Nakahanda ka bang hugasan
puting puwit ng di kaano-ano,
langhapin ang nakasusulasok
na alingasaw ng dumi at ihi nito?
Buo ba ang iyong puso at utak
litanya ng mahabang pagkutya.
Ikintal sa utak ang bawat kataga
katulad ng katawang isinasabak.
Malusog ba ang iyong katawan
hanggang igupo ng puyat at pagod,
Na matulog sa isang divano?
Katulad ng nakasanayang bangkito
Bumabangon ka ba sa gitna ng gabi
Sa ungol at hikbi ng yong alaga?
Panggigising na kanyang ginagawa
Bunga ng sakit na di mapakali.
Kailan mo huling nakasalamuha
giorno di libero ng ‘bagong laya’,
aling piyesta iyong napuntahan,
ng kapwa Pinoy makatalamitam?
May lundag ba sa’yong puso
di Ama o Ina ang sinusubuan,
pinapaliguan sa bawat araw,
halili ng euro, palad na kinalyo?
Ito nga ba ay iyong pinili,
Pangarap na kinakandili?
Ikaw daw ay isang Bayani,
Palasak na sinasabi.