Presidential Aspirants 2022: Porma o Plataporma (Ikalawang Bahagi)

Sa unang bahagi ng artikulo tungkol sa plataporma ng mga presidentiables, nalaman natin ang iba’t ibang plano ng limang kilala at nangunguna sa surveys. At ngayon, atin namang tuklasin ang mga plataporma at plano ng natitira pang limang presidentiables kung sakaling palaring maging susunod na Chief Executive ng Pilipinas.

Sila ang mga maituturing na “ill-favored” or least favorite na presidentiables. Palaging nangungulelat sa surveys at hindi masyadong dinudumog ang campaign rallies. Pero sa kabila ng masasabing “suntok sa buwan” na panalo, bakit nga ba ninais nilang tumakbo pa rin? Ano-ano ba ang mga plataporma at plano nila para sa ating bansa?

Isa-isa natin silang kilalanin.

Leody de Guzman

Mas kilala sa tawag na “Ka Leody.” Sa limang presidentiables ng grupong ito, siya na marahil ang pinakakilala. Isa siyang labor leader at activist, at nagtapos ng Bachelor of Science in Customs Administration sa Philippine Maritime Institute. Nagsimula ang pagiging aktibista niya pagkatapos na ma-assassinate ng dating senador at anti-Marcos figure na si Benigno Aquino, Jr. Mula noon hanggang ngayon, ang layunin ni Ka Leody ay ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawang Filipino. 

Unang sumabak sa pulitika si Ka Leody nang tumakbo siyang senador noong 2019, subalit hindi pinalad. Ngayong 2022, tumatakbo siya bilang pangulo sa ilalim ng Partido ng Laban ng Masa. Ka-tandem niya ang dating representative na si Walden Bello na tumatakbo sa pagkapangalawang pangulo.

Sa kabila ng mababang rating sa mga survey, nananatiling pursigido si Ka Leody sa kanyang pagtakbo at pagnanais na maisulong ang kanyang mga plataporma.

“Ang platapormang bitbit namin ni Walden ay ang tanging plataporma ngayong eleksyon na handang komprontahin ang yaman, interes, at kapangyarihan ng mga bilyonaryo, na nagawa pang lumago sa panahon ng pandemya’t resesyon habang milyon-milyong Pilipino ay lugmok sa kahirapan” ang pahayag niya.

  • Isa sa mga proposal niya ang gawing 750 pesos ang minimum wage, mapa-urban o rural man; at i-impose ang “billionaire’s tax” sa 250 na pinakamayayamang pamilya sa bansa. 
  • Tuluyang i-abolish ang contractualization sa lahat ng manggagawa sa pamamagitan ng mandatory direct hiring sa mga empleyado.
  • Agarang salary hike para sa mga healthcare provider at iba pang COVID-19 frontliners. Accessible, libre, at de-kalidad na healthcare para sa lahat.
  • Ihinto ang tinatawag nilang “Marcos-Duterte axis of evil” (patungkol kay Presidente Duterte na sinasabing kaalyado noon pa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.)
  • Planong hukaying muli ang libingan ng dating pangulong Marcos at ialis sa Libingan ng mga Bayani.
  • Isulong ang pagbasura sa 2020 Anti-Terrorism act kung saan hindi pa ganap na naisasabatas sa dami ng petisyon sa Korte Suprema. Ituloy ang pagkakaroon ng peace talks sa mga rebeldeng komunista.
  • Ihinto ang patuloy na pang-uusig sa media at magkaroon ng tiyak na kalayaan sa mga mamamahayag at pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.
  • Isulong ang pagtuloy ng rice tariffication para protektahan ang mga magsasaka.
  • Planong pagsulong ng iba pang batas para sa kapakanan ng mga magsasaka. 
  • Pagkansela ng pagbabayad ng utang sa loob ng limang taon upang maka-recover ang bansa.
  • Makumpiska ang sinasabing “ill-gotten wealth” ng mga Marcos.
  • Alisin ang mga military force at ipaglaban ang human rights.
  • Magkaroon ng independent foreign policy.
  • Pagsuporta sa non-majoritarian ethnic communities.
  • Pagkakaroon ng gender equality and rights.
  • Pagdinig sa mga hinaing ng mga manggagawa at jeepney drivers.
  • Pagkakaroon ng oil deregularization
  • Maibalik sa gobyerno ang lahat ng utility services gaya ng elektrisidad, tubig, telecommunications, at iba pa.
  • Alisin ang pagpapataw ng VAT sa mga simpleng mamamayan.
  • Pagtulong sa maliliit na negosyante o micro-medium enterprises.

Ernesto Abella

Kilala si Ernesto Abella bilang long-time supporter ni Presidente Duterte. Siya ay isang businessman, manunulat, at pastor. Nagsilbi siya bilang under secretary ng Department of Foreign Affairs mula 2017 hanggang 2021, at naging presidential spokesperson ni Pangulong Duterte mula 2016 hanggang 2017.

Sa kasalukuyan, si Abella ay kumakandidato bilang independent. Kahit malapit siya sa pangulo, ninais niyang kumandidato nang walang suporta mula rito para isulong ang kanyang mga plataporma.

“Unang-una po… ang plano po natin ay gawin po nating isang mega-industry ang agrikultura. Hindi lang po siya basta paigtingin kundi gawin po talaga natin siyang isang mega-industry para in one blow masagot po natin ang mga pangangailangan,” pahayag ni Abella. 

  • Pangarap niyang gawing “mega-industry” ang agrikultura ng Pilipinas.
  • Nais niyang i-promote ang partisipasyon ng mga ordinaryong mamamayan at maliliit na negosyante sa pagpapatakbo ng gobyerno.
  • Pagkakaroon ng karapatan ng lahat sa food and healthcare services para sa mga bata at senior citizens.
  • Maibalik ang tiwala ng mga tao sa gobyerno.
  • Pagbabalanse ng kapangyarihan sa pagitan ng gobyerno at malalaking negosyo.
  • Libreng pagkain at healthcare sa mga bata sa unang isang libong araw niya sa panunungkulan para suportahan ang mga kabataang maging susunod na leaders ng bansa.
  • Ilapit ang gobyerno sa mamamayang Filipino.
  • Ihango ang mga Filipino sa kahirapan.
  • Palakasin ang economic at national security.
  • Magkaroon ng national volunteer corps
  • Isulong ang pagtangkilik sa wikang Filipino.

Norberto Gonzales 

Si Norberto Gonzales ay nakilala sa mundo ng pulitika nang maging national security adviser, defense secretary, at presidential chief of staff sa ilalim ng Administrasyong Arroyo. Mahabang panahon ng buhay niya ay ginugol sa activism, union organizing, at peace talks negotiation. Pinangunahan niya ang Philippine Democratic Socialist Party na nagsimula sa mga protest movement noong 1970s at sumama sa mga rally laban sa Marcos administration. Naging aktibo rin siya noon sa peace talks sa MNLF at sa pag-aklas para mapatanggal ang dating pangulong Joseph Estrada bilang pangulo. Nagtapos siya ng pre-med course sa Ateneo de Davao.

Si Gonzales ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Demokratiko Sosyalista Pilipinas.

  • Ipa-prioritize niya ang “structural changes” sa political system ng bansa na magiging daan para mapabilang sa “first world country.”
  • Planong pagbibigay ng scholarships para sa mga guro at i-implement ang “standard education” para sa lahat ng estudyante. Dapat na walang pagkakaiba sa pagtuturo at pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mahirap man o mayaman. “Iba ang pagsasanay na ibinibigay, pag-aaral na ibinibigay natin sa mga anak ng mahihirap at anak ng mayayaman. Dapat binabago natin iyan. Ang standard ng ating pag-aaral dapat isa lamang,” sabi pa ni Gonzales sa isang speech na in-air sa Campaign S.A.F.E Comelec e-Rally Channel.

“Ang uunahain ko ay ‘yong ating istraktura sa politika. Para bang ang mga politiko pa natin ang humaharang para ang ating bayan ay umunlad, umusad, at maging first world,” sabi pa ni Gonzales sa isang panayam.

Jose Montemayor, Jr.

Si Jose Montemayor, Jr. ay isa marahil sa mga “least popular” sa sampung presidentiables ngayong Eleksiyon 2022. Gayunpaman, napakabigat at impressive ng kanyang education at achievements na masasabi nating sapat para sabihing isa siya sa mga kuwalipikadong tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas.

Isa siyang cardiologist na affiliated sa ilang major hospitals sa bansa. Author din siya ng ilang published medical, law, criminology, at economic books. At ngayon ay tumatakbo siya sa ilalim ng Democratic Party of the Philippines at ka-tandem niya si Rizalito David na isang pro-life advocate at hindi na rin masasabing baguhan sa pagtakbo sa pulitika pero palaging hindi pinapalad. 

Ilan lamang sa plataporma ni Montemayor na nais niyang isulong sakaling palaring maupo sa Malacanang:

  • Isa siyang relihiyosong tao kaya hindi siya pabor sa same-sex marriage, abortion (maliban na lamang kung gagawin for medical reasons), divorce, at death penalty.
  • COVID-19 vaccine. Hindi siya pabor na gawin itong mandatory. Bagama’t sinusuportahan niyang matapos na ang pandemic, dahil nasa experimental stage pa ang COVID-19 vaccine ay maaari itong magkaroon ng harmful reaction sa ibang individuals.
  • Tuluyang mawala ang corruption.
  • I-improve ang kampanya para tuluyang masugpo ang illegal drugs
  • Ma-achieve ang full employment o pagkakaroon ng trabaho ng maraming Filipino.
  • Mabawasan ang kahirapan at ganap nating makuha ang economic prosperity.
  • Magkaroon ng holistic approach patungkol sa West Philippine Sea.  
  • Suportahan ang mga proyekto para sa kapakanan ng mga migrant Filipinos
  • Isulong ang kalayaan sa pamamahayag
  • De-kalidad na edukasyon.
  • Pakikipag-negotiate sa iba’t ibang rebeldeng grupo.
  • Advancement o mapaunlad ang agrikultura at imprastraktura.

Faisal Mangondato

Si Faisal Mangondato ay kabilang sa ating mga kapatid sa Islam community. Bago pa siya sumabak sa mundo ng pulitika ay isa siyang negosyante. Isinilang at lumaki siya sa Ramain, Ditsaan, Lanao del Sur, at kasalukuyang naninirahan sa Marawi City.

Una siyang sumubok na tumakbo sa pagkasenador noong 2019, pero hindi pinalad. At ngayon, muli siyang susubok na makaupo sa pamahalaan para sa pinakamataas na katungkulan. Siya ang standard bearer ng partidong Katipunan ng Kamalayang Kayumanggi. Nakilala rin siya noong mag-submit siya ng file protest para sa kandidatura nina Rodrigo Duterte at Grace Poe sa pagkapangulo noong 2016. Nabigo rin siyang mag-launch ng bid bilang regional governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao bilang independent.  

“Ang sistemang nakita naming may problema, sino man ang italagang pangulo sa sistema ay hindi pa rin makakamtan ang gustong pagbabago ng ating pamahalaan,” pahayag ni Mangondato sa isang interview sa Campaign S.A.F.E. Comelec e-Rally Channel.

“Nais naming i-alok sa maraming tao dito sa Pilipinas ang federalismo. Gusto namin ang pagtawid natin sa federalism dahil ilalapit namin ang ating pamahalaan sa mga tao para makapagsilbi at makagawa ng mga magagandang programa sa agrikultura, sa industry, sa tungkol sa kalusugan at sa programang edukasyon.” 

Maraming plataporma at plano si Mangondato para sa ikauunlad ng Pilipinas, gaya na lang ng pangkalusugan, edukasyon, pag-ahon mula sa kahirapan, at iba pang suliranin ng bansa. Ngunit gaya ng sinabi niya, unang dapat na baguhin ang sistema ng ating pamahalaan.

Nasa kamay nating lahat ang kapangyarihang makamit ang tuluyang pagbabago para sa ikauunlad ng ating bansa. Sa loob ng mahigit tatlumpung dekada, at sa ilalim ng pamumuno ng iba’t ibang pangulo, bawat isa sa kanila ay may achievements at may failures. Marahil karamihan sa atin ay naniniwala na layunin din naman ng mga nagdaang pangulo na mapaunlad ang ating bansa dahil tayong mga Filipino rin naman ang makikinabang.

Ngunit hindi natin dapat iasa lahat sa gobyerno ang mga solusyon. Bilang Filipino, may obligasyon tayong tulungan at suportahan ang sinumang maupong presidente. Kaya bilang pagtatapos, ang mensahe namin para sa lahat, maging matalino sa pagpili ng susunod na pangulo. Napakahalaga ng boto ng isang Filipino. At sana, sino man ang palarin sa darating na May 9, hindi man siya ang gusto nating magwagi o tinuligsa man natin siya sa panahon ng kampanya, napakahalagang suportahan natin siya sa pagharap sa kaniyang pamumuno sa loob ng susunod na anim na taon. Nasa kamay nating lahat ang kapangyarihan para tuluyang maibangon ang Pilipinas at makilala bilang isang maunlad na bansa.

Ikaw, bilang mamamayang Filipino na may malasakit sa ating bayan, sino sa tingin mo ang kandidatong karapat-dapat sa posisyon bilang susunod na pangulo ng Pilipinas?

Sino sa mga sumusunod na presidential aspirants ang iyong iboboto? Live

  • Abella, Ernie
    0% 0 / 46
  • de Guzman, Leody
    0% 0 / 46
  • Domagoso, Isko Moreno
    8% 4 / 46
  • Gonzales, Norberto
    0% 0 / 46
  • Lacson, Ping
    0% 0 / 46
  • Mangondato, Faisal
    2% 1 / 46
  • Marcos, Bongbong
    63% 29 / 46
  • Montemayor, Josie
    0% 0 / 46
  • Pacquiao, Manny Pacman
    4% 2 / 46
  • Robredo, Leni
    21% 10 / 46

 

 

 

 

You May Also Like