Quattro Club

Barko (Dagli) ni Ronald Tumbaga

Umiilanlang ang mga kaluluwang binubuhay ng apatnapung taon ng mga pagtawid-dagat ni Lolo Inwok na isang kartero sa Batangas. Nilalansi ng matayog niyang ambisyon para sa mga apong sina Kentoy at Ngayngay ang mga salpok ng mga alon sa katawan ng barko.

“Lolo, itong bapor ang akin,” sabi ni Kentoy.
“O, di ba, sabi mo, gusto mong maging aktibista? Bakit iyang barko?”
“Siyempre. Kailangan, makasakay muna ako ng barko. Paano ako makakatuntong sa paaralan kung di ako makakasakay ng barko?” buong pagmamalaking sagot ng di maikakailang paboritong apo.

“Ikaw, Ngayngay, bakit sobreng may pera ang napili mo? Di ba, gusto mong maging kapitan ng barko?”

“Lolo, gusto kong makatulong muna sa inyo, kaya itatabi ko itong sobre. Iyung pera, puhunan ko sa paggawa ng pulburon na ititinda ko sa iskul,” sagot ng bibong apo.

“E, iyung sobre?”

“Itatabi ko rin. Di ba, mga sulat din ang inihahatid ng kapitan ng barko?” Sa masasayang halakhak ng maglolo mauuwi ang pagtatapos ng isanlinggong pagpapagod ni Lolo Inwok.
Sumakay sila ni Lola Lora sa MV Gandor, para mas ligtas na makabalik sa sitio Talampunay. Mula Calapan, maliliit na alon na lang ang sasagasa sa basnig na sasakyan nilang mag-asawa pabalik sa Talampunay. Bukas pa ng gabi dadaan ang bagyong ibinalita sa radyo.

Mainipin si Lolo Inwok. Walang pinangarap kundi mahigitan ng anak na si Tinoy at mga anak nito ang yapak niya. Bagaman, di pinalad na mabiyayaan ng taas at bikas ng pangangatawan, nagtagumpay si Tinoy mulang mapangasawa ang kaklaseng batanggenyang si Wela. Si Wela ang pinakamagandang tesurera sa isang malaking bangko sa Batangas. Ang mag-asawa ngayon ang may-ari ng nag-iisang prangkisa ng pagpapadala ng mga sulat sa koreyo sa isla ng Calapan. Bunga iyon nang masidhing pangarap niyang nakamit din ng anak. Na naging puhunan ang araw-araw niyang pagod at panganib sa pagsuong sa tawid-dagat na pagtatrabaho.

Ayaw pang magretiro ni Lolo Inwok hangga’t maaari. Sapagkat dito pa rin niya kukunin ang gastusin para sa lumalalang rayuma. At ito’y tawag ng tungkulin para sa kaniya. Lalo’t maraming taga-isla ang nalaki pang mga mangmang sa komunikasyon sa kabila nang pagdagsa ng mga makabagong gaheto.

“Ba’t di na lang kayo pumayag na iupa kayo ng pansamantalang matitirhan sa Calicanto? Malapit lang ito sa bangko namin. Duon muna kayo hangga’t nakabakasyon,” palaging alok ng manugang na pirming tinatanggihan ng matanda. “Hindi sa ayaw ko, Wela. Ayaw kong umasa nang di ko kinakaya.”

Iyun din ang ipinahahatid ng ngiti ni Lolo Inwok habang tinatanaw ang lunday sa lawak na kaasulan ng dagat. Sa lunti ng isla Verde na iyon na di kalayuan sa pantalan ng Batangas. Ang dagat na may nakatagong ngitngit. Nangako ang pamunuan ng Batangas City Post Office na sa Disyembre siya sapilitang pagriretiruhin. Bagay na kumurit sa puso ni Lolo Inwok. Nais pa sana niyang maglingkod sa mga masang mahihirap, ngunit pilit na hinihila ang mga araw niya. Masyadong magaling ang Batanggenyong doktor na nagsuhestiyon na kailangan na niyang magretiro dahil wala nang gamot sa makirot na rayuma niya. Upang mapabilis ang muling paglakad ni Lolo Inwok, si Lola Lora ang humiram ng segundamanong wheelchair sa pampublikong ospital sa Batangas. Mula Santa Clara, hanggang sa gitna ng umiindayog na barko, naruruon ito sa tabi niya.

“Umidlip ka muna para di ka mahilo. Mayamaya lamang, nasa sityo na tayo.”

“Nagpapasalamat ako Lora’t di ka nalisan sa tabi ko.” Dinampian niya nang malamig na palad ang naluluoy na ring pisngi nito.

“Sino ba ang maiiwan paglisan nina Kentoy at Ngayngay, kundi kita rin.”

Bang!

Isang parang napakalakas na pagsabog ang narinig ng mga pashero ng barko. Namatay ang ilaw. Bumukas ang pinto ng inupahang cabin ng magkabiyak. Napukaw sa ingay na iyon si Lolo Inwok. “Baka may masamang nangyari sa barko?”

Niyakap siya agad ni Lola Lora. May matitinis na sigawan ng mga nerbiyosong mga ale at mga bata. Ang ilang kalalakihan, kumilos para sumunggab ng mga life jacket sa isang cabin ng MV Gandor. Ang mga ina, lalong hinigpitan ang karga sa mga kasamang bata. At sa lalong nerbiyos, di humihiwalay ang mga ito sa tabi ng pangkat ng humahangos na crew. Sumunod ang halos kalahati ng mga pasaherong nasa ibaba para magawang makasampa sa ibabaw ng barko. Para makalundag kung kinakailangan. Dahil duon, naipon sa iisang tabi ang bulto ng hintatakutang mga pasahero. Namigay ang tatlong crew ng mga life jacket. Lumundo sa isang bahagi ang roro vessel. Tanging mga selfon ang nagbibigay-liwanag sa nagdidilim at nag-aalburutong mga tao sa bituka ng gumiwang na barko.

“Binangga tayo ng isang tangker!” Kumalat na sa loob ng MV Gandor ang sakunang nangyari. Wala ni isang pasahero ang di nabigyan ng life jacket.
Gaya nang karamihan, di bumibitaw sa pagyayakapan sina Lolo Inwok at Lola Lora. Hinawakan ng iba ang kanilang mga rosaryo, may mga nanalangin para makaligtas. May mga napapaiyak. Ang magkakasamang mga binata at dalaga, sila ang may pinakamahigpit na yakap sa isa’t isa. Ang araw ay Biyernes. Nagsisiuwi ang mga estudyante.

“Abandon ship!” natatarantang utos ng kapitan sa lahat.

Tila inuugoy ang barko. Kaya unti-unting nilalamon ng dagat. Nararamdaman iyon ni Lolo Inwok. Kaya napakalas sa pagyayakapan ang mag-asawa. Kundi napigilan, padausdos na umurong pababa ang wheelchair. Nasa bintana na ang tubig. May maliit na guwang na pinapasukan ng tubig. Kundi nabasag ang fiberglass na bintana sa puwersa ng alon, bumigay marahil ang permanenteng lock.

“Sumunod ka na sa kanila.” Nanginig ang kamay ni Lolo Inwok sa katutohanan ng buhay. Di niya mapilit ang mga paa na makagawa ng kahit munting hakbang para maisalba ang sarili. Nadama iyon ni Lola Lora.

“Maniwala ka sa akin, di kita iiwan,” pabulong na sambit nito. Bago maiwan sa siksikan, unahan, tulakang makapanhik sa hagdang paitaas, hinila ni Lola Lora ang dalawa niyang kamay. Muli siyang niyakap para buhatin sa wheelchair nang di naghihiwalay ang mga katawan nila.

“Hayaan mo na ako.” Itinulak ni Lolo Inwok ang asawa. “Kaya ko. Malakas pa ako, hindi ba?”

“Hindi. Paano sina Kentoy at Ngayngay?” Maaaring sila ang kahuli-hulihang makasasampa sa barkong nasa lalamunan na ng umaalimbukay na laot.

Masyadong mababa ang loob ng beteranong kartero. Sa kung ano ang iniuudyok ng kaluluwa, tanging siya lang ang may maitutulong para makaligtas, mabuhay si Lola Lora. Pilit niyang pinaaalpas ang iisa nang kamay sa pagkakahawak nito.
Nakapangingilabot ang panaghuyan ng mga pasahero. Wala na ang mga tutulong sa kanila. Napaiyak ang kaniyang si Lora.

“Oo, naniniwala ako sa iyo. Kaya, susunod ako sa ginagawa ng lahat na nagliligtas ng mga mahal sa buhay. May pagkakataon pa, may panahon pa sa kamay ko.” Nasa isandaan pa ang tantiya sa mga natitirang pasahero.

Bumitiw sa pagkakahawak ang kamay ni Lolo Inwok.

 

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: