Subscribe
Bakit Kailangang Magpakawala ng Tubig ang Dam sa Kasagsagan ng Bagyo? • Quattro Club Journals
Quattro Club Journals

Bakit Kailangang Magpakawala ng Tubig ang Dam sa Kasagsagan ng Bagyo?

Sa panahon ng tag-ulan, kung saan kabi-kabila ang mga bagyong nananalasa sa ating bansa, madalas na naisusumbat natin sa dam ang dahilan ng mga pagbaha. Maraming mga tanong at kanya-kanyang opinyon hinggil rito, na tila ba isang pagtataka sa lahat kung bakit kailangan pa ng dam gayong ito ang nagdudulot ng baha sa gitna ng pananalasa ng bagyo.

Ano nga ba talaga ang dam at bakit kailangan natin ito kung nagdudulot lang din ito ng kapahamakan sa mga tao?

Ang dam ay isang matibay na konkretong istruktura na ang layunin ay imbakan ng tubig na nagagamit sa maraming paraan. Isa sa mga pangunahing layunin sa pagpapatayo nito ay ang pagkaroon ng mapagkukunan ng elektrisidad o ‘yung tinatawag nating hydroelectric power.  Ang hydroelectric power ay isang uri ng kuryente na nanggagaling sa tubig upang suplayan ang pangangailangan ng isang komunidad.

Maaari ring gamitin sa irigasyon ang pondong tubig sa dam upang matulungan ang mga magsasaka para sa kanilang mga pananim. Mahalagang may sapat na imbak ang dam upang sa panahon ng tagtuyot ay may supply ng tubig sa pamayanan.

Malaking tulong ito sa isang komunidad. Ito ay maaaring pagkunan ng inumin, panluto at panlinis sa pang araw-araw na pamumuhay. Ang Angat Dam ang siyang nagsu-supply ng halos 90% ng potable water sa Metro Manila at mga karatig-lugar. Ang La Mesa Dam naman ang pinagkukunan ng tubig ng La Mesa at Balara Water Treatment Plant na siyang nagsu-supply ng tubig sa kanilang komunidad.

Ang dam ang nagsisilbing tagasahod o catch basin ng tubig-ulan mula sa mga nakapaligid na iba’t-ibang anyong tubig, upang hindi direktang makapaminsala sa mga kabahayan. Mayroon itong tinatawag na spilling level; ito ay ang required level o normal na level ng tubig sa imbakan upang mapanatili ang maayos na estado ng dam. Kapag napabayaan ang normal na level ng tubig, maaaring maging abnormal ang daloy nito sa imbakan na pwedeng pagmulan ng tensyon sa dam.

Mahalagang matibay ang pundasyon ng dam upang hindi ito magiba o bumigay pagdating ng mga sakuna kagaya ng lindol at baha. Importante na maayos ang pagkakagawa nito upang makaya nito ang tensyon ng tubig na naiipon rito.

Sa panahon ng tag-ulan, madalas na nakakaipon ng higit sa inaasahang tubig ang dam. Dahil diyan ay kakailanganin nitong magpakawala ng tubig upang mapanatiling maayos ang kapasidad nitong mag-imbak. Isinasagawa ang pagpapakawala ng tubig upang maiwasan ang pagkasira ng mga rubber gate ng dam at magdulot ng mas malala pang pagbaha at pinsala sa mga tao at kabuhayan ng buong komunidad.

Ang nangangasiwa sa pagmo-monitor ng dam ay ang National Irrigation Administration. Nagbibigay sila ng maagang abiso na nasa 6-10 oras bago ang takdang pagpapakawala ng tubig mula sa dam. Kailangang manatili silang nakaantabay upang abisuhan sa takdang oras ang lahat ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno. Sa gayon ay maiiwasan ang malaking pinsalang idudulot ng pagpapakawala ng tubig.

Sa Pilipinas, ang pinakamalaking dam ay ang San Roque Dam na matatagpuan sa probinsya ng Pangasinan. Ito ay may taas na 200 meters, may habang 1.2 kilometers, at may kapasidad na mag imbak ng 835 million cubic meter na tubig. Ang spilling level ng San Roque dam ay nasa 752 meters above sea sea level. Bukod dito may iba pang mga dam sa Pilipinas. Nariyan ang Angat dam sa Norzagaray, Bulacan; Ambuklao Dam sa mataas na bahagi ng Bokod Benguet; Agusan Dam sa Bukidnon; La Mesa Dam na nasa Quezon City; Magat Dam sa Isabela; Binga Dam sa Itogon Benguet; Ipo Dam sa Norzagaray Bulacan; Caliraya and lumot Dam na nasa Laguna at Wawa Dam na matatagpuan Rodriguez Rizal.

Sa artikulong inilabas ng  IOrbit News Online noong June 9, 2020, umapela ng tulong mula sa National Government si Bulacan Governor Daniel Fernando, matapos nitong mapag-alamang kailangang palitan ang mga rubber gate ng Bustos Dam na kilala rin sa tawag na Angat Afterbay Regulatory Dam. Kasama ang ilang opisyal ng NIA ay nagsagawa ito ng ocular inspection bunsod ng pagkasira ang Rubber Gate Bay 5 ng naturang dam.

Ayon naman kay Vice Governor Wilhelmino Sy Alvarado, delubyo ang aabutin ng probinsiya kung hindi agad mapapalitan ang mahihinang rubber gates ng Bustos Dam. Labing-anim na bayan ng Bulacan at mga karatig-pook ang nanganganib na lumubog at lubhang maaapektuhan sakaling bumigay nang tuluyan ang 6 na rubber gates nito.

Nangangahulugan ito na ang higanteng imbakan ng tubig, sa kabila ng marami nitong tulong sa komunidad, ay posible rin palang magdulot ng kapahamakan kung hindi ito mapapangasiwaan nang mabuti.

 

 

 

Please feel free to comment

error: Content is protected

Thank you for opening your door to Quattro Club Journals!

There was an error while trying to send your request. Please try again.

Quattro Club Journals will use the information you provide on this form to be in touch with you and to provide updates and marketing.

If you want to receive more informative blog articles, product updates, and free vouchers, allow us to keep in touch with you.

%d bloggers like this: