Quattro Club

Covid-19 Positive Cases sa Italia, Muling Sumikad

Sa mga nakalipas na araw ay kapuna-puna ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus sa bansang Italia, ngunit muli itong umangat sa 280 noong ika-23 ng Hulyo. At kahapon nga, pumalo ito sa 306, habang ang bilang ng nasawi ay umabot naman sa 10 sa buong bansa.

Bahagyang nakakaalarma ang datos na ito lalo pa at nagsisimula nang lumabas ang mga tao upang i-enjoy ang taunang pagpunta sa dagat sa tuwing panahon ng tag-init. Malaking bagay rito ang ayudang buhat sa gobyerno o ang Bonus Vacanze na ipinagkakaloob sa bawat pamilyang kwalipikado. Layunin ng naturang buono na bigyan ng pagkakataon ang mga residente sa bansa na makapagbakasyon, at upang isulong na muli ang turismo.

Matatandaang napasara ang lahat ng establisimyento at sektor kabilang na ang turismo, nang magkaroon ng quarantena o lockdown sa Italia bunsod na rin ng pagsikad ng bilang ng mga tinamaan ng naturang nakamamatay na virus. Mataas din ang bilang ng mga nasawi, at magpahanggang ngayon ay patuloy itong nadadagdagan.

Hindi man direktang tukoy ang dahilan ng muling pagtaas ng bilang ng mga positibo sa virus, kapuna-puna naman na ang ilang tao sa kalsada ay hindi na istrikto sa pagsusuot ng face mask. Ang ilan, mayroon ngang face mask ngunit kung hindi nasa siko ay nasa leeg na lang ang naturang proteksyon.

Posible nalilibang o nakakalimot na ang karamihan sa basic protocol dahil sa mabilis na pagbaba ng datos ng mga positibo.

Isang posibleng puntos rin ang pagbubukas ng border na dahilan ng pagdagsa ng  mga turista sa sa iba’t – ibang panig ng bansa. Sa kasalukuyan ay may travel ban pa rin hanggang sa ika-31 ng Hulyo. Hindi pa pinapayagan ang turistang magmumula o dadaan sa mga sumusunod na bansa: Armenia, Bahrain, Bangladesh, Bosnia Herzegovina, Brazil, Chile, Kosovo, Kuwait, North Macedonia, Moldova, Montenegro, Oman, Panama, Peru, Dominican Republic, Serbia.

Patuloy pa ring ina-update ang listahan ng mga bansang wala ng restriksyon o travel ban.

Isa pang posibleng factor ang pagdagsa ng mga nagbabakasyong residente dahil sa bonus vacanze na kaloob ng gobyerno bilang tulong sa pagbangon ng turismo. Ipinaaalala pa rin ng Health Ministry ng Italia na sa paggamit nito ay importante pa rin ang patuloy pa ring pagtupad ng lahat sa mahigpit na regulasyon ng pag-iingat tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng proteksyon tulad ng face mask o face shield.

 

 

 

 

Please feel free to comment

error: Content is protected
%d bloggers like this: