Quattro Club

Margaret (Chapter 11)

Maraming tag-araw ang lumipas. Dumalang ang pagbisita ni Margaret sa bilibid. Laging nag-o-overtime si Margaret sa trabaho. Para matustusan kasi mga pangangailangan ni Franz Lee habang nakakulong. Paminsan-minsan, tumatawag at text ito sa cellphone.
Ikaanim sa buwan ng Enero. Anibersaryo ng kasal nila. Kaarawan din ni Franz Lee. Mula sa paglabas sa trabaho, sumaglit siya sa NBP.
Duon, may isang maliit na kubo, malapit sa toreng may nakatanghod na mga bantay-presong armado ng mahahabang baril. Nag-usap sila nang masinsinan.
“May sakit ka?”
“Diabetes mellitus ang sabi ng doktor sa ospital dito. Chronic condition, kumplikasyon, malapit na raw akong hindi makakita.” Pinakabihira sa nakita niya ang bumahid na kalungkutan sa mukha ng asawa.
Tila hinatulan ulit ito sa ipinahayag nito. At parang sunog ang pisngi nito.
“Wala ka namang history ng diabetes, a,” taka niya.
“Sa tagal ko na rito, di maiiwasan. Lahat ng klase ng sakit makukuha mo rito.” Lumalamlam din ang mga mata nito. At tila lumalagpas ang titig nito sa kaniya. May sugat din ang mga labi.
“Gaano katagal ka na lang makakakita?”
“Wala naman ako sa labas para makapagpa-check-up sa isang magaling na opthalmologist,” pasumala nito. “Hindi na siguro magtatagal. Kaya ibinibigay ko na sa iyo ang kalayaan mo. Ayaw ko nang maghirap ka pa.” Inilapat nito ang mga labi sa taynga niya. “‘Wag ka nang babalik dito paglabas mo.”
Nagitla si Margaret sa ibinulong nito. Kinilabutan. “Hindi kita maunawaan. Ano ang ibig mong sabihin?” Nais niyang tasahan ang laman ng sinabi nito.
“Nasa iyo, kung gusto mong mag-asawa ng iba.”
Ha? Nagpaparaya ba ito?
“Pinuputol mo tanikala ng kasal natin?”
Inilabas niya mula sa dalang malaking supot ang pagkaing pagsasaluhan nila. Mayro’ng inihaw na pusit doon, isa sa paborito ni Franz Lee. “Antaas-taas kasi ng presyo ng bilihin sa labas, hon. Sana, maunawaan mo kung bakit di na ‘ko madalas makapunta rito.” Ngunit, may namumuo nang luha sa mata niya.
May walong buwang mahigit ding hindi siya nakabisita kay Franz Lee. Itong nakaraang Pasko lang ang Paskong di siya nakabisita sa asawa. Kaarawan niya, pero, nakasaad sa ipinadala niyang sulat ang dahilan kung bakit di siya nakarating. Maraming gawain masyado sa trabaho sa computer store ng mga among Tsinoy. Naging busy rin siya bilang salesgirl ng mga gadget.
“Matagal ko nang gustong ipagtapat sa ‘yo ‘to,” patuloy ni Franz Lee. Tumikhim ito. “Hindi ko lang makita ang tamang pagkakataon. Kaya ngayon-“
“Bakit di mo agad ipinaalam sa ‘kin? S-Sana, sana’y may nagawa ako. Pera lang ang kailangan. Kahit ano kaya kong gawin.”
“Wala ka nang magagawa. Ikaw na ang kumalag sa ibinidbid ng tanikala d’yan sa puso mo. Hinahayaan kita. Malaya ka na magmula sa araw na ‘to.”
“Franz, alam mong hindi ko kayang gawin ‘yan?” sumamo niya.
“Kaya kitang ipa-ban sa pagdalaw mo rito,” mariing sabi nito. “Karapatan naming mga preso ‘yun.”
Mapait na mga luha ang bumaba sa magkabilang pisngi ni Margaret. Hinihintay niyang pahirin ng manipis nitong palad. Tulad noon. Baka magbago ang isip nito. Baka nagbibiro lamang ito?
Ngunit, di ginawa nito. Nagpaling ito ng ulo.
Tinuyo niya ang pisngi sa manggas ng suot na blazer. “Pa’no ka na?”
“Buhay pa naman sina Ate Berta’t Ate Daniela. Kahit hindi ko sila obligahin, madalas silang andito.”
Wala na siyang maigiit. Tumindig siya. Umakmang hahagkan ang nabibitak na mga labi nito. Ngunit, bigla itong nagtindig. Painot-inot na humakbang palabas ng kubo. Palayo sa kaniya. Bago lumingon muli sa kaniya.
Napapahikbi siyang makita ang asawang muling pinapapasok sa loob ng malaking brigada. Hindi ito nagbibiro.
Ito na kaya ang parusang nakalaan sa kaniya? Bakit ngayon pa siya itinakwil? Kung kailan, pinakamahalaga ang bawat presensiya niya ngayon? Kung kailan, kung kailan, hinding-hindi na siya papalya? Kung parusa ito, bakit ngayon lang?
Kitang-kita niya ang mga sariwang sugat sa magkabilang paa nito. Nagnanaknak. Nilalangaw.
Bago ito nakihalo sa mga kosa. Sa gitna ng karamihan, itinaas nito ang isang kamay. Paalam.
Wala na si Franz Lee. Unang naglaho ang mahabang buhok. Naglaho na ito sa paningin niya.
F-Franz, b-basa ko nasa puso mo. Hanggang kailan ka magsasakripisyo? K-Kahit man lang s-sana sa sulat.
Sa labas ng NBP compound, walang tiyak siyang patutunguhan. Hindi siya ipinanganak na mayaman. Katunayan, nabababawan siya sa sirkulo ng mga taong nakakahalubilo niya noon. Sa mga sayawan sa hotel. Sa mga grandiyosong pagtitipon ng mga naging kauri niya. Kaya wala siyang ibang alam na malalapitan.
Nakalulan sa hulihang upuan ng bus pabalik sa Intramuros, gumigitaw sa alaala niya ang mga payo ni Nana Flora. Ang pagpasyang magbalik kay Nana Ursula. Babalik siya kay Nana Ursula.
Sa loob ng inuupahang kuwarto, hindi na siya nagpabantiti na makarating agad sa pupuntahan. Nag-impake siya. Dala lahat ang mga damit, kakaunting mga alaala na may kaugnayan kay Franz Lee.
Nag-resign siya sa trabaho. Ipinagtapat niya ang lahat-lahat hinggil sa totoong pagkatao niya.
Nahabag ang among lalaki. “Kun gusto mo, ikaw balik uli dito, ha. Masipag ka kasi.”
“Kahit ano olas pwede, basta ikaw, ha,” sabi ng among babae.
“Salamat po, pero, pag-iisipan ko ho muna. Baka ho bumalik ako rito pagkagaling ko sa probinsiya.”
Pagkatanggap ng buong sahod, sumakay na siya sa huling biyahe ng bus pauwi sa Magalang.
“Nana Ursula! Andito na ulit ako!” matinis niyang tawag pag-ibis sa inupahang traysikel.
Natawag ang pansin ng ilang kalalakihang nakaistambay sa may harap ng maliit na tindahan, katapat ng binabaan niyang kalsada. Matagal, bago nila nasino ang payat na babaeng dumating, at nakatayo ngayon sa tabi ng punong dapdap.
Naulinigan ni Margaret ang mga anasan. Di siya isinilang kahapon upang di madama ang kahulugan ng bigla ring pag-iwas ng mga tingin. Ang pagkahabag at muling pagtanggap sa kaniya ng mga tagarito. Sa barangay Sto. Niño.
Nagpamalas siya ng matimtimang ngiti, bilang pagtangkilik sa mabuting asal nila.
Nasa labas ng kubo si Nana Ursula. Nagsasalab sa apoy ng mga talaksan na sa hitsura’y gumanit dahil nabasa. Katatapos bumuhos ang malakas na ulan nang padapithapon. Umaalimuom ang lupa sa gilid ng kalsadang nadaanan kanina.
“Aba! Ikaw ba ‘yan, Margaret?” nasorpresang salubong ng matanda. Itinigil nito ang gawain.
Patakbong lumapit dito si Margaret. Niyakap nang mahigpit ang matandang kadugo.
Nag-aagaw-dilim na. May manipis na andap at angi ng nagbabagang mga kahoy sa siga sa kinatatayuan nila.
“Tayo na sa loob ng kubo, makapaghapunan ka muna ng binuro.”
Sa gitna ng kubo naglatag ng pagkain si Nana Ursula. Wala siyang itinago sa pagkuwento kung paano bumagsak ang kabuhayang nagbuhat sa mga magulang.
“Nasabi na rin sa ‘king lahat ni Flora,” ngumunguyang pakli nito. “Hindi panghabangbuhay itong mga paghihirap natin. Matagal na kita hinihintay buma-“
“Kaya nga po nagbalik ako,” putol niya. “Tutal, nag-iisa naman na ‘ko sa buhay.”
Natigil sa pagsubo ang matanda. “Patay na ba si Franz Lee?”
“Buhay pa po, hiwalay lang kami,” kaswal niyang sabi. “Masarap pa rin ang binurong isda,” ligoy niya.
“Pa’no nangyari ‘yun? Katawan lang naman ang nakakulong sa asawa mo.”
“Hiwalay na nga po kami,” ulit niya.
Lumagok ng tubig ang matanda. “Ulitin mo nga, hindi ko maintindihan.’
Mahina na pandinig ni Nana Ursula. Malalim na mga gitla nito sa noo at mukha.
“Hiwalay na kami! S’ya ang maysabi!”
Biglang nahinto sa pagkain ang matanda. Parang ilang taon pa ang nadagdag sa kulubot na mukha sa narinig.
“May sakit s’ya! Ayaw n’yang maawa ako sa kanya!”
“Ano’ng sakit n’ya’t ayaw ka n’yang mahawa?”
“Maawa po, Nana Ursula! May diabetes s’ya at malapit nang mabulag!”
Napailing ito. “Pasensya ka na, talagang matanda na ‘ko. E, kailan pa?”
“Kanina lang pong umaga!”
“Totoo ba ‘yun? Kalunos-lunos talaga’ng nangyari senyong mag-asawa. Nang dahil lang sa- may awa rin ang Diyos. Mabibigyan din kayo ng hustisya,” patuloy nito. “Napakalaking tulong ang nagawa niya sa iba. May kapalit ‘yon.”
Tumayo ang matanda. Nagtungo sa kusina. “Sadya yatang ipinagkait senyo maging maligaya sa buhay na may karangyaan.”
Hinintay niyang maupo ulit ito.
“May gano’n talagang mga lalaki. Mahirap silang hulihin sa mga paninindigan nila kung nagsasakripisyo. Hindi ba, isa siyang makata?”
Ginagap ni Nana Ursula ang dalawa niyang palad. Di niya mapigilan, napayakap na siya rito. Naroroon ang pag-asa niya. Magkikita pa rin sila. Kundi man dito sa lupa, doon sa kabilang buhay.
“Sana nga, Nana Ursula.”
Ilang panahong malagasan ng mga dahon ang mataas na punong dapdap sa tabing-daan. Hindi kayang bilangin ang pamumuyangyang ng mga pulang bulaklak sa dakong iyon. Ngunit, walang natatanggap na liham si Margaret mula kay Franz Lee. Kahit malimit at mistulang nakikipagkomunikasyon siya sa isang patay. Lumaon ay pinanghihinaan na siya ng loob. Wala rin lang natatanggap na sagot.
Namasukan siya sa isang maliit na pagawaan ng mga muwebles at mga rebulto ng mga santo sa bayan. Si Nana Ursula ay uugod-ugod na. Kaya nagpagawa na rin siya ng maliit na kubo sa tabi ng matandang puno ng kamatsile. Kaya rin niya mamuhay mag-isa, sabi niya sa matanda. Ayos lang naman dito, bumukod man siya ng tirahan. Laging kasalo pa rin naman siya nito sa pagkain.
Isang hapong nakabantay sa tindahan, naisipan niyang magbasa ng isang magazine. Kahit luma, pinagtiyagaan niyang basahin.
Panata ng Banal
Isa kang puting rosas sa ‘yong pamumukadkad
Umagang lamyos at sayaw ng sinisintang kagandahan
Dampi ng araw lambing sa lamuyot ng hangin
Bigkis ng pag-ibig waring walang makapapatid.
Pinadpad sa makunat na lupa petal mong dinamit
Lilisan hagka’t baunan ng samyong kimkim
Anong buti ng daigdig! Tanghali ng mga huni
Hindi haka lumambong bagyong wari ma’y buhawi
Lumagunlong, dumurog, dumausdos sa palad mong matinik
Tila karit, lama’y lupit na hinaplit, kristal kay pait
Hanggang maluoy, bakli-bakliin sa poot, kapalaluan
Hanggang binhi sumabog, lugmok sa libinga’t
Lunti mong pag-asa nilusak, ika’y panawin.
Margaret, dapithapon biyayang panukli
Damhin mong tanglaw, busilak, panata ng magdamag lagi’t
Dudungkal sa paraiso, uusbong, sisilay
Kabiyak na hamog dahon luwalhating sisidlan
Diyan din nahimlay kabanalan, sa pigtal na buhay.
Isang F.L.Hilarion ang may-akda. Kinilabutan siya.
Pag-uwi, ipinakita niya kay Nana Ursula ang lumang babasahin.
“Buhay pa’ng asawa mo?”
“Malakas ang kutob ko, nakalaya na s’ya. Lahat ng tula n’ya, ako pinararamdan n’ya.”
“Bakit di mo alamin?”
“‘Yun nga po gagawin ko, e. Pero, tama po kaya’ng gagawin ko?”
“Ikaw ang may karapatan sa asawa mo,” untag ng matanda.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: