Subscribe
Mithing Regalo • Quattro Club Journals
Quattro Club Journals

Mithing Regalo

Malamig na simoy ng hangin, nagkikislapang ilaw at mga nakasabit na parol sa bintana, Christmas carols…tunay ngang nalalapit na ang pinakahihintay na Araw ng Pasko. Pero ano nga ba para sa bawat isa sa atin ang simbolo ng paskong darating?

Si Cresenciano dela Cruz, isang OFW na nakabase sa Brescia, Italy, ay isang composer. Kabilang sa kaniyang mga likha ay ang Misa Immacolata na binubuo ng ilang awiting pansimbahan, ang Plastic Balloon na may tema ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan ng mga Batang 90s at mga love songs tulad ng Il Ricordo, Alaala, Kung at Pangarap.

At dahil nalalapit na nga ang araw ng Pasko, naisipan din niyang mag-compose ng isang awiting handog niya sa bawat Filipino. Isang awiting sumisimbolo sa nilalaman ng kalooban ng bawat isa sa atin at iyan ay pinamagatan niyang Mithing Regalo.

Narito ang maikling interview na ipinaunlak sa atin ni Sir Cris:

Sa isang maikling description, tungkol saan ang Mithing Regalo at  paano mo nabuo ang concept na ito?

Cris: Ang Mithing Regalo ay tungkol sa kahit anong bagay o kahilingang nais nating makamit ngayong Araw ng Pasko. Nabuo ko ito isang araw na na-miss ko ang aking Inang Ising na nasa Pilipinas. Naidalangin ko na kung makakauwi lang sana ako, makakapiling ko siya.

Para kanino mo iniaalay ang awiting ito?

Cris: Gusto kong ialay ang Mithing Regalo sa aking pamilya dito sa Italia man o sa Pilipinas. Sa mga lolo, lola, tito, tita at mga pinsan, para sa  lahat ng mamamayang Filipino.

Ikaw, ano ang mithing regalo mo ngayong Pasko?

Cris: Makauwi at makasama ang mga mahal ko sa buhay nang kompleto at malalakas. Dalangin ko rin na sana ay gumaling ang aking Inang Ising at makasama kong muli, makakuwentuhan tulad noong nakakapagsalita pa siya…Miss na miss ko na ang kapeng lagi niyang tinitimpla para sa akin noon, ang pinakamasarap sa lahat, higit pa sa kapeng ipinagmamalaki ng Italia.

May mensahe ka ba na gusto mong sabihin sa ating mga kapwa Filipino?

Cris: Sa mga makakapanood ng Mithing Regalo, sana ay maramdaman niyo ang kaparehong damdamin ko nang ginagawa ko ang kantang ito. Pagpasensiyahan niyo na dahil walang professional touch ang video, pinagtulung-tulungan lang namin itong iedit . Gusto ko na rin tuloy pasalamatan lahat ng mga taong naging bahagi ng Christmas tribute na ito. Hindi ko na kayo maiisa-isa pero maraming-maraming salamat! Isang hindi malilimutang karanasan ito para sa akin at sana ay hindi ito ang huli. Gayundin ay Merry Christmas sa lahat, sa mga OFW na nagtitiis mawalay sa pamilya, at sa lahat ng Filipino sa buong mundo!

Narito ang link ng Mithing Regalo, composed by Maestro Cris and performed by 1StarNote under Crescentshine Production.

Mula sa Quattro Club Family, isang pagpupugay para sa’yo, kabayan!

 

 

 

Please feel free to comment

error: Content is protected

Thank you for opening your door to Quattro Club Journals!

There was an error while trying to send your request. Please try again.

Quattro Club Journals will use the information you provide on this form to be in touch with you and to provide updates and marketing.

If you want to receive more informative blog articles, product updates, and free vouchers, allow us to keep in touch with you.

%d bloggers like this: