagtatanong-tanong sa mga kakilala nila kung may nakaaalam kung saan naroroon ang asawa niya. Sa kalagitnaan ng gabi, may isa pa siyang ipinagtataka. Hindi pa siya nagkakaroon ng buwanang dalaw. Kabisado niya ang sarili. Hindi siya maaaring sumablay.
Dapat sana’y schedule niya mga araw na ito.
Sinangguni niya kalendaryo sa laptop. Mga nagdaang araw sapul nang huli silang magtalik na mag-asawa. Diyata’t-
Pagbalik sa kama, masamang pasubali lumukob sa isip niya. Baka tinampalasan siya ni Mr. Daza nung gabi na magkasama sila sa bar? Kung ito man ay isang uri ng himala, ito ang ayaw niyang maganap kung walang kinalaman ang asawa. Parang nasusuklam siya sa sarili.
Ngunit, paano niya sasabihin kay Franz Lee ang hinalang iyon. Ni hindi pa nga ito umuuwi? Paano kung di siya paniwalaan nito?
At ano kaya ang nangyari mula nang magpaalam ito na dadalo sa anniversary party sa opisina? Saan ito natutulog ngayon? Kawil-kawil na mga katanungang batbat ng pag-aagam-agam. Ngayon lang di nauwi si Franz Lee ng kung ilang araw na.
Nasagot lamang ito nang may tumawag na pulis sa telepono kinaumagahan:
“Ano? Nakakulong ang asawa ko?”
Parang bombang sumabog sa dibdib niya ang impormasyon galing sa pulis: napatay raw ni Franz Lee si Mr. Daza sa loob ng Fraction Bar. Nung araw na nagbalik ang asawa sa Maynila.
“Bakit ngayon n’yo lang ipinaalam sa akin?” Nangangatal ang katawang tanong niya sa pulis na nasa kabilang linya.
“Kahapon lang po namin siya naaresto.”
“S-Sige po, p-papunta na ‘ko riyan. ‘Wag n’yo po sasaktan asawa ko, ha. Mabait po siya,” pakiusap niya.
Sa pinakamalapit na presinto ng pulisya, katabi ng Bay Peak Hotel.
“Bakit di mo agad ipinaalam sa ‘kin? Sa abogado natin?” Umiiyak na bungad ni Margaret.
Di naimik si Franz Lee. Nakatungo, nakatirintas ang mahabang buhok nito. Dalawang kamay ang nakahawak sa rehas na kinakalawang. Hindi naman ito kakikitaan ng takot sa mukha.
Nang pumanatag si Margaret, ikinuwento nito ang nangyari:
“Masama talaga ang balak ng boss namin kay Mazo. Nagkunwa lang pala itong magdaraos ng party sa opisina. Hindi namin alam, isa-isa palang tinawagan lahat ng mga kasama namin sa trabaho. Hindi namin alam nina Homer, Calvin, at Mazo. Mabuti na lang, may tumawag kay Homer, kinumpirmang totoo ngang ipinagpaliban ni boss ang party. Nagdahilan daw si boss. Biglaan daw napabiyahe sa probinsiya. Para ayusin ang problema sa lupa nila.
“Nagpunta si Mazo sa office, dakong alas sais, walang naratnan isa mang officemate namin. Si Mr. Daza lang ang naroon. Para di mapahiya, sumama kay boss. Pupunta sa Fraction Bar. Doon daw gaganapin party namin. Naghihintay na raw doon ang ilan sa mga kasama sa trabaho.
“Pagdating sa bar, negative. Wala isa man sa officemates namin ang naroon. Umimom muna kasi kami nang kaunti nina Homer at Calvin, kaya nahuli kami ng dating sa bar. Hindi namin inabutan nang haluan ni boss ng pampatulog ang juice ni Mazo.
“Sa loob ng private room, naaktuhan kong walang malay si Mazo. Nakaratay sa kama ang kaawa-awang si Mazo. Samantalang nagtatanggal ng pang-itaas si boss. Iyun lang, di ako nakapagpigil sa nakita ko. Nagpambuno kami ni boss. Nadampot ko piguring elepante sa ibabaw ng tokador. Ipinulpok ko sa ulo n’ya. Natusok siya ng nabasag na garing ng pigurin. Wala na kaming apat nang rumesponde mga pulis.
“Tatlong araw kaming kumubkob kina Mazo. Sumuko lang ako dahil natatakot na si Mazo na madawit sa kaso. Hindi ko alam kung nasaan sina Homer at Calvin ngayon. Wala raw piyansa kaso ko. Sabi ng pulis.”
Halos mawasak ang puso ni Margaret sa tindi ng sama ng loob. Awang-awa sa asawang nakakarsel.
“May awa ang Diyos, Margaret.” Walang panunumbat sa tono nito. Iyon pa ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob.
“Hindi ako niregla,” nauntol niyang sabi.
“Ha!” Saka lamang niya nasilayan ang galit sa mukha nito.
“Pero, ‘wag kang mag-alala. Wala akong kanser, sabi ni Dr. David. Ginawa ko ang sinabi mo.”
“Hayop talaga si Mr. Daza!” Nagtatagis ang mga bagang ni Franz Lee. Parang nawalan ng saysay ang mabuting balita niya.
“Natatakot ako.”
“Alam ko.”
Hinagod niya ng dalawang palad ang mga kamay na iyon na napakapit nang mahigpit sa rehas. “Handa akong ipalaglag ang nasa sinapupunan ko kung gusto mo.”
“Huwag, Margaret. Huwag mong dagdagan ng isa pang problema ang problema natin kay Mr. Daza. Wala pa tayong ebidensiya riyan.”
Tinablan si Margaret. “‘Wag kang mag-alala, hon, gagawin ko lahat makalabas ka lang diyan,” pangako niya.

Please feel free to comment

error: Content is protected

Thank you for opening your door to Quattro Club Journals!

There was an error while trying to send your request. Please try again.

Quattro Club Journals will use the information you provide on this form to be in touch with you and to provide updates and marketing.

If you want to receive more informative blog articles, product updates, and free vouchers, allow us to keep in touch with you.

%d bloggers like this: