Quattro Club

Margaret (Chapter 9)

Lumipas ang ilang araw. Nanaig pa rin ang kinang ng salapi ng mas mayamang kampo ng dating boss ni Franz Lee. Di nabago unang decision ng korte. Inilapat si Franz Lee sa Manila City Jail. Nakapagpiyansa naman sina Homer at Calvin.
Ikinalungkot ito ni Margaret.
Ginawa ang arraignment kay Franz Lee matapos ang tatlong araw. Nag-plead ito ng “not guilty” sa turo ni Atty. Bello. Mataas ang kumpiyansa ni Margaret sa talino at kakayahan ng abogado. Ngunit, panalangin niya, kahit di mapalaya si Franz Lee, basta magaan lang sana ang maging hatol dito.
Isang linggo ulit bago niya nabisita ito sa MCJ. Kaninang humarap siya sa salamin, napansin niya lumalaki ang tiyan niya. Napaiyak siya. Gusto niya, ipa-ultrasound, magpa-DNA test. Aniya, para makatiyak sila ni Franz Lee, na kanila ang ipinagbubuntis niya. Ayaw nito. Masyado pa raw maaga. Dapat, ‘pag malaki na talaga ang tiyan niya.
“Hayop! Hindi tao si Mr. Daza!” nanggagalaiti siya sa galit habang kausap ang asawa sa isang mahabang lamesa sa visiting area. “Iniwanan pa tayo ng gantong problema!”
Kung wala lamang silang mga katabi ay inulit niya sa asawa ang nais na pagpapalaglag sa nasa tiyan niya. Kahit isa pa itong napakalaking kasalanan.
May ilang libo rin ang nakadetine sa MCJ. Araw ng pagbisita, kaya, siksikan ang piitan. Binabaha pa raw iyon, kaya parang mga daga ang mga tao kung may pag-ulang malakas, sabi ni Franz Lee.
‘Cool ka lang,” anito. “Sa panahon ngayon, ang nasa itaas lang ang may alam ng lahat. May tonong pagkarelihiyoso ito. At tila nangingilin. Hindi nito ginagalaw ang mga pagkaing baon niya.
Malalim, mahabang buntonghininga ang pinawalan niya. Hanggang ngayon, di niya mabasa ang maamong mukha nito. Kung gaano katindi ang galit nito. Kahit malaki na ang epekto nito sa negosyo nila.
Umalingawngaw ang mahabang huni ng silbato. Hudyat iyon, tapos na ang oras ng pagbisita. Saglit na umiral ang kalungkutan. Iyon lang at ang tungkol sa kaso nito ang kanilang pinag-usapan. Iniwanan niya ito ng pera, panggastos sa loob. Ayaw niyang mahirapan ito habang nakapiit. Nagbayad  siya ng “calling” at pam-“VIP” sa pangkat na kinabibilangan nito. Sa madaling sabi, kain-tulog ang istatus nito sa selda.
“‘Dalaw na lang ho kayo ulit,” magalang na sabi ng bantay-presong siya ring sumilbato kanina. Nadaanan niya ito sa control area. May nakasakbat na armalayt sa likod nito.
“Pakitingin-tingin po asawa ko, ha. Wala po siyang kasalanan. Hindi po siya talaga mamamatay-tao,” pakiusap niya rito. Inabutan niya ito ng panigarilyo. Tinanggihan nito ang iniaalok niya. “Salamat po, pero, bawal po rito ‘yan. Basta’t magpakabait lang siya rito, ‘wag sasama sa gulo, makakaasa po kayo.”
Sa simula, sunud-sunod ang hearing sa kaso. Speedy trial ang ni-request ni Margaret sa korte. Gumastos siya ng hindi rin birong halaga.
Isang gabi, pinulong niya ang apat na kasambahay. Inihayag niya ang pagbagsak ng negosyo. Inilit ng mga bangko ang isinanla niyang mga ari-arian. Ang mansyon. Ilang mga nalalabing unit ng minibus. Ang tatlong sasakyan, pati mga alahas. Na-bankrupt siya.
Nang mabalitaan sa mga kaibigan, naglasing daw si Franz Lee sa loob ng selda. Pinainom daw ng nakaibigang jailer.
Bumaha ng luha sa loob ng malaking bahay nang isa-isang magpaalam kay Margaret ang apat na kasambahay. Mahaba-habang panahon din ang ipinaglingkod ng mga ito. Hindi siya iniwan ng mga ito.
”Pag kelangan n’yo po ng tulong, ‘wag kayong mag-atubili sadyain ako sa probinsiya,” humihikbing sabi ni Nana Flora na una niyang nakasama bago pa si Damian.
Niyakap siya nina Lotta at Dina. “Marami pong salamat, ma’am.” Si Lotta.
“Salamat din sa inyo. Marami akong tatanawing utang na loob sa inyo. Hindi na siguro ako magkakaroon pa ng kasama na tulad n’yo.”
“Di bale po, ma’am. Di naman kami napariwara sa pagluwas namin dito sa Maynila, dahil senyo.” Si Dina.
Ayaw ipakita ni Damian ang pagtulo ng luha. Nakatayo ito malapit sa pintuan. Plano raw nitong mamasada ng taxi.
Pinili ng mga itong lumisan maghahatinggabi. Upang di na kumalat pa sa buong Vista Valera ang nakalulunos na nangyari sa buhay ng mga amo.
Namumugto ang mata’t pagipuspos na nakayungayong ang ulo ni Margaret sa counter ng ulilang minibar. Naitumba na niya ang kahuli-hulihang bote ng alak sa wine cabinet.
A, kung ito’y parusa dahil sa maling pagseselos, tinatanggap niyang maluwag sa kalooban. Dala marahil ng alak, nakatulog siya nang mapayapa.
Pagkaraan ng dalawang araw, nilisan niya ang puting mansyon. Isang malaking maleta lang ang kaniyang dala. Ilang damit, at ilang souvenir kay Franz Lee. Kabilang na ang tatlong palara ng sigarilyong sinulatan nito ng mga tula. Pinakatagu-tago niya ang mga alaala niyon.
Sa labas ng malaking gate, sinulyapan niya ang kahuli-hulihang alaala ng mga magulang. A, di ko suwerteng tumira riyan. Mas mahalaga si Franz Lee.
Umupa siya ng maliit na silid sa isang mid-class hotel malapit sa city hall ng Maynila. May kaunti pa siyang perang natitira. Sapat para sa ilang araw bago makahanap ng mapapasukang trabaho.
Kinabukasan, maghapon siyang nag-hunting ng mapaghahanapbuhayan. Iyong babagay sa kaniya. Kahit may kabigatan. Iyong di naman kahiya-hiya sa mga nakakikilala sa kaniya. Iyong makakaya niya ang attorney’s fee at per court appearance ng abogadong tagapagtanggol.
Nakakita siya ng trabaho bilang clerk sa isang computer store sa bahagi ng Intramuros. Madali siyang tinanggap ng mag-asawang Tsinoy na may-ari ‘pagkat over-qualified siya.
Nabinbin ang kaso ni Franz Lee. Hindi na rin niya kayang pasanin ang mga gastusin. Walang maiayuda mga kaanak ni Franz Lee. Mahirap din tulad nito.
Sina Ate Berta at Ate Daniela na mga nakatatandang kapatid nito, pagtitinda lamang ng mga tinapay at palamig sa lansangan ang ikinabubuhay. Uugod-ugod na rin ang parehong otsenta anyos na mga magulang nila.
Ngunit, kung ang tao ay may pag-aalinlangan sa mga nangyari sa buhay, lagi’t laging may nakalaan para sa dumanas ng mas mabigat na kaapihan.
Nakunan si Margaret.
Matutuwa ba o malulungkot, di mawari ni Franz Lee ang nararamdaman nang muling magkasama ang mag-asawa sa loob ng MCJ.
Ang kahirapan na nila ang nagiging sanhi kung bakit inaabot ng siyam-siyam ang pagdating ng kada hearing sa kaso. Minsan, inaabot ng tatlong buwan o siyamnapung araw. Walang maibayad, umasa na lang sila sa serbisyo ng isang may edad nang hindi kilalang abogado mula sa Public Attorney’s Office.
Nangangasera na ngayon sa maliit na silid, di kalayuan sa hotel na inupahan, kahit paano, nakabubuo siya ng isang bagong pangarap. Paglaya ni Franz Lee, magsisimula sila ng isang bagong buhay.
Nasanay na si Franz Lee sa buhay-kulungan. Malimit naman may conjugal visit para sa mga may asawang detenido. Sa loob ng selda, nagpapalipas ng magdamag sa loob ng kubol ang mag-asawa.
Hindi naman din nakalilimot sina Homer at Calvin na bisitahin ang kaibigan nila. Si Damian, paminsan-minsan, nabisita rin sa dating amo.
‘Ngayon, makakabuo na kayo,” biro minsan ni Homer.
Sa isang pagbisita, nagpaalam si Margaret na magbabalik-probinsiya. Pinayagan siya ni Franz Lee.
Awang-awa si Nana Ursula nang mabatid ang mapapait na mga nangyayari sa buhay ng malayong pamangkin. Si Nana Flora, na unang naglahad dito ng mga nangyari, naroroon din. “Mabuti pa’y dito ka na manirahan, Margaret,” ani Nana Ursula.
“Hindi ko makikita ang asawa ko. Kailangan n’ya kagabay sa lahat ng panahong nakakulong s’ya.”
Naunawaan siya ng matanda. Hindi na umimik. Naroroon ulit siya, upang magbakasyon, makapagpahinga.
Lumipas ang mga araw, isinalang sa witness stand si Mazo.
Nagtatrabaho na ito sa isang sikat na media outfit. Nakaakit ng pansin sa media ang kasong ito. In-offer-an ito ng CEO upang doon magtrabaho.
Nakaupo si Margaret na napagigitnaan nina Homer at Calvin. Sa kaliwang bench naroroon si Franz Lee. Guwardiyado ng dalawang BJMP escort sa magkabilang balikat.
“Ayaw ko sumama kay boss nang i-postpone ang ballroom party. Napilitan lang ako nang sabihing naghihintay na sa Fraction Bar ang iba naming officemates. Pagdating sa bar, wala ako nakitang ibang kasama namin sa office. Dahil boss ko, nahiya ako tanggihan ang ipinainom na wine. Pagkatapos mainom ang kaunti, nawalan na ako ng malay,” naluluhang salaysay ni Mazo sa tanong ng piskal o chief prosecutor.
Napapaiyak din si Margaret habang nagsasalita ito. Ganoong-ganoon ang modus ni Mr. Daza nang siya ang mabiktima nito.
Isang araw, naghihintay ng masasakyang bus si Margaret. Biglang humimpil sa tapat ng kinatayayuan niyang kalsada ang magarang kotse.
“Ola amiga! Margaret, ikaw ba ‘yan?” pakutyang bati ng pamilyar na boses.
Si Dr. Berla Da Rosa. Ngising-demonyo ang matrona na naging kabit ni Mr. Daza. Inismiran niya ito. Hmp! Libu-libong makikita sa daan, eto pang burikak na ‘to matityempuhan mo!
“Bumalik ka na ba sa pagiging iskwater? Alam ko nangyari kay Felix. Dapat sana, naglalakad ka na lang. Tipid pa sa pamasahe.”
Aba’y talagang hanggang ngayon, di ako tinatantanan nito, a!
Pinara niya ang bus. Habang nakakapit sa estribo, “you know Dr. De Rosa? You can do hell. Naghihintay na s’ya sa ‘yo ro’n!”
Hindi na niya narinig ang pagbawi ng sawing kaluluwa.
Nagpupuyos pa siya sa galit habang nakaupo sa kanan ng tsuper. Pare-pareho kayong mga ipinanganak na may plastik na kutsara sa bibig! Hindi ko kayang makipagsabayan sa kahambugan!
Nasorpresa siya nang makilala ang konduktor na nag-aabot ng tiket. “Ma’am, okey na po bayad n’yo. Hindi n’yo ‘ko natatandaan? Dating konduktor sa isang minibus n’yo.”
“Salamat, Mang Boy.” Sinuklian niya ito ng ngiti.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: