Quattro Club

Margaret (Chapter 8)

Ang unang ginawa ni Margaret, tinungo ang opisina ng batambatang abogado nila. Si Atty. Jose Bello, legal counsel ng Solomon Liner. Sa Paranaque nakatira. Nang puntahan sa law office sa Intramuros, tiyempong naroon ito.
Sinabi nitong dapat muna silang mag-file ng motion for bail sa korte. Para makalaya pansamantala sa pagkakapiit si Franz Lee. Aabutin daw ilang araw, bago maglabas ng resolution ang huwes na hahawak sa kaso. Pinayuhan siya ni Atty. Bello, umuwi muna. Magpahinga. Mag-relax. Ito na raw ang bahala sa kaso ni Franz Lee.
Sa daan, di pa rin mapalagay si Margaret. Gusto’y makita agad na malaya ang asawa. Naroong sumbatan niya sarili. Si Damian, seryoso sa pagmamaneho at pakikinig sa kaniya.
Pagdating sa bahay, kinontak niya agad si Franz Lee. Nakiusap lang siya sa pulis.
“Just be patient for just a few days, hon. Everything’s gonna be o.k.”
“Salamat, hon,” sabi ni Franz Lee sa kabilang linya. “O, tahan na. Just keep your cool and mind the business. I know, everything’s gonna be o.k. as you’ve said. Malaki tiwala ko kay attorney.”
“Di ko kasi mapigilan sarili kong umiyak,” humihikbing sabi niya. “Para rin kasi akong nakabilanggo. Ilang araw kang nawala, dito lang pala kita makikita.”
“O, tahan na,” ulit nito. “Baka makasama sa ‘yo. Alalahanin mong may buhay sa sinapupunan mo. Pa’no kung tunay na anak na natin ‘yan? Di natin mapapatawad mga sarili natin. O, pa’no, sinesenyasan na ‘ko ng jailer.”
“Mag-iingat ka r’yan, ha,” pahabol ni Margaret. Narinig niya sa telepono malakas na goodbye-kiss nito.
Ilang araw ang lumipas. Hindi pa rin lumalaya si Franz Lee. Sapagkat, di hamak na mas mayaman ang angkan ng biyuda ni Mr. Daza, nahirapan ang abogadong mailabas si Franz Lee sa kulungan. Bagaman, nangako itong gagawin lahat ang makakaya. Upang ipagtanggol, bigyan ng hustisya nagdurusang si Franz Lee. Sa kabila ng maraming puro de-kampanilyang mga abogado ng kalaban. Sa yaman, sadyang maimpluwensiya ang asawa ni Mr. Daza.
Nainip si Margaret. Kahit araw-araw niya itong binibisita at hinahatiran ng paborito nitong mga pagkain. Kulang na lamang, doon na rin siya matulog. Nag-aabot siya ng pera sa lahat ng nakakulong doon. Sa gayon, di na kailangan pang utus-utusan si Franz Lee ng ibang nabuburyong na detenido.
May ilang gabing hindi patulugin si Margaret. Ang kapanglawan ng pag-iisa, idinadaan niya sa pag-inom ng alak sa minibar. Ang sobrang naiisip, pa’no kung kay Mr. Daza ang nabuong iyon sa sinapupunan niya? Ang mga magiging usap-usapan? At kapangyarihan ni Donya Leona Vda. Carandang-Daza?
Pag-uwi galing sa presinto, naglasing na naman siya. Sinabi niya kanina kay Franz Lee na naglilihi na siya. Habang nakaupo sa stool, nakatitig siya sa laman ng hawak na baso. May nakikita siya. Hindi! Ang maitim na mukha ni Mr. Daza. Hanggang sa impiyerno, hahala-halakhak ang hayok na demonyo!
Matibay rin ang kutob ni Franz Lee: Sa loob ng kotse nito, doon, doon, doon siya nagdududa! Nang gabing ihatid siya nito pauwi habang wala siyang malay. Maaga kasi siyang nakauwi noon. At walang nakaaalam o nakakita na pumasok ang Porsche nito sa isa man sa mga drive-in na nadaanan nila.
Litong-lito, nagtatagis ang mga bagang, ibinalibag niya ang baso sa sahig. Matinding depresyon, wala na siyang kontrol sa sarili.
“Ma’am, l-lasing na po kayo. Tutulungan ko na po kayo makapanhik sa itaas para makapagpahinga,” nahahabag na sabi ni Nana Flora.
“Kaya ko pa,” pigil niya sa matanda nang pilitin nitong akayin siya at hawakan sa balikat. Napalugmok ang ulo niya sa ibabaw ng nanlilimahid na counter. “Pakilinis na lang ho. Ayaw ko makita ang basong ‘yun, parang may demonyo!” sabi niyang nakaturo sa sahig ang hintuturo. Balisang-balisa at nanghihilakbot.
Tumalima si Nana Flora. Winalis ang nagkalat na mga bubog. Nag-mop sina Lotta at Dina.
Nakatulog din si Margaret.
Kinabukasan, hindi na naman siya nakapasok sa opisina.
Wala nang umaasikaso sa negosyo. Mula nang makulong si Franz Lee, di na siya pumapasok sa opisina. Hindi na rin nagbibigay ng instructions kay Liezl. Pati sa dalawang supervisor. Sariling katawan niya, napapabayaan. Tila bibigay siya sa problema.
Isang umaga, pinilit niyang magtrabaho. Kahit mabigat ang katawan, dulot ng hang-over. Pero, pagtawag ni Liezl, nagbago isip niya. Mas gusto pang bisitahin ang asawa.
E, kasi ba naman, apat na unit na ng mga minibus ang di tumatakbo sa dalawang terminal.
Pagkaalmusal, muli siyang pumanhik sa itaas. Pinalitan ang office attire ng puting long sleeve na polo, at maluwang na maong.
Ayaw niyang ipahalata sa asawa ang pagbabago sa katawan niya. Kapansin-pansing malaki hinulog ng katawan niya. Ang dating morena, makinis na balat, parang unti-unting natutuyot.
Nagpahatid siya kay Damian papunta sa presinto.
Hindi niya matagalan ang hitsura ni Franz Lee. Taliwas sa inaasahan, siya pa ang nahabag dito.
“May nalimutan ako. Pero, babalik din ako agad,” sabi niyang di mahugot ang tinghad sa katawan ng hubad-pang-itaas na asawa. Nasa tabing-rehas, nagpapapresko nang datnan niya.
“Hindi pa ubos ang mga de-latang niresponde mo nung sanlinggo. Ba’t nagmamadali ka? May problema ba sa kompanya?”
“No, hon. Sasaglit lang ako sa drugstore. Bibilhan kita ng mga bitamina.”
Pagtalikod, pinigilan siya nito. “Okey lang ako rito. Ganito talaga rito.”
“Please, kailangan mo ‘yon.”
“Sarili mo intindihin mo. Mas payat ka ngayon. Panay yata inom mo?”
“N-Nagre-reduce ako,” pagsisinungaling niya.
“I know, tumawag sa ‘kin kagabi si Nana Flora. Sinabi niya ang lahat.”
Pinalis niya ang kamay nito sa kaliwang braso. May dalawang luhang bumalong sa mga mata. Magkakaila pa siya. Wala nang lumabas sa lalamunan niya.
Dalawang daliri ni Franz Lee ang humawak sa ilalim ng baba niya. Di niya ito matingnan.
“Kahit di ka magsalita. Kahit andito ako, alam ko mga nangyayari sa labas. Nauunawaan ko.”
Gumulong ang mga luha. Sinalo iyon ng dalawang daliri ni Franz Lee.
“Awang-awa na kasi ako sa ‘yo. Kung malungkot ang pag-iisa, alam ko, mas mahirap ang naririyan. Kung may magagawa pa sana ako.”
Sa kauna-unahang tagpo, tumulo luha nito. “Wala na tayong magagawa, maghihintay na lang tayo ng hustisya.”
Inilapat nila mga ulo sa masansang na mga rehas. Lumikha ng paraan para mayakap ang isa’t isa.
Sa loob ng tatlong araw, si Nana Flora ang nag-aabot ng mga pangangailangan ni Franz Lee.
Sinabi nitong binisita raw ito ng dalawang kapatid na babae. Nag-iyakan daw ang mga ito. Pati na siya, maluha-luha ring kuwento nito.
Gabi. Parang nagiging tubig ng buhay niya na ang iniinom. Said na mapapait niyang luha. Nilapitan na lahat nang dapat lapitan. Tiklop-tuhod na siyang nagmakaawa kay Donya Leona, matigas ang puso ng matandang biyuda. Bahala na raw ang korte ang siyang humatol.
Si Mazo. A, malaki maitutulong n’ya. Siya ang natitirang pag-asa!
Mag-a-alas otso. Nakiusap siya sa mabait na jailer. Makausap ang asawa kahit lamang tatlong minuto. Kinuha niya eksaktong address ni Mazo. Isinulat sa likod ng kanina pa hawak na palara na may tula ni Franz Lee.
Maaga-aga siyang nakatulog nang gabing iyon. Nakapagpapaalo talaga ang manatili sa pagkapositibo.
Kinaumagahan, magkasama sila ni Damian. Gamit ang itim na pick-up, hinanap nila ang kinaroroonan ni Mazo.
Nakasusulasok ang amoy-esterong daan bago nila narating ang pakay. Maliit, mababang barung-barong nina Mazo. Pinatungan lang ng mga lumang gulong ang kinakalawang na bubongan. Butas-butas na mga yero, gutay-gutay na mga playwud na dingding. Halos lahat ng mga bahay roon, gayon ang yari at hitsura.
“Ako’ng nanay n’ya, bakit mo s’ya hinahanap?” tanong ng may kaputiang babaeng nasa kalagitnaan ang edad. Nagwawalis ito nang makita nila sa labas ng barung-barong. May kolorete ang mukha.
Bumanggit siya ng ilang pangalan at impormasyon. Hindi nagulat ang ina ni Mazo. Agad lang na nagpaunlak na makausap ang anak.
Pinapasok silang dalawa ni Damian. Bago nagpasintabing pupunta lang sa labasan para tawagin ang ibang mga anak.
Naka-duster na puti si Mazo. Nabungaran nila itong naghuhugas ng mga pinggan sa gumigiray na batalan. Napansing magkasingtaas lang pala sila nito.
“Katatapos lang kasi kumain ng mga kapatid ko,” nakangiting harap nito. “Maupo kayo.”
Naupo sila ni Damian sa mahabang bangko, katabi ng minsa’y nakatungo, nakatingarong pinto.
Kahit nakapambahay lang, nakaw-pansin ang napakakinis nitong kutis. Mahinhin kung kumilos. Di malayong pag-agawan nga ng mga mayayamang lalaki.
Hindi na niya kailangan pang itanong. Pihado, anak ito ng nanay niya sa isang puting dayuhan.
Nang makapagpunas ng kamay, naupo si Mazo sa kahoy na sopa.
“Si Franz Lee nagbigay sa ‘kin nitong address mo,” palinga-linga siyang nagsasalita. May kutob siyang maaaring naroroon ang mga kaibigan ng asawa.
“Ikaw pala si Margaret,” panimula nito.
“Pa’no mo ako nakilala?”
“Naririnig ko kayo na nag-uusap kanina ni nanay. Pulis s’ya?” anito nang palingan ng tingin si Damian.
Ngumiti si Margaret. Napagkamalang pulis si Damian. “Tsuper ko. Sina Homer at Calvin, andito pa?”
“Isang araw lang silang naglagi rito. Di ko na alam kung nasaan na sila ngayon.”
Sumeryoso ang mukha ni Margaret. “Hindi pa makalabas sa kulungan si Franz Lee. Mahirap kausap ang biyuda ni Mr. Daza.”
“Di ba milyonaryo rin kayo?”
“Mas mayaman sila. Iba’ng lengua franca nila. Tulad mo, mahirap din ako noon.”
Naubusan yata ng itatanong o sasabihin si Mazo. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.
“Hinihingi ko tulong mo, para makalaya’ng asawa ko,” nagmamakaawa ang tono niya. Kayang tumunaw ng bato.
“Sabihin mo, ano’ng tulong ang pwede kong gawin?” maagap nitong tugon. “Kahit wala pa ‘kong nakikitang bagong trabaho, nakahanda akong tumestigo maski saan.”
“Ngayon na. Para maaprobahan ng judge ang naunang motion for bail. Nakapag-file na abogado namin ng motion for reconsideration sa denied na motion for bail namin. Ngayon ka na magpakita sa korte para tumestigo. Alang-alang kay Franz Lee.”
“Magbibihis lang ako.”
Nagtuloy sila sa justice hall ng Maynila. Papunta na rin daw doon ang abogado, matapos tawagan ni Margaret.
Pipilitin ni Margaret makapagpiyansa para kay Franz Lee. Mahihirapan na sila sakaling mai-commit na ito sa Manila City Jail. Mas malaking bilang ng mga detenido, mas mabagal ang magiging pagdinig sa kaso.
Mas napakampante ang loob ni Margaret nang makitang nasa loob ng opisina ng piskal ang dalawa, sina Homer at Calvin. Kasama mga abogado ng mga ito.
“Sorry, Margaret, di kami agad nakasuko,” ani Homer.
“Kailangan din namin kasi ng proteksyon,” salo ni Calvin.
“Alam ko, naghahanap din kayo ng pampiyansa. Nauunawaan ko.”
Pumasok na rin sa opisina ang abogado niya. Kinausap nang masinsinan si Mazo. Iyon ang unang paghaharap ng tagapagtanggol at pangunahing testigo. Inihayag ni Mazo ang pawang katotohanan.
Nalaman ng lahat sa tanggapang iyon na isa palang dating iskolar sa kolehiyo si Mazo.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: