Quattro Club

Margaret (Chapter 12)

Gano’n nga ang ginawa ni Margaret. Di na siya nagpaumat-umat. Lumuwas agad sa Maynila. Baon niya pag-asang makikitang muli si Franz Lee. Pagkaraan ng napakaraming taon, maiibsan din ang pangungulila niya.
Pagyapak sa Maynila, hinanap niya ang publikasyon. Na kahit sibat pa humarang, di siya maaaring pigilan.
Tatahip-tahip ang dibdib niya habang kausap ang matandang guwardiyang nakabantay sa malaking gate. Sinabi niya, “magsa-submit po ako ng write-up contribution sa editor.” Nagpanggap siya upang makapasok sa loob ng gusali. Nasa kilatis naman niya.
Mabait naman ito. Walang tanong-tanong, pinapasok siya sa loob ng gusali.
May kalakihan ang gusali ng palimbagan ng OMNI. Umaayon ito sa pangalan ng magasin. Nakararating ito kahit sa mga kanugnog na probinsiya.
Pagtulak niya sa pintuang de-salamin, kamuntik siyang mapasigaw. Sorpresado pagkakita sa isang lalaking nakaupong kaharap ang computer. Mahaba ang buhok ng lalaking nakatalikod. Napagigitnaaan ang table nito ng pito pang table na de-computer.
“F-Franz,” halos pabulong niyang pakli sa lalaking mahaba ang buhok.
Lumingon ito sa kinatatayuan niya. “Sino ‘yan?”
Naglingunan sa kaniya mga kaopisina nito. Nagsitigil sa mga ginagawa sa harap ng kani-kaniyang computer. Naka-shades ang lalaki.
Mula sa isang maliit na opisina, lumabas ang isang maliit na babae. Nasa kalagitnaan ang edad, marahil, editor. “O, may bisita ka pala, Franz.” Di siya tuminag sa kinatatayuan.
Napansin ng babae ang kadisentehan niya habang nasa loob ng isang opisina. Kahit napakasimpleng puting blusa at brown slacks lang ang porma niya. Pati ang nasa regla, pinong pagkilos niya, at paggalaw ng mga mata.
Nginitian niya ang babae.
Ngumiti  rin ito. “Ba’t di mo muna paupuin, Franz. Mabuti nga may mang-istorbo sa ‘yo. Panay subsob ka kasi sa trabaho, tsiks naman atupagin mo paminsan-minsan,” tudyo nito sa lalaking long-hair.
Naupo siya sa bakanteng silya na nasa likuran ng lalaki.
Bago ito tumayo, tinanggal nito ang shades. Tumindig. Kakapa-kapa.
“Nabasa ko ang tula mo. Luma na, pero, cute s’ya. Kapangalan ko pa.”
“M-Margaret? Ikaw ba ‘yan?” tanong nito pagharap sa kaniya.
“Oo, honey,” pigil-hiningang tugon niya. “Hindi mo ba ‘ko nabobosesan?” Painot na humakbang ito, palapit sa kaniya. Kaya tumindig siya.
Kumunot ang noo ng lalaki. “H-Honey?” Napatitig sa kaniya.
Sapat na iyon upang makilala siya nito. Gusto niyang yumakap. Hagkan ito sa pisngi.
“H-Hindi ka galit sa ‘kin?” sabi nitong tila pag-aagam-agam.
“No, honey. I was the reason behind your downfall. ‘Wag mong sukatin ang pagmamahal ko sa ‘yo.” Kinuha niya ang nasa kamay nito.
Higit-kulang sampung taong di sila nagkita. May hihigit pa ba sa lahat ng nararamdaman niya ang tagpong ito? Ibinalik niya ang shades sa mata nito.
Sa kalagayan nila, literal ang kasabihang ang pag-ibig ay bulag.
Si Franz Lee ang unang yumakap. Kahit walang makita sa mata, batid niyang lumuluha ito. Nabasa ang kaliwang manggas ng blusa niya. Nadama niya iyon. Parang humaplos sa balat niya.
Niyakap din niya ito. Mas mahigpit. Wala nang makapipigil pa sa isang sabik na sabik niyang damdamin. Matagal na panahon ang ipinaghintay niya. Napahagulgol siya.
Naghiyawan ang mga nasa loob ng tanggapang iyon. “Yahoooo!”
May nagsipagtayo mula sa kanilang inuupuan. May nanatili sa mga upuan upang doon i-emote ang mga emosyon sa nasasaksihan. Nahiya talaga si Margaret sa mga ito. Nakaharap kasi siya sa kanila.
Ngunit, mas may hihigit kaya sa pag-iibigan nilang lahat na yata ng unos ay pinagdaanan? Ito marahil ang nasa isip ni Franz Lee na nasa isip ng mga kaopisina. Na hinahangaan yata siya. Alam niya, batid ng lahat ng nasa lunan ang mga danas nito sa buhay. Nakaaantig ng damdamin.
At si Margaret.
Kailangan pa bang isulat ‘yon? Kahit di niya sabihin, hindi pala totoong mapaglaro ang tadhana.
Di magkamayayaw sa luwalhating nasaksihan, nagpalakpakan ang mga saksi sa pagkikitang muli nina Margaret at Franz Lee. Biruin nga naman, sa harapan pa ng mga manunulat.
 Sa isang maliit, ngunit, disenteng kantina, di kalayuan sa gusali, sabik na nag-usap ang dalawa.
Ikinuwento ni Franz Lee ang patuloy na pagbisita rito noon nina Homer at Calvin. “Nagsipag-asawa lang pala sila. Pamilyado na sila. Paminsan-minsan na lang kung magsama-sama kami.”
Si Franz Lee ang humiling na maupo sila sa sulok. Alam na alam nito ang o-order-in: puto ube at sopas macao.
Ipinaalala ni Margaret ang dating propesyon nito. “Sayang, di mo nakikita ang mga nakasabit sa walls nito.”
“Di ko na s’ya pwedeng balikan. Hanggang sa pagiging kwentista na lang ako.”
“There are blind painters all over this world.”
“But I’m not one of those. At saka, ibang tao na ‘ko. Kung hindi ako tinulungan ng mga kaibigan ko, matagal na ‘kong patay.”
“Kaya ba maaga kang naparolado?” Nakatungo ito. Waring nakaalala ng buhay-bilibid.
Isinilbi ng waiter ang in-order nitong pagkain. Nagpatuloy ito sa pagkukuwento, karamihan, tungkol sa dalawang kaibigan.
“Maski ikaw, hindi na ikaw ang dati. Hindi mo ba naitatanong sa sarili mo?”
Naumid si Margaret. Parang nananarok si Franz Lee. “Hindi ako nagbago. Ito pa rin ako,” giit niyang walang pasubali.
“Di ka nagmahal ng iba? Di ka naghanap ng iba? Natiis mo sa haba ng panahon?”
“Di ako nagpadala sa tukso,” maagap niyang tugon. “Nakaya ko, dahil mahal pa kita. Hanggang ngayon, Franz. I-Ikaw?”
Nagtanggal ito ng shades. “Gano’n din ako. Lagi kitang napapanaginipan nung nasa Munti ako. Mahirap, Margaret,” hindi napaling ang ulo nito. Nakaharap lang sa wall na maraming dekorasyong paintings. “A, may mga panaginip na di nagaganap.” Napabuntong-hininga ito.
“Kaya ba, ito ang in-order mo?” Iniba niya ang usapan.
Dumampot siya ng isang puto. Kinagat ang kalahati niyon. Saka pangiting tumitig sa mata nito, na parang may ipinaaala.
“Can I call you honey?”
“Ako pa rin ang asawa mo, hon.”
Di nangiti si Franz Lee. Sinubuan niya ito. Saka idinampi ang mga labi sa mga labi nito. Matagal.
Napakalamig ng hanging ibinibigay ng centralized aircon na nasa tabi nila. Para silang kumakain sa mansyon noon.
Hindi na nila natapos ang pagkain. Hindi mapigilan nag-uumapaw sa kasabikang mga puso nila.
Sa loob ng middle-class na silid.
Si Franz Lee ang unang nagdulot sa kaniya ng gayon. Napakatagal nilang ipinag-adya sa mga sarili. Pakiramdam niya, para siyang nasa ilang na sinasabuyan ng nakatutulirong alak. Ang mga banal na sandaling iyon sa five-star na silid. Sa malamig na master suit. Sa maalinsangang kubol. Sa maaliwalas na kubo. Para siyang lumulublob ulit sa kumunoy. At, si Franz Lee, ang limatik na nagbabalik. Kailangan pa niyang mangunyapit sa nakaduklay na mayamungmong na puno upang di pugtuan ng hininga ng buhay. Ngunit sadyang panganlungan siya ng limatik na iyon, sumasaid din ng isipan.
“May maliit akong sanktuwaryo. Magugustuhan mo. Maliit lang. Pero, angkop na angkop sa trabaho mo.”
“Ikaw ang bahala.”
“Hihintayin kita.”
Dahil tulad ng isang tula, walang wakas ang pagmamahal niya. Tulad din ng kay Franz Lee. Tulad ng isang awit, hindi napariwara wagas na pag-ibig nang magsakripisyo ito. Tulad lamang ng dahon sa punong dapdap. Naglalaho upang palitan ng mapulang bulaklak.
“Ano? Buhay at nakalaya na si Sir Franz?” sambitla ni Nana Flora nang madatnan niyang katalamitan nito si Nana Ursula sa loob ng kubo.
Kilalang mariles ang bibig ni Nana Flora sa baryo, kaya di na niya kailangan ng megaphone para ipagkalat na lumaya na asawang matagal na nabilanggo.
“Hinangad mo buhay na ‘yan, s’ya mong kakamtin,” nagagalak na sang-ayon ni Nana Ursula pagkaraan na mailahad niya ang plano nilang mag-asawa.
Isang buwan ang lumipas. Kahit menopause na, di dinatnan si Margaret. Tinawagan niya agad si Franz Lee.
Dumating si Franz Lee na nag-iisa.
Nag-ingay ang mga gansa sa labas ng kawayang bakuran. Di nakikilala ng mga gansa ang dumating na bisita. “Kwak! Kwak! Kwak! Kwak!”
“Kaylan ka pa nag-alaga ng mga gansa?” sabi ni Franz Lee habang ginagabayan niya ito pag-akyat sa kubo. Magtatanghali ito nakarating sa baryo Sto. Niño.
“Kailan lang. Apat sila. Tig-iisa sa apat na poste nitong kubo. Mahalaga kasi sila rito. Nag-iingay sila kapag may mga ahas na gumagapang sa damuhan,” sabi niya habang tinutulungan itong maupo sa bangko katabi ng durungawan na maaliwalas.
“Naging magulo na ba’ng lugar na ‘to?”
“Hindi naman. Iba na kasi’ng may bantay sa bahay.”
Ipinatong niya sa ibabaw ng kawayang hapag-kainan ang mga dalang probisyon ni Franz Lee. Ang mga libro’t ibang babasahin, sa isang maliit na eskaparateng antigo.
Di nagtagal, pumanhik sa kubo si Nana Ursula. “Ikaw ba ‘yan, Franz Lee?” Yumukod itong bahagya, para kilalanin ang kausap.
“Ako nga po, Nana Ursula!”
“Diyos na mahabagin! Si Franz Lee nga! Nagbalik ka sa amin. Hindi na malulungkot si Margaret n’yan. Kaya lang, ba’t ka nakaantipara?”
“Bulag na s’ya, Nana Ursula!”
Kinagabihan, maagang nagpatay ng ilaw ang mag-asawa sa kubo. Taka ang matandang mag-aabot ng niluto nitong pagkain para sa mag-asawa. Paglapit sa kubo, malalakas na halinghing ang naulinigan nito sa likod ng dingding na sasang. Napapangiting humayo ang matanda.
Matay mang sabihin, isang bagong pulot-gata ang mayro’n sa loob ng kubo.
Mag-uumaga, nakaupo ang mag-asawa sa puno ng hagdang kawayan.
“Hindi muna ako babalik sa Maynila. Hangga’t di ko nakikitang inilabas mo na’ng anak natin,” sabi ni Franz Lee habang hinihimas ang tiyan ni Margaret.
“Dapat lang. Kasi di na kita papayagan ulit. Kailangan andito ka ‘pag isinilang ko anak natin. Para marinig mo rin ang pag-iyak n’ya.”
“Sa palagay mo, dapat kong mamis ang pinakamahalagang araw na ‘yon? Pagkaitan sarili kong di makita at marinig anak kong umiiyak?”
“Pa”no mo masisilayan, e, di ka naman nakakakita?”
Bigla na lamang tinanggal ni Franz Lee ang antipara. ‘O, ano?” Itinanghal ang mga mata.
Tumitig ito sa kaniya. Walang kakurap-kurap. Ang mga mata’y nangingislap tulad ng hamog.
Sa sobrang pagkasorpresa, di mahugot ni Margaret ang pagkamangha. Diyata’t nag-uusap sila nito mata sa mata! “Nakakakita ka?”
“Obvious ba?”
Nag-unahan ang dalawang luha pababa sa pisngi niya. Kinurot niya ito sa tagiliran nang pinung-pino. “Andaya-daya mo! Siguro, wala kang sakit no’n? At saka, nasulat ka siguro kay Nana Ursula, no?”
“Arayyyy ko! Magpapaliwanag ako, honey!” Niyakap siya ni Franz Lee. Napakahigpit.
Isang mahabang istorya ang nakatakdang isalaysay nito sa kaniya.
*WAKAS*
About the Author
Si Ronald Tumbaga ay sumusulat ng mga tula at maikling kuwento. Pinakahuling napasama ang Tula niyang MGA KOPLA, DIYONA, TANAGA, at DALIT sa antolohiyang Nonrequired Reading In the Time of Covid-19 Alternative Digital Poetry Magazine, Issue no. 4 ng Kasingkasing Press, Abril 2020. Isa siya sa nagwagi sa 1st Basho-an International English Haiku Competition, Enero 20, 2019, Tokyo, Japan. Ilan pang mga piyesang mga huling nalimbag: 3 MONOSTICHS, Proletaria Journal, Abril 22, 2019; ANAK NG BAYAN Bersiyong Pangradyo (Radio Version Edited Copy), Pebrero 4, 5, 2019, Radyo Balintataw, Dzrh; SINING NG KALAYAAN (tula), Poetika 2 Literary Anthology, Kasingkasing Press, Pebrero 9, 2019; ANG MGA TANONG NA WALANG SAGOT (prosa), ‘Katutubo: Ika-40ng Isyu ng Ani, Literari Dyornal ng Cultural Center of the Philippines; 2018; (tatlong Tula) SI SAMADHI AT ANG KAYAMANAN SA DULO NG BAHAGHARI, PAGLISAN, BADYAW, at (apat na Kuwentong Pambata) ANG MEDALYON NI JUAN, SI TANOY AT ANG LAPIANG ITLOG, ISANG MILYONG PARUPARO, SA TAG-ARAW, Gawad Alagad Panitikan 2, Literari Dyornal ng Dawn Poets Society, Setyembre 5, 2019; EIGHT HAIKU FOR CISSY, Persian Sugar in English Tea: A Bilingual Anthology of Contemporary Love Poems and Haiku Volume 3, Agosto 14, 2018. Noong Abril 2017, inimprenta ng Le Sorelle Publishing ang kauna-unahang self-published na booklet niya. Ang Kantawentong ANAK NG BAYAN ay isa sa mga nagwagi sa patimpalak ng naturang publikasyon para sa taong 2017.
Sa kasalukuyan, si Ronald Tumbaga ay patuloy pa ring sumusulat ng mga tula at maikling kuwento. Siya ang sumulat ng artikulong VIRTUAL PIGGYBANK SA PANDEMIC na inilathala sa website ng Quattro Club Journals.ph noong Mayo 28, 2020. Siya rin ang may-akda ng nobelang SYLVIA, na inilabas bilang e-book sa nasabi ring website noong Hunyo 1, 2020. Buwan ng Nobyembre, 2018, kasama ang maikling kuwento niyang PAGSUBOK, at dalawang tula, SUMPAAN, ANG AKING HABILIN sa book of anthology na ‘Marked for Love, Marked for Destiny’ (February Theme) Vols. 1&2 na inilimbag ng Le Sorelle Publishing.

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: