cards and candle for predictions

Mga Panghuhula o Predictions, Dapat ba Nating Paniwalaan?

Sa kabila ng patuloy na pagsulong ng siyensiya at teknolohiya, marami pa rin ang naniniwala sa mga hula o predictions. Marami ang kumukonsulta sa mga famous psychic para alamin ang mangyayari sa kanilang hinaharap, lalo na tuwing magpapalit ng taon.

Ang psychic/seer, o manghuhula sa Tagalog ay pinaniniwalaang may kakayahang makakita sa mga mangyayari sa hinaharap. Isa sa all-time famous psychic sa buong mundo ay si Nostradamus. Sino nga ba ang hindi nakakakilala kay Nostradamus na nabuhay mahigit limang daang taon na ang nakararaan ngunit kilala pa rin ng mga taong nabubuhay hanggang sa henerasyong ito? Pinaniniwalaan na ang kanyang mga hula o predictions na naisulat niya noon, isa-isang nangyayari hanggang sa kasalukuyan at sa mga susunod pang panahon na darating.

Ilan pang mga famous psychic sa buong mundo ay sina Kelly Dillon, Linda Lauren, Erika Gabriel, Karen Kilmartin, John Edward, at si Jessica Adams na sinasabing nakahula sa COVID-19 pandemic. 

Dito sa Pilipinas kung saan karamihan sa ating mga Filipino ay naniniwala sa mga hula o predictions, dalawang pangalan ang tumatak sa isipan ng mga Filipino, lalo na ang mahihilig sa social media. Sinasabi na karamihan sa kanilang mga hula o predictions na ipinost nila sa kanilang Facebook page ay nagkatotoo. Marami raw sa kanilang mga hula noong 2020 ay nangyari, kaya naman inaabangan ang mga prediction nila ngayong 2021. 

Rudy Baldwin — limang taong gulang pa lamang si Rudy Baldwin nang unang mapansin ng kanyang pamilya ang kakaiba niyang abilidad na makita ang mangyayari pa lang. 2015 nang hindi na niya nakayang bale-walain ang kakayahang maging tagakita sa hinaharap. Ayon sa kanya, hindi siya mapalagay at nagkandamalas-malas nang tangkain niyang bale-walain ang kakaibang abilidad. 

Ilan daw sa mga hula o predictions ni Baldwin noong 2020 ay nagkatotoo, gaya ng pagsabog ng Taal Volcano. Noong January 9, 2020, nag-post siya sa kanyang Facebook page na may sasabog na bulkan. Sumabog ang Taal Volcano noong January 23, 2020. Nag-post din siya na may sikat na tagaibang bansa na maaaksidente sa himpapawid. Ipinost niya ang tungkol dito noong January 7, 2020. Bumagsak ang private helicopter na sinasakyan ng sikat na NBA basketball player na si Kobe Bryant noong January 20, 2020 na ikinasawi niya, ng kanyang 13 years old na anak, at ng iba pang mga kasama.  

Ang mga sumusunod ay ilan pa diumano sa mga hula o predictions ni Rudy Baldwin na nagkatotoo:

  • Pagtama ng lindol sa Indonesia. Nag-post siya sa FB ng tungkol dito noong Sept. 4, 2019. At lumindol sa nasabing bansa noong Nov. 15, 2019.
  • Isa ring paglindol sa bansang Turkey. Jan. 20, 2020 nang i-post ni Baldwin ang tungkol dito. Apat na araw lang ang lumipas nang lumindol sa Turkey (January 23, 2020.)
  • Pagkamatay ng isang sikat na vlogger. Deretsong ipinahayag ni Baldwin sa post niya noong December 7, 2019 na isang vlogger ang mamamatay dahil sa cardiac arrest. September 4, 2020, biglang yumao ang sikat na vlogger na si Lloyd Cadena dahil sa cardiac arrest!
  • Pinaniwalaang nahuhulaan niya ang mga numerong tatama sa lotto. Pinatunayan ito ng isang babae mula sa Cotabato na nanalo diumano ng 65,000 pesos matapos tayaan sa lotto ang mga numerong ipinost ni Baldwin. 

Dahil sa mga nabanggit na hula o predictions ni Rudy Baldwin na nagkatotoo daw, lumobo ang mga followers niya sa Facebook na umaabot na sa mahigit tatlong milyon. Ang mga vision daw niya ay nangyayari, hindi sa panaginip kundi kapag gising siya.

Sa mga nag-aabang ng predictions ni Baldwin sa 2021, narito ang ilan sa mga nakakatakot na nakikita niyang mangyayari sa taong ito ng mga toro (ox):

  • Isang mataas na Asian leader ang papanaw. Nakikita raw ni Baldwin na maaaring bigla na lang babagsak sa harap ng maraming tao ang naturang leader. Puwede rin daw na ang ikamatay nito ay habang natutulog.
  • Isang malaking trahedya sa dagat ang magaganap diumano. Isang malaking barko ang lulubog kung saan napakaraming taong sakay ang mamamatay.
  • Tatlong Pinoy celebrities ang papanaw. Isang diumano ay tinagurian nang legend sa showbiz at aktibo pa rin hanggang sa kasalukuyan, maging sa pulitika. Isang artistang lalaki na mamamatay dahil sa murder. Diumano ay papasukin ito sa bahay. At isang teenager na artista na sa isang aksidente naman mamamatay.
  • Muli raw sasabog ang Taal Volcano.
  • Magaganap ang matitindi pang kalamidad at krimen.

Jay Costura — tinaguriang Nostradamus ng Social Media ang call center agent na si Jay Costura. Bata pa lang ay marami na raw siyang napapanaginipan na masasamang mangyayari. Narito ang hula o predictions niya noong 2020 na nagkatotoo raw:

  • Pagsabog ng Taal Volcano. Ipinost ni Costura ang tungkol dito noong December 16, 2019. Makalipas ang wala pang isang buwan, January 20, 2020 nang mangyari ang pag-aalboroto ng nasabing bulkan at maraming mamamayan na malapit sa bulkan ang naapektuhan. Umabot ang ashfall hanggang sa Metro Manila at mga karatig-bayan.
  • Ang naganap na barilan sa Resorts World Manila noong June 2017. 
  • Ang pagsadsad ng Xiamen Air sa NAIA noong August 2018.
  • “Isang sakit na dala ng hangin.” Ito ang eksaktong sinabi ni Costura at diumano ay ang COVID-19 na kumalat sa buong mundo, na hanggang ngayon ay nararanasan pa rin ng maraming bansa. 

Narito naman ang ilang predictions ni Costura:

  • Napanaginipan niya ang isang bolang nag-aapoy na babagsak daw, hindi man direktang tatama sa Earth. Makalipas ang ilang buwan, naglabas ng statement ang NASA administrator na posibleng mag-crash sa Earth ang asteroid 99942 Apophis na sinasabing maaari daw tumama sa April 13, 2029, eksaktong Friday the 13th. 
  • Magpapatuloy ang matitinding bagyo at iba pang kalamidad gaya ng lindol.
  • Sa positibong aspeto, sinabi ni Costura na sa taong 2021, magkakaroon ng progresibong pag-angat ang bansa. Dahil diumano 2021, ang number 1 ay senyales ng magandang simulain.

Ngunit may mas nakakakilabot pa ba sa mga prediction ng tanyag na si Nostradamus? Narito ang kaniyang mga sinabi:

“Few young people: half−dead to give a start. Dead through spite, he will cause the others to shine, And in an exalted place some great evils to occur: Sad concepts will come to harm each one, Temporal dignified, the Mass to succeed.

“Fathers and mothers dead of infinite sorrows, Women in mourning, the pestilent she−monster: The Great One to be no more, all the world to end.”

Nangangahulugan nga ba itong ang 2021 ang unang taon ng tinatawag na Zombie Apocalypse kung saan mag-e-exist ang mga half-dead people na sanhi ng isang kakaibang virus tulad ng mga nababasa at napapanood natin? O baka naman ang mga ganitong panghuhula pa mismo ang ginagawang gabay ng ilan para sa kanilang mga pansariling agenda?

Totoo man o nagkataon lang, naniniwala ka man sa mga hula o hindi, iisa lang ang totoong higit nating dapat paniwalaan, tanging ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. Maaari Niyang pahintulutan o maaari Niyang pigilan ang masasamang pangyayari. Huwag nating iasa ang ating kapalaran sa mga hula o prediction dahil ang mga psychic na ito ay nilalang din lang naman ng Diyos. 

“God controls everything,” ang sabi nga sa Ingles. Hindi nating kailangang matakot sa masasamang predictions ng mga psychic para lang matuto tayong palaging magdasal. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

error: Content is protected