Quattro Club

Margaret (Chapter 10)

Paglipas ng isang buwan, isinalang si Franz Lee sa witness stand. (Naibasura ang kaso nina Homer at Calvin sa piskalya.)
Naroon ang mga kapatid na babae ni Franz Lee. Si Atty. Mario Madlang-awa, ang PAO lawyer.
“Bagong pasok si Miss Mazo Del Mar sa Advent Incorporated. Nung una pa lang, ipinagtapat na n’ya sa ‘kin, nililigawan daw s’ya ng boss naming si Mr. Daza, your honor. Kaya gumawa kami ng paraan na nagkunwa kaming “kami na”. Katunayan niyon, pinagselosan pa s’ya ng asawa ko. Nang sabihin ko ang lahat sa asawa ko, hindi siya nagalit. Alam kasi n’yang tama lang ang ginagawa ko. Pinalalabas lang namin sa harap ni Mr. Daza na nililigawan ko si Mazo,” depensa ni Franz Lee.
Matalim mang-usig ang private prosecutor nina Donya Leona. “Hindi mo binanggit, Mr. Hilarion, may gusto rin ba si Miss Del Mar kay Mr. Daza? Bakit siya sumama kay Mr. Daza nung gabing iyon, gayong nag-iisa lang s’ya? At bakit alam na alam mo kung saan sila nagtungong dalawa matapos uminom ng alak sa Fraction Bar? Plinano mo ang pagpatay kay Mr. Daza, hindi ba?”
“Objection, your honor! That is a leading question?” Si Atty. Madlang-awa.
“Tok! Tok!” pukpok ng huwes sa gavel. “Objection sustained.”
Ninenerbiyos si Margaret. Selos niya ang puno’t dulo ng kaso. Kung di sana siya nagpadalus-dalos. Hindi niya matingnan nang matagal ang mukha ng asawa. Siya ang nagi-guilty. Kumakatal ang buong katawan niya. Napansin ng dalawang magkaibigan. Sabay nilang hinimas-himas ng palad ang likod niya. “N-No. I-I’m o.k., kaya ko,” pigil niya.
Natingharan niya dalawang kapatid ni Franz Lee, nakaupo. Kasunod ng bench na inookupahan nilang tatlo. Kalmado ang mga ito.
Di kaya, siya ang sinisisi ‘pag nasa sarili nilang bahay ang mga ito? Hindi sana gayon. Naging tapat siya kay Franz Lee.
Isang Linggo ng hapon. Dinalaw ni Margaret ang puntod ng ama, ina, at kapatid sa North Cemetery. Aywan, di niya alam kung bakit? Wala. Wala na kasing makitang therapy na makapagpapagaan ng mga pinapasan. Saan pa siya tutungo?
Kampante siyang naglagi roon. Nakaupo lamang sa damuhan. Hanggang di nauupos ang tatlong kandila na itinundos niya sa ibabaw ng mga nitso ay di siya lumilisan. Ang Linggo’y araw ng pamilya. Pagmumuni-muni.
“Kung gusto mo, pasyalan mo’ng puntod ng mga magulang mo’t kapatid. You can find solace in them.” A, lahat ay gagawin niya. Upang makabawi sa asawa niya. Tulad nito.
Magtatakip-silim, nilisan niya sementeryo. Sa labas na siya kumain.
Pagdating sa kinakaserang maliit na silid, maaga siyang nahiga sa lumang katre. May pasok pa siya sa trabaho bukas.
Katulad ng maraming gabing dumaan, bago matulog, binabasa muna niya mga tula ni Franz Lee. Pinakatagu-tago niya sa punda ng unan.
Di mahulugang-karayom ang visiting area sa rami ng mga tao. Mga asawa, kamag-anak, katoto at mga anak ng mga PDL. Halo-halong mga damdamin, emosyon, at kasabikan pumapailanlang sa hangin kaya maingay. May masaya, galit, may naghahatid-balitang iniwan ng asawa, may sumama sa iba.
Nang medyo humupa ang ingay ay saka lang sinagot ni Franz Lee ang tanong niya kung may pag-asa. “Aywan. Sa usad ng kaso, malabo’ng makatawid pa ‘ko ng kalsada.” Pailing-iling ito.
“‘Wag ka mawalan ng pag-asa, magsasama rin tayo sa laya.”
“Ikaw ang ‘wag magpabaya sa sarili mo. Ampayat-payat mo na.”
“Panay kasi overtime ko ngayon. Kailangan, para makapunta ako rito lagi. Madalhan ka ng mga pagkaing paborito mo. Ito nga, may dala akong sisig.” Inilabas niya isang supot. “Puro tenga ‘yan.”
Kinuha ni Franz Lee. Iniabot sa lumapit na trustee. “Karantso, mam’ya pagsaluhan natin.”
“Mabuti na lang, di ka pa natututong manigarilyo. At saka, ang haba-haba pa rin ng buhok mo,” sabi niya habang inilalabas isa-isa ang pinamiling toiletries.
“Gastos lang ang mga ‘yun. Ako’ng naaawa sa ‘yo. Di mo na rin matikman ang mas masasarap na pagkain.”
“‘Wag mo ‘ko intindihin. Di ba, galing ako sa hirap? Sa pagkain, wala ‘kong namimis, alam mo ‘yun.” Iniangkla niya ang isang kamay sa balikat nito. “Ikaw ang iniintindi ko.”
“Mas lalo mo akong ‘wag intindihin. Kung mayro’n man akong pinagsisisihan, ‘yun ang di ka nabigyan ng anak.”
“Darating din ‘yun. Sinisisi mo ba sarili mo?”
Nagbago ang kulay ng mukha ng asawa niya. “Hindi. Demonyo sinisisi ko. Si Mr. Daza.”
Hanggang doon, di niya nauulinigan dito na may parte siya sa kasawiampalad nito.
“Ikaw, di mo sinabi noon na nililigawan mo si Mazo, ha” biro niya. Gusto niyang i-patch-up ito.
“Hindi ko ba nabanggit sa ‘yo ‘yun?” ganting-biro nito.
Sabay silang natawa. Nagsipagtawanan din ang mga eaves dropping na mga kosa.
“Sina Homer at Calvin, nagkikita pa ba kayo ng mga kumpare ko? Si Damian?”
“Paminsan-minsan. Minsan, inihatid ako ni Homer sa sasakyan n’ya pauwi sa inuupahan kong kuwarto. Si Calvin, minsan, inaya akong kumain sa labas nang makita ako sa pinapasukan ko. At paminsan-minsan, inililibre ako ni Damian sa taksing ipinapasada n’ya.”
Sapat na iyon upang maipalagay ang loob nito.
Isang mariing halik sa mga labi, at nagpaalam na siya rito.
Sumapit ang araw ng pagbasa sa lagdang-hatol ng hukom.
Alas diyes ng umaga. Sa isang sala sa loob ng justice hall. Nakatungo ang ulo ni Franz Lee habang nakatayong nakaposas ang dalawang kamay. Inatasan ng huwes ang matabang babaeng clerk of court na basahin ang verdict:
“Matapos ang masusing pag-aaral sa kasong ito, napatunayan ng hukumang ito na si Franz Lee Hilarion y David, dalawampu’t apat na taong gulang, may asawa, ay walang alinlangang nagkasala sa kasong pagpatay kay Mr. Felix Daza, manager/proprietor ng Advent Incorporated, at siya ay hinahatulan ng hukuman ding ito na mabilanggo sa pambansang piitan habambuhay.”
“Tok!” Tumayo ang hukom matapos ipukpok ang malyeta.Tapos na ang promulgation sa kaso ni Franz Lee.
Tulala si Margaret. Walang nagawa ang panalangin niya. Walang lakas na maitutol ang di maibukang mga labi. Hanggang sa huling araw ng proseso ng hustisya, nararamdaman niya ang lakas ng impluwensiya ni Donya Leona Vda. Carandang-Daza. Ang bangis ng salapi nito.
Mabilisang nailabas ng mga BJMP escort sa court room si Franz Lee. Para na rin sa seguridad nito.
Hindi makayanan ni Margaret ang sobrang hinagpis. “Hindi!” Titindig pa lamang, hinimatay na siya.
Saka lamang napaluha mga kapatid ni Franz Lee. Habang inaasikaso nina Homer at Calvin ang pagpapanumbalik ng malay ni Margaret.
Lumipas ang isang linggo. Ibiniyahe sa National Bilibid Prisons si Franz Lee. Kasama si Margaret sa naghatid. Lulan din siya sa likuran ng BJMP van. Dalawang sentensiyadong preso pa ang nasa loob ng van. Mayro’ng limang nagsisilbing escort na mga BJMP personnel.
“Tahan na, magpapakabait ako ro’n para makalaya agad ako,” alo ni Franz Lee na katabi. “Kung gusto mo, doon ka muna sa probinsiya n’yo. Kay Nana Ursula.”
“Ayaw ko. Gusto ko laging malapit sa ‘yo.”
Itinaas nito ang may posas na mga kamay. Pinalis ng likod ng magkabilang palad ang sumasaganang luha sa pisngi niya. “O sige, ‘wag kang umiyak. Wala kang mamimis sa ‘kin, kundi, ‘tong mahabang buhok ko. At saka, kahit nasa Munti na ‘ko, gagawan pa rin kita ng mga tula. Ipadadala ko kahit di mo ‘ko bisitahin.”
“Hindi. Hindi ako papalya sa pagbisita sa ‘yo ro’n. Lagi kitang kakamustahin.”
Alas sais ng umaga ang biyahe. Kaya maagang nakalabas sa matrapik na highway ang van ng BJMP. Matulin magpatakbo ang tsuper. Maaga nilang sinapit ang Muntinlupa.
Pag-uwi galing sa trabaho, ang mga tula ni Franz Lee ang aaliw kay Margaret. Lalakas ang loob niya. Kung may mga umagang di agad maibangon ang puyat at pagod sa trabaho.
Habang patuloy sa pakikipagkomunikasyon si Franz Lee.
Isang gabing maulan, binasa niya ang liham nito. Nakatitik ang lunang Maximum Security Compound sa itaas ng kanang bahagi ng sulat:
Dear Hon,
Kamusta? Tulog ka sana agad pagkayari mong basahin ”to. ‘Wag mong pabayaan ang katawan mo. Kahit walang overtime o.k. lang. Don’t give yourself to too much sacrificing. S’yanga pala, last month binisita ako ni Mazo. May dalang food packs at books. Gusto n’ya maging writer ako ‘pag nakalaya na ‘ko. May asawa na pala s’ya. Isang baguhang artista. Si Gil Larosa. Pinagkaguluhan nga sila ng mga kosa rito. Nagpasalamat s’ya sa ‘kin. Baka hindi raw ito ang buhay n’ya ngayon, kundi dahil sa pagkakakulong ko. Isa pa nga pala, hon. Hindi na bumibisita sina Homer at Calvin. Nagsipag-asawa na siguro’ng mga ‘yon. Matapos malinis ang mga pangalan.
O, sige, hanggang dito na lang muna. 
Mwa!
Franz Lee

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: